Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 120

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

120 Nang ako'y manganib, kay Yahweh dumaing,
    dininig niya ako sa aking dalangin.
Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang,
    Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang.

Sa kamay ng Diyos, kayong sinungaling,
    ano kayang parusa ang inyong kakamtin?
Tutudlain kayo ng panang matalim,
    at idadarang pa sa may bagang uling.

Ako ay kawawa; ako ay dayuhan,
    sa Meshec at Kedar, ako ay namuhay.
Matagal-tagal ding ako'y nakapisan
    ng hindi mahilig sa kapayapaan.
Kung kapayapaan ang binabanggit ko,
    pakikipagbaka ang laman ng ulo.

2 Mga Hari 24:18-25:21

Ang Paghahari ni Zedekias sa Juda(A)

18 Si(B) Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-isang taon. Ang ina niya'y si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. 19 Tulad ng masamang halimbawa ni Jehoiakim, ginawa rin ni Zedekias ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

20 Umabot(C) na sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa Jerusalem at Juda kaya ang mga ito'y ipinabihag niya sa mga kaaway.

Ang Pagbagsak ng Jerusalem(D)

25 Si(E) Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia. Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekias, tinipon ni Nebucadnezar ang kanyang buong hukbo. Kinubkob nila ang Jerusalem at nagkampo sa labas ng lunsod. Ito'y tumagal nang hanggang sa ikalabing-isang taon ng paghahari ni Zedekias. Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, lubhang tumindi ang taggutom sa loob ng lunsod. Wala nang makain ang mga tao. Noon(F) ay binutas ang isang bahagi ng pader ng lunsod. Nang makita ito ni Haring Zedekias kinagabihan, tumakas siya patungong Araba kasama ang kanyang mga kawal. Doon sila dumaan sa pintuan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng palasyo. Ngunit ang lunsod ay napapalibutan ng mga taga-Babilonia. Hinabol sila ng mga ito at inabutan sa kapatagan ng Jerico. At nagkanya-kanyang takas ang kanyang mga kawal. Nabihag si Zedekias at iniharap sa hari ng Babilonia na noon ay nasa lunsod ng Ribla at doon siya hinatulan. (G)Pinatay nila sa harapan ni Zedekias ang mga anak nito. Dinukit ang mga mata ni Zedekias at dinala siya sa Babilonia na gapos ng tanikala.

Ang Pagwasak sa Templo(H)

Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar, pinasok ni Nebuzaradan na pinuno ng mga tanod ni Nebucadnezar ang Jerusalem. Sinunog(I) niya ang Templo, ang palasyo, at ang malalaking bahay doon. 10 Ang mga pader ng lunsod ay giniba naman ng mga kawal na kasama ni Nebuzaradan. 11 Dinala niyang bihag ang natitira pang mga tao sa Jerusalem, pati ang mga sumuko sa hari ng Babilonia. 12 Ang iniwan lamang niya roon ay ilang mga dukha upang magbungkal ng lupa at magtrabaho sa mga ubasan.

13 Ang(J) mga haliging tanso, patungang tanso at ang palangganang tanso na nasa Templo ay tinanggal nila, pinagpira-piraso at dinala sa Babilonia. 14 Kinuha(K) rin nila ang mga kagamitan sa Templo: ang palayok, pala, lalagyan ng abo, plato, sunugan ng insenso at ang lahat ng kagamitang tanso. 15 Kinuha rin nila ang gintong lalagyan ng baga at lahat ng kasangkapang ginto at pilak. 16 Ang mga haliging tanso, ang hugasang tanso at ang patungan nito ay hindi na nila tinimbang sapagkat napakabigat. 17 Ang taas ng isang haligi ay walong metro at may koronang mahigit na isa't kalahating metro ang taas. Nababalot ito ng mga palamuting tanso: hinabi ang iba at ang iba nama'y kahugis ng prutas na granada.

Dinalang-bihag ang mga Taga-Juda sa Babilonia(L)

18 Dinala sa Babilonia ang mga taga-Juda. Kasama sa mga nabihag ni Nebuzaradan ang pinakapunong paring si Seraya, ang kanang kamay nitong si Zefanias at ang tatlong bantay-pinto. 19 Nabihag din niya ang namamahala sa mga mandirigma ng lunsod, ang limang tagapayo ng hari, ang kalihim ng pinunong kawal, at ang animnapung taóng nakita niya sa lunsod. 20 Ang mga ito'y dinala niya sa Ribla, sa kinaroroonan ng hari ng Babilonia, 21 at doon ipinapatay ng hari, sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan dinalang-bihag ang sambayanang Juda mula sa kanilang lupain.

1 Corinto 15:20-34

20 Ngunit sa katunayan si Cristo'y muling binuhay at ito'y katibayan na muli ngang bubuhayin ang mga patay. 21 Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan din ng isang tao. 22 Sapagkat kung paanong namamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo. 23 Ngunit ang bawat isa'y may kanya-kanyang takdang panahon. Si Cristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Cristo sa panahon ng pagparito niya. 24 At darating ang wakas, kapag naibigay na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos niyang malupig ang lahat ng paghahari, pamahalaan at kapangyarihan. 25 Sapagkat(A) si Cristo'y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. 26 Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27 Ganito(B) ang sinasabi ng kasulatan, “Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kapangyarihan.” Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28 At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ng Anak, ipapailalim naman siya sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, ang Diyos ay mangingibabaw sa lahat.

29 Kung(C) hindi gayon, ano ang halaga ng pagpapabautismo ng mga tao para sa mga patay? Kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa nagpapabautismo ang mga tao alang-alang sa kanila? 30 At bakit pa kami nalalagay sa panganib sa lahat ng oras? 31 Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan, [mga kapatid!][a] Sinasabi ko ito sapagkat ikinararangal ko kayo alang-alang kay Cristo Jesus na ating Panginoon! 32 Kung(D) ang pakikipaglaban ko sa mababangis na kaaway[b] sa Efeso ay para sa tao lamang, ano ang mapapala ko? Kung hindi rin lamang bubuhaying muli ang mga patay, mabuti pa'y sundin na lamang natin ang kasabihang ito, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.”

33 Huwag kayong paloloko. “Ang masasamang kasama ay nakakasira ng mabuting pagkatao.” 34 Magpakatino kayo at talikuran ang pagkakasala. Ang iba sa inyo'y hindi kilala ang Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.