Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 45:3-11

“Ako si Jose!” ang pagtatapat niya sa kanyang mga kapatid. “Buháy pa bang talaga ang ating ama?” Nagulantang sila sa kanilang narinig at hindi nakasagot. “Lumapit kayo,” sabi ni Jose. Lumapit nga sila, at nagpatuloy siya ng pagsasalita, “Ako nga si Jose, ang inyong kapatid na ipinagbili ninyo sa Egipto. Ngunit huwag na ninyong ikalungkot ang nangyari. Huwag ninyong sisihin ang inyong sarili sa ginawa ninyo sa akin. Ang Diyos ang nagpadala sa akin dito upang iligtas ang maraming buhay. Dalawang taon pa lamang ang taggutom, limang taon pa ang darating at walang aanihin sa mga bukirin. Pinauna ako rito ng Diyos upang huwag malipol ang ating lahi. Kaya, hindi kayo kundi ang Diyos ang nagpadala sa akin dito. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapangasiwa ng kanyang sambahayan at tagapamahala ng buong Egipto.”

Sinabi(A) pa ni Jose, “Bumalik kayo agad sa ating ama at ibalita ninyo na ako ang pinapamahala ng Diyos sa buong Egipto. Sabihin ninyong pumarito agad siya sa lalong madaling panahon. 10 Doon siya titira sa lupain ng Goshen para mapalapit sa akin. Ang lahat niyang mga anak, mga apo, mga tupa, kambing, baka at lahat ng inyong ari-arian ay kanyang dalhin. 11 Doo'y mapangangalagaan ko kayo. Limang taon pa ang taggutom, at hindi ko gustong makita ang sinuman sa inyo na naghihirap.

Genesis 45:15

15 Patuloy siyang umiiyak habang isa-isang hinahagkan ang ibang kapatid.

Mga Awit 37:1-11

Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti

Katha ni David.

37 Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
    huwag mong kainggitan liko nilang gawa.
Katulad ng damo, sila'y malalanta,
    tulad ng halaman, matutuyo sila.
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,
    at mananahan kang ligtas sa lupain.
Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,
    at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.

Ang iyong sarili'y sa kanya italaga,
    tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
Ang kabutihan mo ay magliliwanag,
    katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya;
    huwag mong kainggitan ang gumiginhawa,
    sa likong paraan, umunlad man sila.

Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana;
    walang kabutihang makakamtan ka.
Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan,
    ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.

10 Hindi magtatagal, sila'y mapaparam,
    kahit hanapin mo'y di masusumpungan.
11 Tatamuhin(A) ng mga mapagpakumbaba, ang lupang pangako na kanyang pamana;
    at sa lupang iyon na napakasagana, ang kapayapaa'y matatanggap nila.

Mga Awit 37:39-40

39 Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid,
    iingatan sila kapag naliligalig.
40 Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan
    laban sa masama, ipagsasanggalang;
    sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan.

1 Corinto 15:35-38

Ang Uri ng Katawan sa Muling Pagkabuhay

35 Subalit may magtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?”

36 Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga't hindi iyon namamatay. 37 At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi. 38 Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan.

1 Corinto 15:42-50

42 Ganyan din sa muling pagkabuhay ng mga patay. Ang inilibing ay mabubulok, ngunit hindi mabubulok kailanman ang muling binuhay; 43 walang karangalan at mahina nang ilibing, marangal at malakas sa muling pagkabuhay; 44 inilibing na katawang pisikal, muling mabubuhay bilang katawang espirituwal. Kung may katawang pisikal, mayroon ding katawang espirituwal. 45 Ganito(A) ang sinasabi sa kasulatan, “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay”; ang huling Adan ay espiritung nagbibigay-buhay. 46 Ngunit hindi nauna ang espirituwal; ang pisikal muna bago ang espirituwal. 47 Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha siya mula sa alabok; ang pangalawang Adan ay mula sa langit. 48 Ang katawang panlupa ay katulad ng nagmula sa lupa; ang katawang panlangit ay katulad ng nagmula sa langit. 49 Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit.

50 Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang nasisira ay hindi maaaring magmana ng hindi nasisira.

Lucas 6:27-38

Ang Pag-ibig sa Kaaway(A)

27 “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. 29 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit. 30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. 31 Gawin(B) ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo.

32 “Kung ang nagmamahal lamang sa inyo ang inyong mamahalin, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Ang mga makasalanan man ay nagmamahal din sa mga nagmamahal sa kanila. 33 Kung ang mga gumagawa lamang ng mabuti sa inyo ang gagawan ninyo ng mabuti, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Kahit ang masasamang tao ay gumagawa rin niyan! 34 At kung ang makakabayad lamang ang inyong pauutangin, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Kahit ang masasamang tao ay nagpapautang din sa kapwa nila masama, sa pag-asang sila'y mababayaran. 35 Sa(C) halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa kanila. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat siya'y mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong magpasalamat. 36 Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama na mahabagin.”

Ang Paghatol sa Kapwa(D)

37 “Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan. Magpatawad kayo at kayo'y patatawarin. 38 Magbigay kayo at kayo'y bibigyan din; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.