Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
61 Dinggin mo, O Diyos, ang aking dalangin;
inyo pong pakinggan, ang aking hinaing!
2 Tumatawag ako dahilan sa lumbay,
sapagkat malayo ako sa tahanan.
Iligtas mo ako, ako ay ingatan,
3 pagkat ikaw, O Diyos, ang aking kanlungan,
matibay na muog laban sa kaaway.
4 Sa inyo pong tolda, ako ay payagan na doon tumira habang nabubuhay;
sa lilim ng iyong bagwis na malakas, ingatan mo ako nang gayo'y maligtas. (Selah)[a]
5 Lahat kong pangako, O Diyos, iyong alam
at abâ mong lingkod, tunay na binigyan ng mga pamana na iyong inilaan sa nagpaparangal sa iyong pangalan.
6 Ang buhay ng hari sana'y pahabain;
bayaang ang buhay niya'y patagalin!
7 Paghahari niya sa iyong harapan, sana'y magpatuloy habang nabubuhay;
kaya naman siya ay iyong lukuban ng iyong pag-ibig na walang kapantay.
8 At kung magkagayon, kita'y aawitan,
ako'y maghahandog sa iyo araw-araw.
Lumawak ang Kaharian ni David(A)
8 Pagkatapos nito, nilusob at nilupig ni David ang mga Filisteo kaya't natapos ang paghahari ng mga ito sa lupaing iyon.[a]
2 Nilupig din niya ang mga Moabita. Pinahilera niya nang pahiga ang mga ito at sa pamamagitan ng isang panukat, nagpapasya siya kung sino ang dapat patayin. Bawat dalawang sukat ay ipinapapatay at ang pangatlong sukat ay pinaliligtas at pinagbabayad ng buwis.
3 Tinalo rin niya si Hadadezer, ang anak ng Haring Rehob ng Soba. Si Hadadezer ay papunta noon sa mga lupain sa baybayin ng Ilog Eufrates upang bawiin ang mga lupaing iyon. 4 Sa labanang ito'y 1,700 kawal na nakakabayo at 20,000 kawal na lakad ang nabihag ni David. Pinilayan niya ang mga kabayo, maliban sa itinira niyang sapat na bilang para humila ng sandaang karwahe. 5 Ang napatay nilang tumulong kay Hadadezer na mga taga-Siria buhat sa Damasco ay dalawampu't dalawang libo. 6 Nasakop din niya ang lugar na ito, kaya nagtayo siya ng mga himpilan sa Aram, malapit sa Damasco, at pinagbuwis niya ang mga tagaroon. Sa tulong ni Yahweh, si David ay nagtatagumpay saanman siya magpunta. 7 Ang mga pananggang ginto ni Hadadezer na dala ng kanyang mga alipin ay sinamsam ni David at dinala sa Jerusalem. 8 Marami rin siyang nasamsam na tanso sa Beta at Berotai, mga lunsod ni Hadadezer.
9 Nang mabalitaan ni Haring Toi ng Hamat na tinalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer, 10 isinugo niya ang kanyang anak na si Joram upang batiin si David, sapagkat si Hadadezer ay matagal nang kaaway ni Toi. Dinalhan siya ni Joram ng mga sisidlang pilak, ginto at tanso. 11 Inilaan ni David ang mga ito para sa pagsamba kay Yahweh, kasama ng ginto at pilak na sinamsam niya sa mga bansang kanyang nilupig— 12 sa Edom,[b] sa Moab, sa Ammon, sa Filistia at sa Amalek—at bahagi ng kanyang nasamsam kay Hadadezer, anak ni Rehob na hari ng Soba.
13 Si(B) David ay lalong natanyag nang mapatay niya ang labingwalong libong Edomita[c] sa Libis ng Asin. 14 At bago siya bumalik, nagtayo muna siya ng mga himpilan sa buong Edom at naging alipin niya ang lahat ng mamamayan doon. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya magpunta.
Ang mga Opisyal ni David(C)
15 Naghari si David sa buong Israel. Ipinatupad niya ang batas at pinairal ang katarungan. 16 Ginawa niyang pinuno ng hukbo si Joab, anak ni Zeruias. Si Jehoshafat naman na anak ni Alihud ang kalihim ng pamahalaan. 17 Si Zadok namang anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Ang tagapagtala at nag-iingat ng lahat ng kasulatan ay si Seraya. 18 Si Benaias na anak ni Joiada ang pinamahala niya[d] sa mga bantay na Kereteo at Peleteo. Ang mga lalaking anak ni David ay nagsilbi ring mga pari.
Ang Pamamaalam ni Pablo sa mga Pinuno ng Iglesya sa Efeso
17 Mula sa Mileto, ipinatawag ni Pablo ang mga matatandang pinuno ng iglesyang nasa Efeso. 18 Pagdating nila ay kanyang sinabi,
“Nalalaman ninyo kung paano ko ginugol ang buong panahong ipinamalagi ko sa inyong piling, mula noong unang araw na ako'y tumuntong sa Asia. 19 Buong kapakumbabaan at lumuluhang naglingkod ako sa Panginoon, at nagtiis ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. 20 Sa aking pagtuturo at pangangaral sa inyo, maging sa harapan ng madla o sa bahay-bahay man, hindi ako nangiming magsabi sa inyo ng anumang ikabubuti ninyo. 21 Maging Judio o Griego man ay pinangaralan kong tumalikod sa kasalanan, manumbalik sa Diyos at manalig sa ating Panginoong Jesus. 22 Ngayon, bilang pagsunod sa Espiritu Santo, ako'y pupunta sa Jerusalem at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging nalalaman ko ay ito: binalaan ako ng Espiritu Santo na pagkabilanggo at kapighatian ang naghihintay sa akin sa bawat bayang dadaanan ko. 24 Subalit(A) walang halaga sa akin ang aking buhay magawâ ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus, ang pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos para sa tao.
25 “Nakisalamuha ako sa inyo habang nangangaral tungkol sa Kaharian. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli. 26 Kaya't sa araw na ito'y sinasabi ko, wala akong pananagutan kung mapahamak ang sinuman sa inyo, 27 sapagkat hindi ako nag-atubiling ipahayag sa inyo ang buong layunin ng Diyos. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pangangasiwa. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[a] na kanyang tinubos sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak.[b] 29 Alam kong pagkaalis ko'y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad nilang lalapain ang kawan. 30 Mula na rin sa inyo'y may lilitaw na mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mahikayat na sumunod sa kanila ang mga alagad. 31 Kaya't mag-ingat kayo. Alalahanin ninyong tinuruan ko kayo araw at gabi sa loob ng tatlong taon, at maraming luha ang pinuhunan ko.
32 “At ngayo'y itinatagubilin ko kayo sa Diyos at sa kanyang salitang nagpapahayag ng kanyang kagandahang-loob. Ito ang makakapagpatibay sa inyo at makakapagbigay ng mga pagpapalang inilaan sa lahat ng kanyang ginawang banal. 33 Hindi ko hinangad ang ginto, pilak o pananamit ninuman. 34 Alam ninyong nagbanat ako ng buto upang kumita ng ikabubuhay naming magkakasama. 35 Sa lahat ng pagkakataon, ipinakita ko sa inyo na sa pamamagitan ng ganitong pagtatrabaho ay dapat ninyong tulungan ang mahihina. Alalahanin natin ang mga salita ng Panginoong Jesus, ‘Higit na pinagpala ang nagbibigay kaysa tumatanggap.’”
36 Pagkasabi nito, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nila. 37 Silang lahat ay umiiyak na yumakap at humalik kay Pablo. 38 Labis nilang ikinalungkot ang kanyang sinabing siya'y hindi na nila muling makikita. At siya'y inihatid nila sa barko.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.