Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagpupuri sa Pagtatagumpay
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
21 Natutuwa ang hari, Yahweh, dahil sa bigay mong lakas,
dahil sa iyong tulong siya ay nagagalak.
2 Iyong ibinigay ang kanyang inaasam,
ipinagkaloob mo ang kanyang kahilingan. (Selah)[a]
3 Nilapitan mo siya't lubos na binasbasan,
dalisay na gintong korona, sa ulo niya'y inilagay.
4 Humiling siya ng buhay at iyong ibinigay,
ng mahabang buhay, na magpakailanman.
5 Dahil sa tulong mo, dakila ang kanyang karangalan,
dangal at kadakilaan sa kanya'y iyong ibinigay.
6 Pagpapala mo'y nasa kanya magpakailanman,
ang iyong patnubay, dulot sa kanya'y kagalakan.
7 Sa Kataas-taasang Diyos ang hari ay nagtitiwala,
dahil sa tapat na pag-ibig ni Yahweh, di siya nababahala.
8 Dadakpin ng hari ang lahat niyang mga kaaway,
bibihagin niya ang bawat isa na sa kanya'y nasusuklam.
9 Sa kanyang pagdating, sa apoy sila'y susunugin,
sa galit ni Yahweh, sa apoy sila'y tutupukin.
10 Walang matitira sa kanilang lahi,
sapagkat sila'y lilipulin ng hari.
11 Sa masasamang balak nilang gawin laban sa kanya,
walang anumang magtatagumpay sa mga plano nila.
12 Sila'y kanyang papanain,
sila'y uurong at patatakbuhin.
13 Pinupuri ka namin, Yahweh, sa taglay mong kalakasan!
Aawit kami at magpupuri dahil sa iyong kapangyarihan.
Naghari si David sa Israel at Juda(A)
5 Nagkaisa ang lahat ng lipi ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, “Kami'y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo. 2 Nang si Saul pa ang hari namin, pinangunahan mo ang mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ni Yahweh na ikaw ang magiging pastor ng Israel at ikaw ang mamumuno sa kanyang bayan.” 3 Lahat ng pinuno ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo'y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ni Yahweh. Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel. 4 Tatlumpung(B) taon na noon si David nang siya'y magsimulang maghari, at naghari siya sa loob ng apatnapung taon. 5 Sa Hebron, pitong taon at kalahati siyang namuno sa Juda. Sa Jerusalem naman ay tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa buong Israel at Juda.
6 Nang(C) siya'y maging hari, pinangunahan niya ang kanyang mga kawal upang lusubin ang mga Jebuseo na nasa Jerusalem. Sinabi nila kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kahit mga bulag at lumpo lamang ang magtanggol dito.” 7 Ngunit nakuha ni David ang kuta ng Zion at ito'y tinawag na Lunsod ni David hanggang ngayon.
8 Bago iyon nangyari ay sinabi ni David, “Sinumang may gustong sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat sa daluyan ng tubig at patayin ang mga kawawang bulag at pilay na iyon.” Doon nagmula ang kawikaang, “Walang bulag o pilay na makakapasok sa templo ni Yahweh!”
9 Doon tumira si David sa kuta at tinawag na Lunsod ni David. Pinalawak niya ang lunsod mula sa Millo sa gawing silangan ng burol. 10 Habang tumatagal ay lalong nagiging makapangyarihan si David sapagkat sumasakanya si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
Mga Tiniis ni Pablo Bilang Apostol
16 Inuulit ko, huwag isipin ninuman na ako'y hangal. Ngunit kung ganoon ang akala ninyo, tatanggapin ko na, upang ako man ay makapagyabang nang kaunti. 17 Ang sinasabi ko sa pagmamalaking ito ay hindi buhat sa Panginoon kundi pagyayabang ng isang hangal. 18 Dahil marami ang nagyayabang tungkol sa mga bagay na makalupa, ako man ay magyayabang din. 19 Nagtitiyaga kayo sa mga hangal na iyan, palibhasa'y matatalino kayo! 20 Pinapagtiisan ninyong kayo'y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, maliitin, o sampalin. 21 Nakakahiya man ay aaminin kong hindi namin kayang gawin iyan!
Kung may nangangahas na magyabang, ako'y mangangahas din na magyabang. Ako'y nagsasalita tulad ng isang hangal. 22 Sila ba'y Hebreo? Ako rin. Mga Israelita ba sila? Ako rin. Sila ba'y mula sa lahi ni Abraham? Ako rin. 23 Sila(A) ba'y mga lingkod ni Cristo? Mas mabuti akong lingkod ni Cristo kaysa kanila. Para akong isang baliw na nagsasalita ngayon. Higit ang aking pagpapagal kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nabilanggo, hinagupit nang napakaraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan. 24 Limang(B) beses akong tumanggap ng tatlumpu't siyam na hagupit mula sa mga Judio; 25 tatlong(C) ulit kong naranasang hagupitin [ng mga Romano][a], at minsang pinagbabato. Tatlong beses kong naranasang mawasak ang barkong aking sinasakyan, at minsa'y buong araw at gabi akong lulutang-lutang sa dagat. 26 Sa(D) malimit kong paglalakbay, nalagay ako sa iba't ibang panganib: sa mga ilog, sa mga tulisan, sa aking mga kababayan at sa mga Hentil; mga panganib sa lungsod, sa ilang, sa dagat, sa mga huwad na kapatid. 27 Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan ko ang ginawin ngunit wala man lamang maibalabal. 28 Bukod sa lahat ng ito ay araw-araw kong pinapasan ang mga alalahanin para sa lahat ng mga iglesya. 29 Kapag may nanghihina, nanghihina rin ako, at kapag may nahuhulog sa pagkakasala, labis ko itong ikinagagalit.
30 Kung kailangan kong magyabang, ipagyayabang ko ang mga bagay na nagpapakita ng aking kahinaan. 31 Hindi ako nagsisinungaling. Alam iyan ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! 32 Nang(E) ako'y nasa Damasco, ang pintuan ng lungsod ay pinabantayan ng gobernador na nasasakop ni Haring Aretas upang ipahuli ako. 33 Ngunit isinakay ako sa isang malaking kaing, pinadaan ako sa butas sa pader at ibinabâ sa kabila upang ako'y makatakas.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.