Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap
Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.
38 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
2 Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
at iyong mga kamay, hinampas sa akin.
3 Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
dahil sa sala ko, ako'y nagkasakit.
4 Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
mabigat na lubha itong aking dala.
5 Malabis ang paglala nitong aking sugat,
dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
6 Wasak at kuba na ang aking katawan;
sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
7 Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
8 Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
puso'y dumaraing sa sakit na taglay.
9 O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
dahil sa sugat ko sa aking katawan;
lumalayo pati aking sambahayan.
12 Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.
13 Para akong bingi na di makarinig,
at para ring pipi na di makaimik;
14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
walang marinig katulad ng isang bingi.
15 Ngunit sa iyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16 Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
mahapdi't makirot ang aking katawan.
18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
wala mang dahila'y namumuhi sila.
20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.
21 Yahweh, huwag akong iiwan;
maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22 aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!
Nagkita sina Jacob at Esau
33 Natanaw ni Jacob na dumarating si Esau kasama ang apatnaraan niyang tauhan. Kaya't pinasama niya ang mga bata sa kani-kanilang ina. 2 Nasa unahan ang dalawang asawang-lingkod at ang kanilang mga anak, kasunod si Lea at ang kanyang mga anak, at sa hulihan si Raquel at ang anak nitong si Jose. 3 Umuna si Jacob sa kanilang lahat at pitong ulit na yumukod hanggang sa makarating sa harapan ng kapatid. 4 Siya'y patakbong sinalubong ni Esau, niyakap nang mahigpit at hinagkan. Nag-iyakan ang magkapatid. 5 Nang makita ni Esau ang mga babae at mga bata, itinanong niya kung sino sila.
“Iyan ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos,” tugon ni Jacob. 6 Nagsilapit ang mga asawang-lingkod na kasama ang mga bata at yumukod; 7 sumunod si Lea at ang kasamang mga bata, at sa katapus-tapusa'y si Jose at si Raquel. Yumukod silang lahat at nagbigay-galang kay Esau.
8 “Ano naman ang mga kawan na nasalubong ko?” tanong ni Esau.
“Iyon ay mga pasalubong ko sa iyo,” sagot niya.
9 Ngunit sinabi ni Esau, “Sapat na ang kabuhayan ko. Sa iyo na lang iyan.”
10 Sinabi ni Jacob, “Hindi! Para sa iyo talaga ang mga iyan; tanggapin mo na kung talagang ako'y pinapatawad mo. Pagkakita ko sa mukha mo at madama ang magandang pagtanggap mo sa akin, para ko na ring nakita ang Diyos! 11 Kaya, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo. Naging mabuti sa akin ang Diyos; hindi ako kinapos sa anumang bagay.” At hindi niya tinigilan si Esau hanggang sa tanggapin nito ang kanyang kaloob.
12 “Sige, umalis na tayo, at ako na ang mauuna sa inyo,” sabi ni Esau.
13 Sinabi ni Jacob, “Ang mga bata'y mahina pa. Inaalaala ko rin ang mga tupa at bakang may bisiro. Kung tayo'y magmadali para makatipid ng isang araw, baka naman mamatay ang mga ito. 14 Mabuti pa, mauna ka na at kami'y susunod sa inyo. Sisikapin ko namang bilis-bilisan ang lakad hanggang kaya ng mga hayop at bata, at mag-aabot din tayo sa Seir.”
15 “Kung gayon, pasasamahan ko kayo sa ilang tauhan ko,” sabi ni Esau.
“Hindi na kailangan. Labis-labis na ang iyong kagandahang-loob sa akin,” sabi naman ni Jacob. 16 Nang araw na iyon ay umuna na si Esau papuntang Seir. 17 Pumunta naman si Jacob sa Sucot[a] at nagtayo roon ng kanyang toldang tirahan at kulungan ng mga hayop. Kaya, tinawag na Sucot ang lugar na iyon.
Pagtatakip sa Ulo Kung Sumasamba
2 Pinupuri ko kayo dahil naaalala ninyo ako at sinusunod ninyo ang mga turo na ibinigay ko sa inyo. 3 Ngunit nais kong maunawaan ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa,[a] at ang Diyos naman ang ulo ni Cristo. 4 Ang lalaking nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang may takip ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo. 5 Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang walang talukbong ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo, para na rin siyang babaing inahitan ang ulo. 6 Kung ayaw magtalukbong ng ulo ang isang babae, magpagupit na rin siya ng buhok. Yamang kahiya-hiya sa babae ang magpaahit o magpagupit ng buhok, dapat siyang magtalukbong. 7 Hindi(A) dapat magtalukbong ng ulo ang lalaki dahil siya'y larawan at karangalan ng Diyos. Ngunit ang babae ay karangalan ng lalaki, 8 sapagkat(B) hindi mula sa babae ang lalaki, kundi ang babae ay nagmula sa lalaki. 9 At hindi rin nilalang ang lalaki para sa babae, kundi ang babae ay nilalang para sa lalaki. 10 Alang-alang sa mga anghel, dapat magtalukbong ng ulo ang babae bilang tanda na siya'y nasasakop ng kanyang asawa. 11 Gayunman, sa ating buhay sa Panginoon ay kailangan ng babae ang lalaki at kailangan din naman ng lalaki ang babae. 12 Nagmula man sa lalaki ang babae, ang lalaki nama'y isinisilang ng babae, at mula sa Diyos ang lahat.
13 Kayo na ang humatol, angkop ba sa isang babae ang makitang nananalangin nang walang talukbong sa ulo? 14 Hindi ba't kalikasan na rin ang nagtuturo sa inyo na kahiya-hiya sa isang lalaki ang magpahaba ng buhok, 15 ngunit karangalan naman ito ng babae? Sapagkat ibinigay sa kanya ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo. 16 Ngunit kung may gusto pang makipagtalo tungkol dito, ang masasabi ko ay ito: sa pagsamba, wala kaming ibang kaugalian, gayundin ang mga iglesya ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.