Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David.
138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
2 Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
3 Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
4 Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
5 ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
6 Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
7 Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
8 O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Ang Pagpili kay Josue Bilang Kahalili ni Moises(A)
12 Sinabi(B) ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka sa Bundok ng Abarim at tanawin mo ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita. 13 Pagkatapos, mamamatay ka na. Makakapiling mo na ang iyong mga yumaong magulang, tulad ng nangyari kay Aaron na iyong kapatid. 14 Sumuway ka rin sa akin sa ilang ng Zin nang maghimagsik sa akin ang buong sambayanan doon sa Meriba. Hindi mo pinakita sa mga Israelita doon sa may bukal na ako ay banal.” (Ito ang bukal doon sa Meriba sa Kades na nasa ilang ng Zin.)
15 Sinabi ni Moises, 16 “Hinihiling ko, Yahweh, Diyos na bukal ng buhay, na pumili kayo ng isang taong 17 mangunguna(C) sa Israel upang ang iyong sambayanan ay hindi matulad sa mga tupang walang pastol.”
18 Sinabi(D) ni Yahweh kay Moises, “Ipatawag mo si Josue na anak ni Nun; siya ay may natatanging kakayahan. Ipatong mo sa kanya ang iyong mga kamay. 19 Patayuin mo siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong Israel at doo'y ipahayag mo siya bilang iyong kahalili. 20 Bigyan mo siya ng iyong kapangyarihan upang sundin siya ng buong Israel. 21 Kay(E) Eleazar niya malalaman sa pamamagitan ng Urim kung ano ang aking kalooban. Kung ano ang sabihin ni Eleazar ay susundin ng buong kapulungan.” 22 Sinunod ni Moises ang lahat ng sinabi ni Yahweh. Ipinatawag nga niya si Josue, pinatayo sa harapan ni Eleazar at ng buong bayan. 23 Pagkatapos,(F) ipinatong niya rito ang kanyang mga kamay at ipinahayag na kahalili niya.
Si Saulo sa Jerusalem
26 Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, sinikap niyang mapabilang sa mga alagad doon. Ngunit silang lahat ay takot sa kanya dahil hindi sila makapaniwalang isa na siyang alagad. 27 Subalit dinala siya ni Bernabe sa mga apostol at isinalaysay nito sa kanila kung paano nagpakita at nakipag-usap ang Panginoon kay Saulo nang ito'y nasa daan papunta sa Damasco. Sinabi rin ni Bernabe na buong tapang na nangaral sa Damasco si Saulo sa pangalan ni Jesus. 28 Kaya mula noon, si Saulo'y kasa-kasama na nila sa buong Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon. 29 Nakipag-usap din siya at nakipagtalo sa mga Helenista, kaya't tinangka nilang patayin siya. 30 Nalaman ito ng mga kapatid kaya't inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarso.
31 Kaya't ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria ay naging mapayapa at matatag. At patuloy silang namuhay na may takot sa Panginoon, at sa tulong ng Espiritu Santo ay lumago sila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.