Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap
Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.
38 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
2 Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
at iyong mga kamay, hinampas sa akin.
3 Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
dahil sa sala ko, ako'y nagkasakit.
4 Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
mabigat na lubha itong aking dala.
5 Malabis ang paglala nitong aking sugat,
dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
6 Wasak at kuba na ang aking katawan;
sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
7 Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
8 Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
puso'y dumaraing sa sakit na taglay.
9 O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
dahil sa sugat ko sa aking katawan;
lumalayo pati aking sambahayan.
12 Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.
13 Para akong bingi na di makarinig,
at para ring pipi na di makaimik;
14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
walang marinig katulad ng isang bingi.
15 Ngunit sa iyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16 Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
mahapdi't makirot ang aking katawan.
18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
wala mang dahila'y namumuhi sila.
20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.
21 Yahweh, huwag akong iiwan;
maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22 aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!
Hindi Pinatay ni David si Saul
24 Nang magbalik si Saul mula sa pagtugis sa mga Filisteo, may nagsabi sa kanyang si David ay nasa ilang ng En-gedi. 2 Kaya, kumuha siya ng tatlong libong mahuhusay na kawal mula sa Israel at isinama ang mga ito sa paghahanap kay David sa Kaburulan ng Maiilap na Kambing. 3 Nang(A) mapatapat sila sa isang kulungan ng tupa sa tabi ng daan, dumumi si Saul sa loob ng kuweba sa tapat ng mga kulungan ng tupa. Nagkataon namang si David at ang kanyang mga tauhan ay nagtatago sa loob ng kuwebang iyon. 4 Sinabi kay David ng kanyang mga tauhan, “Ito na ang katuparan ng sinabi ni Yahweh na, ‘Ibibigay ko sa iyo ang iyong kaaway at maaari mong gawin sa kanya ang gusto mo.’” Dahan-dahang lumapit si David at pinutol ang laylayan ng kasuotan ni Saul. 5 Nang magawâ niya ito, inusig siya ng kanyang budhi sapagkat para na niyang nilapastangan ang hari. 6 Sinabi(B) niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag nawang itulot ni Yahweh na gawan ko ng masama ang hari na kanyang hinirang.” 7 Pinakiusapan ni David ang kanyang mga kasama na huwag saktan si Saul. Tumayo na si Saul at umalis.
8 Nang malayu-layo na si Saul, lumabas ng kuweba si David at sumigaw, “Mahal kong hari!” Nang lumingon si Saul, buong paggalang na yumukod si David. 9 Sinabi niya, “Bakit po kayo naniniwala sa mga nagsasabi sa inyo na gusto ko kayong patayin? 10 Mapapatunayan ko sa inyo na hindi totoo iyon. Kanina sa yungib ay binigyan ako ni Yahweh ng pagkakataong mapatay kayo. Gusto na ng mga tauhan kong patayin kayo ngunit hindi ko ginawa. Sinabi ko sa kanila na hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang aking hari sapagkat siya'y pinili ni Yahweh. 11 Narito, ama ko, ang kapiraso ng laylayan ng inyong balabal. Kung ito'y naputol ko sa inyong kasuotan, magagawa ko ring patayin kayo noon kung gusto ko. Ito ang katunayan na hindi ko kayo gagawan ng masama kahit pinagpipilitan ninyo akong patayin. 12 Hatulan nawa tayong dalawa ni Yahweh. Siya na ang magpaparusa sa inyo ngunit hindi ko kayo maaaring pagbuhatan ng kamay. 13 Gaya ng kasabihan ng matatanda, ‘Masamang tao lamang ang gumagawa ng masama,’ kaya't hindi ko kayo pagbubuhatan ng kamay. 14 Sino(C) ba ako upang hanapin ng hari ng Israel? Isang patay na aso o pulgas lamang ang aking katulad! 15 Si Yahweh nawa ang humatol sa ating dalawa. Magsiyasat nawa siya, at ipaglaban ako at iligtas sa iyong mga kamay.”
16 Pagkatapos magsalita ni David, sinabi ni Saul, “David, anak ko, ikaw nga ba iyan?” At siya'y tumangis. 17 Sinabi pa ni Saul, “Tama ka, David, at ako'y mali. Sinusuklian mo ng mabuti ang masamang ginagawa ko sa iyo. 18 Ito'y pinatunayan mo ngayon; hindi mo ako pinatay kahit inilagay na ako ni Yahweh sa iyong mga kamay. 19 Bihira sa tao ang makakagawa ng ginawa mo, ang pawalan pa ang kaaway na nasa ilalim na ng kanyang kapangyarihan. Pagpalain ka nawa ni Yahweh sa ginawa mong ito sa akin. 20 Ngayon, alam kong ikaw ay magiging hari ng Israel at sigurado akong magiging matatag ang kaharian sa ilalim ng iyong kapangyarihan. 21 Ipangako mo sa pangalan ni Yahweh, na hindi mo uubusin ang aking lahi at hindi mo buburahin sa daigdig ang pangalan ng aking angkan.” 22 Ipinangako naman ito ni David kay Saul.
Pagkatapos nito'y umuwi na si Saul. Sila David naman ay nagbalik sa kanilang pinagtataguan.
Mga Maling Pagsasagawa ng Banal na Hapunan
17 Tungkol sa mga babanggitin ko ngayon, hindi ko kayo maaaring purihin dahil ang inyong pagtitipon ay hindi nakakabuti, subalit nakakasama. 18 Una sa lahat, nabalitaan ko na kayo'y nagpapangkat-pangkat sa inyong pagtitipon, at ako'y naniniwalang may katotohanan iyan. 19 Talaga namang magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi sa inyo upang makilala kung sino sa inyo ang mga tapat. 20 Kaya't sa inyong pagtitipon, hindi Banal na Hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat ang bawat isa sa inyo'y nagmamadali sa pagkain ng kanyang sariling pagkain, kaya't nagugutom ang iba at ang iba nama'y nalalasing. 22 Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Hindi ba ninyo pinapahalagahan ang iglesya ng Diyos at hinihiya ninyo ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon? Pupurihin ko ba kayo dahil sa bagay na iyon? Hinding-hindi ko gagawin iyon!
27 Kaya, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kopa ng Panginoon sa paraang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Kaya't dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang kahalagahan ng katawan ng Panginoon ay kumakain at umiinom ng kahatulan laban sa kanyang sarili. 30 Iyan ang dahilan kung bakit mahihina at sakitin ang marami sa inyo, at may ilan ngang namatay na.[a] 31 Kung sisiyasatin natin ang ating sarili, hindi tayo hahatulan ng Panginoon. 32 Ngunit hinahatulan tayo ng Panginoon dahil itinutuwid niya tayo, upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan.
33 Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.