Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 68:24-35

24 Mamamasdan ng marami ang lakad mong matagumpay,
    pagpasok ng Diyos kong hari, sa may dako niyang banal.
25 Sa unaha'y umaawit, tumutugtog sa hulihan,
    sa gitna'y nagtatamburin ang babaing karamihan.
26 “Ang Diyos ay papurihan, kung magtipong sama-sama,
    buong lahi ng Israel papurihan ninyo siya!”
27 Yaong lahi ni Benjamin, maliit ma'y nangunguna,
    kasunod ay mga puno at pulutong nitong Juda;
    mga puno ng Zebulun at Neftali'y kasunod na.

28 Sana'y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan,
    ang lakas na ginamit mo noong kami'y isanggalang.
29 Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo,
    na pati ang mga hari doo'y naghahandog sa iyo,
30 pagwikaan mo ang hayop, ang mailap na Egipto;
    sabihan ang mga bansang parang torong may bisiro;
    hanggang sila ay sumuko, maghandog ng pilak sa iyo.
Ang lahat ng maibigin sa digmaa'y ikalat mo!
31 Mula roon sa Egipto, mga sugo ay darating,
    ang Etiopia'y[a] daup-palad na sa Diyos dadalangin.

32 Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,
    awitin ang pagpupuri't si Yahweh ay papurihan! (Selah)[b]

33 Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;
    mula roo'y maririnig ang malakas niyang sigaw!
34 Ipahayag ng balana, taglay niyang kalakasan,
    siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;
    'yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
35 Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal,
    siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay
    ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan.

Ang Diyos ay papurihan!

2 Samuel 6:6-12

Nang malapit na sila sa may giikan ni Nacon, natalisod ang mga baka kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan. Nagalit si Yahweh at siya'y pinarusahan sa ginawang iyon. Noon di'y namatay si Uza sa tabi ng Kaban ng Tipan. Nagalit si David dahil pinarusahan ni Yahweh si Uza. Hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez-uza.[a] Dahil dito'y natakot si David kay Yahweh. Sinabi niya, “Paano ko iingatan ngayon ang Kaban ng Tipan?” 10 Hindi niya ito mapangahasang dalhin sa Lunsod ni David, kaya't doon na niya inihatid sa bahay ni Obed-edom na taga-Gat. 11 Tatlong(A) buwang nanatili roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at pinagpala ni Yahweh si Obed-edom at ang kanyang sambahayan.

12 May nagbalita kay Haring David na pinagpalang mabuti ni Yahweh si Obed-edom. Ito'y ikinagalak niya, kaya kinuha niya ang Kaban ng Tipan at dinala sa Jerusalem.

Mga Gawa 21:27-39

Ang Pagdakip kay Pablo

27 Nang matatapos na ang takdang pitong araw, si Pablo'y nakita sa Templo ng ilang Judiong taga-Asia. Sinunggaban nila si Pablo at inudyukan ang mga tao. 28 “Mga kababayan, tulungan ninyo kami!” sigaw nila. “Ang taong ito ang nagtuturo sa lahat saan man siya makarating ng mga bagay laban sa bansang Israel, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templong ito. Bukod pa diyan, nagsama pa siya ng mga Hentil sa loob ng Templo, at nilapastangan niya ang banal na lugar na ito!” 29 Ganoon(A) ang sinabi nila sapagkat nakita nilang kasama ni Pablo sa lungsod si Trofimo na taga-Efeso. Inakala nilang isinama siya ni Pablo sa loob ng Templo.

30 Nagulo ang buong lungsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at agad isinara ang pintuan. 31 Balak nilang patayin si Pablo, ngunit nabalitaan ng pinuno ng mga sundalo na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Kaya't nagsama agad ito ng mga opisyal at mga kawal, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Pagkakita sa kanila, itinigil ng mga tao ang pagbugbog kay Pablo. 33 Lumapit ang pinuno, dinakip si Pablo at ipinagapos ng dalawang tanikala. “Sino ang taong ito? Ano ang kanyang ginawa?” tanong niya.

34 Iba-iba ang isinisigaw ng mga tao. Dahil sa sobrang gulo ng mga tao, hindi maunawaan ng pinuno kung ano talaga ang nangyari, kaya't ipinadala niya si Pablo sa himpilan. 35 Pagdating nila sa hagdanan, si Pablo'y binuhat na ng mga kawal sapagkat naging marahas ang mga tao 36 na sumusunod sa kanila at sumisigaw, “Patayin siya!”

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Sarili

37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, sinabi niya sa pinuno, “Maaari ko po ba kayong makausap?”

“Marunong ka palang magsalita ng wikang Griego?” tugon ng pinuno. 38 “Kung gayon, hindi ikaw ang Egipciong kailan lamang ay nanguna sa paghihimagsik at namuno sa apat na libong armadong lalaki sa ilang.”

39 Sumagot si Pablo, “Ako po'y isang Judio, tubo sa Tarso ng Cilicia at mamamayan ng kilalang lungsod na iyon. Ipinapakiusap ko sa inyo na ako'y payagan ninyong makapagsalita sa mga tao.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.