Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Dakilang Hari
Awit ni David.
24 Ang(A) buong daigdig at ang lahat ng naroon,
ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.
2 Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.
3 Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?
4 Ang(B) taong malinis ang buhay pati ang isipan,
hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.
6 Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)[a]
7 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
8 Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
si Yahweh, matagumpay sa labanan.
9 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)[b]
Ang Kaban ng Tipan(A)
37 Yari sa akasya ang ginawa ni Bezalel na Kaban ng Tipan: 1.1 metro ang haba, 0.7 metro ang luwang, at 0.7 metro ang taas. 2 Binalot niya ng ginto ang loob at labas, at ang labi nito'y nilagyan nila ng muldurang ginto. 3 Gumawa siya ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na paa ng kaban, tigalawa sa magkabila. 4 Gumawa rin siya ng kahoy na pampasan na yari sa akasya at binalutan din niya ito ng ginto. 5 Isinuot niya ang mga ito sa mga argolya sa magkabilang gilid upang maging pasanan nito. 6 Ginawa rin niya ang Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto. Ang haba nito'y 1.1 metro, at 0.7 metro naman ang luwang. 7 Ang magkabilang dulo nito ay iginawa niya ng dalawang kerubing yari sa purong ginto, 8 tig-isa sa magkabilang dulo. Ikinabit niya itong mabuti sa Luklukan ng Awa, kaya ito at ang mga kerubin ay naging isang piraso. 9 Magkaharap ang mga kerubin at nakatungo sa Luklukan ng Awa. Nakabuka ang kanilang mga pakpak at nakalukob dito.
Ang Mesa ng Tinapay na Handog sa Diyos(B)
10 Gumawa rin ng mesang akasya si Bezalel; 0.9 na metro ang haba nito, 0.5 metro ang lapad at 0.7 metro ang taas. 11 Binalot niya ito ng ginto at pati na ang paligid. 12 Nilagyan niya ito ng sinepa na singlapad ng isang palad at pinaligiran din ng ginto. 13 Gumawa siya ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito. 14 Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa. 15 Iginawa rin niya ang mesa ng mga pampasan na yari sa akasya at binalutan din ng ginto. 16 Gumawa rin siya ng mga kagamitang ginto para sa mesa: mga plato, tasa, banga at mangkok para sa handog na inumin.
Mga Tagubilin
2 Maging matiyaga kayo sa pananalangin, laging handa at nagpapasalamat sa Diyos. 3 Idalangin ninyo sa Diyos na bigyan kami ng pagkakataon na maipangaral ang kanyang salita at maipahayag ang hiwaga ni Cristo, ang sanhi ng pagkabilanggo ko ngayon. 4 Ipanalangin din ninyong maipahayag ko ito nang buong linaw, gaya ng nararapat.
5 Maging(A) matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon. 6 Sikapin(B) ninyong laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila, at matuto kayong sumagot nang tama sa lahat ng tao.
Pangwakas na Pagbati
7 Si(C)(D) Tiquico ang magbabalita sa inyo tungkol sa kalagayan ko rito. Siya ay minamahal naming kapatid, tapat na lingkod at kamanggagawa sa Panginoon. 8 Pinapunta ko siya riyan para malaman ninyo ang aming kalagayan, nang sa gayon ay lumakas ang inyong loob. 9 Kasama(E) niya ang tapat at minamahal nating kapatid na si Onesimo, na kasamahan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo ng lahat ng nangyari dito.
10 Kinukumusta(F) kayo ni Aristarco, na bilanggo ring kasama ko, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Tungkol naman kay Marcos, mayroon nang bilin sa inyo na malugod ninyo siyang tanggapin pagdating niya riyan. 11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na kilala rin sa pangalang Justo. Silang tatlo lamang ang mga mananampalatayang Judio na kasama ko rito sa pangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos, at sila'y malaking tulong sa akin.
12 Kinukumusta(G) rin kayo ng kasamahan ninyong si Epafras, na lingkod ni Cristo Jesus. Lagi niyang idinadalangin nang buong taimtim na kayo'y maging matatag, ganap, at lubos na panatag sa kalooban ng Diyos. 13 Saksi ako sa pagsisikap niya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14 Nangungumusta(H) rin sa inyo si Demas at ang minamahal nating manggagamot na si Lucas.
15 Ikumusta ninyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, gayundin kay Nimfa at sa iglesyang nagtitipon sa kanyang bahay. 16 Pagkabasa ninyo ng sulat na ito, ipabasa rin ninyo ito sa iglesya sa Laodicea. Basahin din ninyo ang sulat kong manggagaling doon. 17 At(I) pakisabi ninyo kay Arquipo na tapusin ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.
18 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito. Huwag ninyong kalimutan na ako'y nakabilanggo.
Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.