Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 61

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

61 Dinggin mo, O Diyos, ang aking dalangin;
    inyo pong pakinggan, ang aking hinaing!
Tumatawag ako dahilan sa lumbay,
    sapagkat malayo ako sa tahanan.

Iligtas mo ako, ako ay ingatan,
    pagkat ikaw, O Diyos, ang aking kanlungan,
    matibay na muog laban sa kaaway.

Sa inyo pong tolda, ako ay payagan na doon tumira habang nabubuhay;
    sa lilim ng iyong bagwis na malakas, ingatan mo ako nang gayo'y maligtas. (Selah)[a]
Lahat kong pangako, O Diyos, iyong alam
    at abâ mong lingkod, tunay na binigyan ng mga pamana na iyong inilaan sa nagpaparangal sa iyong pangalan.

Ang buhay ng hari sana'y pahabain;
    bayaang ang buhay niya'y patagalin!
Paghahari niya sa iyong harapan, sana'y magpatuloy habang nabubuhay;
    kaya naman siya ay iyong lukuban ng iyong pag-ibig na walang kapantay.

At kung magkagayon, kita'y aawitan,
    ako'y maghahandog sa iyo araw-araw.

2 Samuel 7:18-29

Ang Panalangin ni David(A)

18 Pagkatapos nito, pumasok sa tolda si Haring David, umupo at nanalangin. Sinabi niya, “Ako po at ang aking pamilya ay hindi karapat-dapat sa lahat ng kabutihang ginawa ninyo sa akin, Panginoong Yahweh. 19 Maaaring maliit na bagay lamang ito sa inyong paningin, O Panginoong Yahweh, subalit napakalaki para sa amin sapagkat tiniyak na ninyo ang magandang kalagayan ng sambahayan ko para sa hinaharap. 20 Wala na akong masasabi sapagkat kilala ninyo ang inyong lingkod. 21 Ayon sa inyong pangako, niloob ninyong maging dakila ang inyong lingkod. 22 Napakadakila mo, O Panginoong Yahweh. Wala pa kaming nababalitaang Diyos na tulad ninyo. Ikaw lamang ang Diyos. 23 Walang(B) bansang maitutulad sa Israel. Ito'y hinango ninyo sa pagkaalipin upang maging inyong bayan. Ito lamang ang bansang pinagpakitaan ninyo ng mga kakila-kilabot at dakilang bagay para sila'y matulungan. Itinaboy ninyo ang ibang mga bansa at inalis ang kanilang mga diyus-diyosan pagdating nila. 24 Yahweh, itinatag ninyo ang bansang Israel upang maging inyo magpakailanman at kayo po ang kanilang naging Diyos.

25 “At ngayon Panginoong Yahweh, gawin ninyo ang inyong pangako sa inyong alipin at sa kanyang sambahayan. 26 Pararangalan ang inyong pangalan ng lahat ng bansa at sasabihin nila, ‘Si Yahweh, ang Makapangyarihan, ay Diyos ng Israel!’ Sa gayon, magiging matatag sa harapan ninyo ang sambahayan ni David na inyong lingkod. 27 Yahweh, Makapangyarihang Diyos ng Israel, nagkaroon ako ng lakas ng loob na manalangin ng ganito sapagkat kayo na rin ang nagsabi sa inyong lingkod na paghahariin ninyo sa Israel ang aking angkan.

28 “Panginoong Yahweh, kayo'y tapat at tumutupad sa mga pangako ninyo sa akin. 29 Ngayo'y pagpalain ninyo ang sambahayan ng inyong lingkod upang ito'y magpatuloy. Panginoong Yahweh, ikaw rin ang nangako nito kaya manatili nawa sa aking angkan ang iyong pagpapala.”

Mga Hebreo 13:17-25

17 Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y nangangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos sa gawaing ito. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo.

18 Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon. 19 Higit sa lahat, hinihiling kong ipanalangin ninyo na ako'y makabalik agad sa inyo.

Panalangin

20 Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus, na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo na nagpatibay sa walang hanggang tipan. 21 Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen.

Panghuling Pangungusap

22 Mga kapatid, hinihiling ko na pagtiyagaan ninyong pakinggan ang mga pangaral kong ito sapagkat hindi naman gaanong mahaba ang sulat na ito. 23 Nais ko ring malaman ninyo na pinalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung darating siya agad, isasama ko siya pagpunta ko riyan.

24 Ikumusta ninyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng hinirang ng Diyos. Kinukumusta kayo ng mga kapatid sa Italia.

25 Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Diyos. [Amen.][a]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.