Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kasamaan ng Tao(A)
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
14 “Wala(B) namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.
Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;
walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!
2 Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;
tinitingnan kung may taong marunong pa,
na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.
3 Silang lahat ay naligaw ng landas,
at naging masasama silang lahat;
walang gumagawa sa kanila ng tama,
wala ni isa man, wala nga, wala!
4 Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,
itong masasama, lahat na ba'y mangmang?
Itong aking baya'y pinagnanakawan
at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”
5 Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.
6 Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,
ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.
7 Ang aking hinihiling nawa ay dumating,
mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.
Labis na magagalak ang bayang Israel,
kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.
13 Lumusob sina Joab at nang malapit na sila'y nagtakbuhan sa takot ang mga kawal ng Aram. 14 Pagkakita ng mga Ammonita sa nangyari, umatras na rin sila at pumasok sa lunsod dahil sa takot kay Abisai. Mula sa labanan, si Joab ay nagbalik sa Jerusalem.
15 Nang malaman ng mga taga-Siria na sila ay natalo ng mga Israelita, muli nilang tinipon ang kanilang hukbo. 16 Ipinatawag ni Hadadezer ang kanyang mga tauhan sa silangan ng Ilog Eufrates. Dumating sila sa Elam at ipinailalim sa pamumuno ni Sobac. 17 Umabot agad ito sa kaalaman ni David, kaya't tinipon niya ang buong hukbo ng Israel. Tumawid sila ng Ilog Jordan upang harapin ang mga kaaway sa Elam. Humanda naman ang mga kawal ng Aram, at sila'y naglaban. 18 Nalupig na naman sila at nagsitakas habang tinutugis ng mga Israelita. Ang napatay nina David ay 700 nakakarwahe at 40,000 kawal na nakakabayo. Pati si Sobac ay nasugatan nang malubha at namatay sa pook ng labanan. 19 Nang makita ng mga haring sakop ni Hadadezer na wala silang kalaban-laban sa Israel, sumuko na sila. Mula noon, hindi na tumulong kailanman ang mga taga-Siria sa mga Ammonita.
31 Samantala, makailang ulit na sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Rabi, kumain na kayo.”
32 Ngunit sumagot siya, “Ako'y may pagkaing hindi ninyo nalalaman.”
33 Kaya't nagtanung-tanungan ang mga alagad, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”
34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko'y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin.
35 “Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan pa at anihan na’? Sinasabi ko naman sa inyo, masdan ninyo ang mga bukid, hinog na ang trigo at handa nang anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan. Kaya't magkasamang magagalak ang nagtatanim at ang umaani. 37 Dito nagkakatotoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba naman ang umaani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang naghirap dito at kayo naman ang umani ng kanilang pinaghirapan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.