Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
UNANG AKLAT
Ang Tunay na Kagalakan
1 Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama,
at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa.
Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya
at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.
2 Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh.
Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
3 Katulad(A) niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan,
laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon.
Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.
4 Hindi gayon ang sinumang gumagawa ng masama,
ito ay tulad ng ipa, hangin ang siyang nagtatangay.
5 Sa araw ng paghuhukom, parusa niya'y nakalaan
siya'y ihihiwalay sa grupo ng mga banal.
6 Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay,
ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan.
20 Masdan ninyo, mga taga-Jerusalem! Dumarating na mula sa hilaga ang inyong mga kaaway. Nasaan ang mga taong ipinagkatiwala sa inyo, ang bayang ipinagmamalaki ninyo? 21 Ano ang sasabihin mo kapag sinakop ka at pinagharian ng mga taong inakala mong mga kaibigan? Maghihirap ka tulad ng isang babaing nanganganak. 22 At kung itanong mo kung bakit nangyari ito sa iyo: kung bakit napunit ang iyong damit, at kung bakit ka pinagsamantalahan; ang dahilan ay napakabigat ng iyong kasalanan. 23 Kaya bang baguhin ng isang Etiope ang kulay ng kanyang balat o maaalis kaya ng isang leopardo ang kanyang mga batik? Kapag iyan ay nangyari, matututo na rin kayong gumawa ng matuwid, kayo na walang ginagawa kundi pawang kasamaan. 24 Dahil dito, pangangalatin kayo ni Yahweh, tulad ng ipang ipinapadpad ng hangin. 25 “Iyan ang mangyayari sa inyo,” sabi ni Yahweh. “Iyan ang gagawin ko sa inyo, sapagkat ako'y kinalimutan ninyo at naglingkod kayo sa mga diyus-diyosan. 26 Huhubaran kita at malalantad ka sa kahihiyan. 27 Nakita ko ang mga kasuklam-suklam na gawa mo: Ang iyong pagsamba sa mga diyus-diyosang nasa mga burol at kabukiran; tulad ng lalaking nagnanasa sa asawa ng kanyang kapwa, gaya ng kabayong lalaki na humahalinghing pagkakita sa isang kabayong babae. Nakatakda na ang iyong kapahamakan, Jerusalem! Kailan ka pa kaya magsisisi upang maging malinis ka?”
17 Walang kinikilingan ang Diyos. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa mga ginawa nila. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, mamuhay kayong may takot sa kanya habang kayo'y nasa mundong ito. 18 Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Tinubos kayo hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, tulad ng ginto o pilak, 19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya'y tulad ng korderong walang dungis at kapintasan. 20 Itinalaga siya ng Diyos bago pa nilikha ang daigdig, at alang-alang sa inyo ay ipinahayag sa mga huling araw na ito. 21 Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.
22 Ngayon nalinis na ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pagmamahal sa mga kapatid. Kaya, maalab at taos-puso kayong magmahalan. 23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira, kundi sa pamamagitan ng buháy at walang kamatayang salita ng Diyos. 24 Ayon(A) sa kasulatan,
“Ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan.
Ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay kumukupas,
25 ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”
Ang salitang ito ay ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.
Ang Batong Buháy at ang Bayang Pinili
2 Kaya nga, talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.