Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Lubos ang Kaalaman at Paglingap ng Diyos
Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
139 Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
2 Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
3 Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
4 Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y
alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
5 Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
6 Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,
di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.
13 Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
14 Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15 Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
16 Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
17 Tunay,(A) Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip,
ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
18 kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,
sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.
Ang Panalangin ni Ana
2 Ganito(A) ang naging panalangin ni Ana:
“Pinupuri kita, Yahweh,
dahil sa iyong kaloob sa akin.
Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan,
sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan.
2 “Si Yahweh lamang ang banal.
Wala siyang katulad,
walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos.
3 Walang maaaring magyabang sa iyo, Yahweh,
walang maaaring maghambog,
sapagkat alam mo ang lahat ng bagay,
ikaw ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao.
4 Ginapi mo ang mga makapangyarihan,
at pinapalakas ninyo ang mahihina.
5 Kaya't ang dating mayayaman ay nagpapaupa para may makain.
Masagana ngayon ang dating maralita.
Nagsilang ng pito ang dating baog,
at ang maraming anak ngayo'y nalulungkot.
6 Ikaw,(B) O Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay.
Maaari mo kaming itapon sa daigdig ng mga patay, at maaari ring buhayin muli.
7 Maaari mo kaming payamanin o paghirapin,
maaari ring ibaba o itaas.
8 Mapapadakila mo kahit ang pinakaaba,
mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha.
Maihahanay mo sila sa mga maharlika,
mabibigyan ng karangalan kahit na ang mga hampaslupa.
Hawak mo ang langit na nilikha,
at sa iyo nasasalig ang lahat ng iyong gawa.
9 “Papatnubayan mo ang tapat sa iyo,
ngunit ang masasama ay isasadlak sa karimlan.
Walang sinumang magtatagumpay sa sariling lakas.
10 Lahat ng lumalaban sa iyo ay manginginig sa takot;
kapag pinapadagundong mo ang mga kulog.
Hahatulan mo ang buong daigdig,
at pagtatagumpayin ang hinirang mong hari.”
19 Hindi ba't ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Bakit wala ni isa man sa inyo ang tumutupad nito? Bakit nais ninyo akong patayin?”
20 Sumagot ang mga tao, “Sinasapian ka ng demonyo! Sino ba ang gustong pumatay sa iyo?”
21 Sumagot si Jesus, “Isang bagay pa lamang ang ginawa ko'y nagtataka na kayong lahat. 22 Ibinigay(A) sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli bagaman hindi ito nagmula sa kanya kundi sa inyong mga ninuno, at ginagawa ninyo ito kahit Araw ng Pamamahinga. 23 Kung(B) tinutuli ang isang sanggol na lalaki kahit Araw ng Pamamahinga para masunod ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil nagpagaling ako ng isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo batay sa matuwid na pamantayan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.