Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David.
138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
2 Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
3 Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
4 Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
5 ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
6 Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
7 Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
8 O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Namatay si Aaron sa Bundok ng Hor
22 Naglakbay ang mga Israelita mula sa Kades at nakarating sa Bundok ng Hor, 23 sa may hanggahan ng lupain ng Edom. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 24 “Mamamatay si Aaron at hindi siya makakapasok sa lupaing ibibigay ko sa Israel sapagkat sinuway ninyo ang utos ko sa inyo sa Meriba. 25 Isama mo siya at ang anak niyang si Eleazar sa itaas ng Bundok ng Hor. 26 Pagdating doon, hubarin mo ang kasuotan niya at isuot mo iyon kay Eleazar. At doon na mamamatay si Aaron.” 27 Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Umakyat sila sa bundok habang nakatingin ang buong bayan. 28 Pagdating(A) sa itaas ng bundok, hinubad ni Moises ang kasuotan ni Aaron at isinuot kay Eleazar. Doon ay namatay si Aaron, subalit sina Moises at Eleazar ay bumalik sa kapatagan. 29 Nang malaman ng sambayanan na patay na si Aaron, tatlumpung araw silang nagluksa.
19 Kumain siya at nagbalik ang kanyang lakas.
Nangaral si Saulo sa Damasco
Si Saulo'y ilang araw na kasa-kasama ng mga alagad sa Damasco. 20 At agad siyang nangaral sa mga sinagoga na si Jesus ang Anak ng Diyos. 21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba ito ang dating umuusig doon sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalan ni Jesus?” tanong nila. “Hindi ba't naparito nga siya upang sila'y dakpin at dalhing nakagapos sa mga punong pari?”
22 Ngunit lalong naging makapangyarihan ang pangangaral ni Saulo at walang maisagot ang mga Judiong naninirahan sa Damasco sa kanyang pagpapatunay na si Jesus ang Cristo.
23 Pagkaraan(A) ng maraming araw, nagkaisa ang mga Judio na patayin si Saulo. 24 Araw at gabi ay inaabangan nila si Saulo sa mga pintuang-bayan para patayin, ngunit nalaman niya ito. 25 Kaya't isang gabi, inilagay siya ng kanyang mga alagad sa isang basket at ibinabâ sa kabila ng pader.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.