Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David.
138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
2 Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
3 Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
4 Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
5 ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
6 Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
7 Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
8 O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Si Otniel
7 Ang mga Israelita ay muling gumawa ng kasamaan laban sa Diyos. Tinalikuran nila si Yahweh na kanilang Diyos at sumamba sila sa mga Baal at sa mga Ashera. 8 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa kanila at pinabayaang masakop ni Haring Cushanrishataim ng Mesopotamia. Walong taon silang inalipin ng haring ito. 9 Subalit nang humingi sila ng tulong kay Yahweh, ginawa niyang hukom si Otniel, anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb, upang ito ang magligtas sa kanila sa pagkaalipin. 10 Nilukuban siya ng Espiritu[a] ni Yahweh, at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel. Nakipagdigma siya laban kay Cushanrishataim na hari ng Mesopotamia. Sa tulong ni Yahweh, natalo ito ni Otniel. 11 Nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon hanggang sa mamatay si Otniel na anak ni Kenaz.
Nangaral si Jesus sa Judea(A)
42 Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. 43 Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, sapagkat ito ang dahilan kaya ako isinugo.” 44 At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga sa buong Judea.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.