Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti
Katha ni David.
37 Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
huwag mong kainggitan liko nilang gawa.
2 Katulad ng damo, sila'y malalanta,
tulad ng halaman, matutuyo sila.
3 Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
4 Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.
5 Ang iyong sarili'y sa kanya italaga,
tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
6 Ang kabutihan mo ay magliliwanag,
katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
7 Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya;
huwag mong kainggitan ang gumiginhawa,
sa likong paraan, umunlad man sila.
8 Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana;
walang kabutihang makakamtan ka.
9 Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan,
ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.
10 Hindi magtatagal, sila'y mapaparam,
kahit hanapin mo'y di masusumpungan.
11 Tatamuhin(A) ng mga mapagpakumbaba, ang lupang pangako na kanyang pamana;
at sa lupang iyon na napakasagana, ang kapayapaa'y matatanggap nila.
39 Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid,
iingatan sila kapag naliligalig.
40 Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan.
Nagmakaawa si Juda
18 Lumapit si Juda kay Jose at ang sabi, “Nakikiusap po ako, ginoo, kung inyong mamarapatin. Huwag sana ninyong ikagagalit. Ang turing ko sa inyo'y para na kayong Faraon. 19 Ginoo, tinanong ninyo kung mayroon pa kaming ama at kapatid. 20 Ang sabi po nami'y may ama kaming matanda na at bunsong kapatid na anak niya sa katandaan. Patay na ang kapatid nito at siya na lamang ang buháy na anak ng kanyang ina, kaya mahal na mahal siya ng aming ama. 21 Iniutos ninyong dalhin namin siya rito upang inyong makita. 22 Ipinaliwanag po naming mahirap ilayo sa aming ama ang bata sapagkat maaaring ikamatay niya ito. 23 Ngunit ang sabi naman ninyo'y hindi na ninyo kami tatanggapin dito kung hindi namin siya maihaharap sa inyo.
24 “Ang lahat ng ito'y sinabi namin sa aming ama nang umuwi kami. 25 Muli kaming inutusan ng aming ama na pumarito upang bumili ng kaunting pagkain. 26 Ipinaalala namin sa kanya na hindi ninyo kami tatanggapin kung hindi kasama ang bunso naming kapatid. 27 Sinabi po niya sa amin, ‘Alam naman ninyong dalawa lamang ang anak ng kanilang ina. 28 Wala na ang isa; maaaring siya'y niluray ng mabangis na hayop. 29 At kung ang natitira ay isasama pa ninyo, maaaring mamatay ako sa dalamhati.’
30 “Ang buhay po ng aming ama ay karugtong na ng buhay ng bata, kaya kung babalik kami na hindi ito kasama, 31 tiyak na siya'y mamamatay. Kapag nakita niyang hindi namin kasama ang bata, malalagutan siya ng hininga dahil sa kalungkutan. 32 Ang isa pa'y itinaya ko ang aking buhay para sa bata. Sinabi ko po na kung siya'y hindi ko maibabalik, ako ang buntunan niya ng sisi. 33 Kaya kung papayag kayo, ako na ang alipinin ninyo sa halip na itong aking bunsong kapatid. Pahintulutan na ninyong isama siya ng iba kong mga kapatid. 34 Hindi po ako makakauwi kung hindi kasama si Benjamin. Hindi ko po makakayanan ang matinding dagok na darating sa aming ama, kung iyon ang mangyayari.”
Makipagkasundo sa Kaaway(A)
57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang tamang gawin? 58 Kapag ikaw ay isinakdal, sikapin mong makipagkasundo ka sa nagsakdal sa iyo bago dumating sa hukuman; baka kaladkarin ka niya sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa tanod, at ibilanggo ka naman nito. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.