Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 38

Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap

Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.

38 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
    O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
    at iyong mga kamay, hinampas sa akin.

Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
    dahil sa sala ko, ako'y nagkasakit.
Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
    mabigat na lubha itong aking dala.

Malabis ang paglala nitong aking sugat,
    dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
Wasak at kuba na ang aking katawan;
    sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
    lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
    puso'y dumaraing sa sakit na taglay.

O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
    ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
    ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
    dahil sa sugat ko sa aking katawan;
    lumalayo pati aking sambahayan.
12 Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
    ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
    maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.

13 Para akong bingi na di makarinig,
    at para ring pipi na di makaimik;
14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
    walang marinig katulad ng isang bingi.

15 Ngunit sa iyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
    aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16 Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
    sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
    mahapdi't makirot ang aking katawan.

18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
    mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
    wala mang dahila'y namumuhi sila.
20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
    dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.

21 Yahweh, huwag akong iiwan;
    maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22 aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!

Levitico 5:1-13

Mga Pagkakataong Kinakailangan ng Handog para sa Kapatawaran ng Kasalanan

“Kung kinakailangang tumestigo ang isang tao sa isang pangyayari na kanyang nakita o nalaman ngunit ayaw niyang magsalita, nagkakasala siya at dapat siyang parusahan. 2-3 Kung ang sinuman ay makahipo ng anumang bagay na marumi gaya ng patay na hayop, mailap man o hindi, o anumang bagay na marumi na nanggaling sa tao, matapos niyang malaman ito, siya'y nagkakasala at dapat panagutin.

“Kung ang isang tao ay sumumpa nang pabigla-bigla tungkol sa anumang bagay, mabuti man o masama, sa oras na malaman niya ito, siya'y nagkakasala at dapat panagutin.

“Kung magkasala ang sinuman sa alinmang paraang nabanggit, dapat niyang ipahayag ang kanyang kasalanan. At upang siya'y mapatawad, maghahandog siya kay Yahweh ng isang babaing tupa o kambing. Ihahandog ito ng pari upang siya'y patawarin sa kanyang kasalanan.

“Ngunit kung hindi niya kayang maghandog ng tupa o kambing, magdala siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog para sa kasalanan at ang isa nama'y handog na susunugin. Dadalhin niya ito sa pari upang ihandog sa akin. Ang ibong handog para sa kasalanan ay gigilitan niya ng leeg ngunit hindi puputulin ang ulo. Ang dugo ay iwiwisik niya sa tabi ng altar at ang natira'y patutuluin sa paanan nito. Iyan ang handog pangkasalanan. 10 Ang isa naman ay iaalay bilang handog na susunugin ayon sa Kautusan upang patawarin siya.

11 “Kung hindi pa rin niya makayang maghandog ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati, magdadala na lamang siya ng kalahating salop ng piling harina. Hindi niya ito bubuhusan ng langis ni hahaluan man ng insenso sapagkat ito'y handog pangkasalanan. 12 Dadalhin niya sa pari ang harina. Kukuha naman ito ng sandakot at susunugin sa altar bilang tanda na iyon ay handog kay Yahweh. 13 Ganito ang gagawin ng pari bilang pantubos sa alinmang pagkakasalang nabanggit. Tulad ng handog na pagkaing butil, ang matitira ay para sa pari.”

Lucas 17:1-4

Mga Sanhi ng Pagkakasala(A)

17 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tiyak na darating ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan niyon! Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito. Kaya't(B) mag-ingat kayo!

“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo; at kung siya'y magsisi, patawarin mo. Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at pitong ulit ding lumapit sa iyo at sabihin niyang, ‘Nagsisisi ako,’ dapat mo siyang patawarin.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.