Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 37:12-22

12 Ang taong masama'y laban sa matuwid,
    napopoot siyang ngipi'y nagngangalit.
13 Si Yahweh'y natatawa lang sa masama,
    pagkat araw nila lahat ay bilang na.

14 Taglay ng masama'y pana at patalim,
    upang ang mahirap dustai't patayin,
    at ang mabubuti naman ay lipulin.
15 Ngunit sa sariling tabak mamamatay,
    pawang mawawasak pana nilang taglay.

16 Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti,
    kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y balewala.
17 Lakas ng masama ay aalisin,
    ngunit ang matuwid ay kakalingain.

18 Iingatan ni Yahweh ang taong masunurin,
    ang lupang minana'y di na babawiin.
19 Kahit na sumapit ang paghihikahos,
    di daranasin ang pagdarahop.
20 Ngunit ang masama'y pawang mamamatay;
    kalaban ni Yahweh, tiyak mapaparam, tulad ng bulaklak at mga halaman;
    para silang usok na paiilanlang.

21 Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa,
    ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa.
22 Lahat ng mga taong pinagpala ni Yahweh, lupang masagana, kanilang bahagi;
    ngunit ang sinuman na kanyang sumpain, sa lupaing iyon ay palalayasin.

2 Cronica 9:29-31

Ang Buod ng Kasaysayan ni Solomon(A)

29 Ang iba pang mga pangyayari sa paghahari ni Solomon buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Propeta Natan at sa Pahayag ni Ahias na Taga-Shilo. Mababasa rin iyon sa Mga Pangitain ni Propeta Iddo na nagsasaad din ng paghahari ni Jeroboam na anak ni Nebat. 30 Apatnapung taóng naghari si Solomon sa buong Israel mula sa Jerusalem. 31 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Rehoboam.

Marcos 6:35-44

35 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Liblib ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.”

37 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.”

Sumagot ang mga alagad, “Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?”[a]

38 “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya.

Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.”

39 Iniutos ni Jesus sa mga alagad na paupuin nang pangkat-pangkat ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. 42 Ang lahat ay nakakain at nabusog, 43 at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. 44 May limanlibong lalaki ang kumain [ng tinapay].[b]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.