Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 53

Ang Kasamaan ng Tao(A)

Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[a]

53 Sinabi(B) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.

Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.

Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”

Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.

Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!

1 Samuel 13:23-14

23 Samantala, binantayang mabuti ng mga Filisteo ang daanan papuntang Micmas.

Ang Tagumpay ni Jonatan sa Micmas

14 Isang araw, lingid sa kaalaman ng kanyang ama, sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng mga sandata, “Sumama ka sa akin at liligid tayo sa kabila ng kampo ng mga Filisteo.” Si Saul noon ay nasa labas ng Gibea, sa ilalim ng isang puno ng granada sa Micron, kasama ang may animnaraang tauhan. Naroon din ang paring si Ahias na anak ni Ahitob, kapatid ni Icabod at apo ni Finehas na anak naman ni Eli, ang pari ni Yahweh sa Shilo. Dala ni Ahias ang efod. Walang nakaalam sa lakad nina Jonatan.

Ang magkabila ng daanang binabantayan ng mga Filisteo ay mataas na bato; Bozez ang tawag sa isang panig, at Sene naman ang kabila. Ang isa ay nasa gawing hilaga, sa tapat ng Micmas at ang isa nama'y nasa timog, sa tapat ng Gibea.

Sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng mga sandata, “Pumunta tayo sa kampo ng mga Filisteong ito. Natitiyak kong tutulungan tayo ni Yahweh at walang makakahadlang sa kanya. Pagtatagumpayin niya ang Israel sa pamamagitan ng marami o ng kakaunting tao.”

Sumagot ang tagadala niya ng sandata, “Kayo po ang masusunod; kasama ninyo ako anuman ang mangyari.”

“Mabuti kung gayon,” sabi ni Jonatan. “Tatawid tayo at magpapakita sa kanila. Kapag sinabi nilang hintayin natin sila, hindi tayo tutuloy ng paglapit sa kanila. 10 Pero kapag sinabi nilang lumapit tayo, lalapit tayo sa kanila sapagkat iyon ang palatandaang sila'y ibinigay sa atin ni Yahweh.”

11 At lumakad na silang dalawa. Nang matanaw sila ng mga Filisteo, sinabi ng mga ito, “Hayun, naglalabasan na sa lungga ang mga Hebreo.” 12 At hiniyawan nila sina Jonatan, “Halikayo rito at may sasabihin kami sa inyo.”

Sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng sandata, “Sumunod ka sa akin. Niloob ni Yahweh na sila'y mahulog sa kamay ng Israel.” 13 Nagmamadali siyang umakyat sa matarik na bato, at sinalakay ang mga Filisteo. Bumabagsak ang bawat makaharap niya at ang mga ito'y pinapatay naman ng tagadala niya ng sandata. 14 Dalawampu ang napatay nila sa pagsalakay na iyon sa may kalahating ektaryang pinaglabanan nila. 15 Nasindak ang mga Filisteo, maging ang mga nasa lansangan, gayundin ang mga nasa kampo. Nayanig ang lupa at hindi nila malaman ang gagawin.

Natalo ang mga Filisteo

16 Nakita ng mga kawal ni Saul sa Gibea ang pagkakagulo ng mga Filisteo. 17 Sinabi ni Saul sa kanyang mga kasama, “Tingnan nga ninyo kung sino ang wala sa atin.” Tiningnan nila at natuklasan nilang wala si Jonatan at ang tagadala nito ng sandata.

18 At sinabi ni Saul kay Ahias, “Dalhin mo rito ang efod.” Si Ahias nga ang may dala ng efod noon. 19 Samantalang kinakausap ni Saul ang pari, palubha naman nang palubha ang kaguluhan ng mga Filisteo, kaya sinabi ni Saul sa pari, “Huwag mo nang ituloy ang pagsangguni sa Diyos.” 20 Sinalakay ni Saul at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo na dinatnan nilang nagkakagulo, sila-sila'y nagtatagaan. 21 Ang mga Hebreo namang kasama ng mga Filisteo ay pumanig na sa mga Israelita. 22 Pati ang mga Israelitang nagtatago sa kabundukan ng Efraim ay sumama na rin sa pagsalakay sa mga Filisteo. 23 Ang labanan ay umabot sa kabila ng Beth-aven at nang araw na iyon, iniligtas ni Yahweh ang Israel.

Galacia 6:11-18

Pangwakas na Babala at Pagbati

11 Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang mga titik na ginagamit ko sa pagsulat sa inyo sa pamamagitan ng sarili kong kamay.

12 Gusto lamang ng mga namimilit sa inyo na kayo'y magpatuli na makita silang gumagawa ng magagandang bagay. Ginagawa nila iyon upang huwag silang usigin dahil sa krus ni Cristo. 13 Kahit na silang mga tuli ay hindi naman tumutupad sa Kautusan; nais lamang nilang patuli kayo upang maipagmalaki nila na kayo man ay tumupad sa tuntuning iyon. 14 Huwag nawang mangyari sa akin na ipagmalaki ko ang anumang bagay bukod sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mundong ito'y patay na para sa akin, at ako nama'y patay na rin sa mundo. 15 Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga ay kung siya ay bago nang nilalang. 16 Manatili nawa ang kapayapaan at habag ng Diyos sa lahat ng namumuhay ayon sa tuntuning ito, at sa buong bayan ng Diyos.

17 Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking mga paghihirap, sapagkat ipinapakita ng mga pilat sa aking katawan na ako'y lingkod ni Jesus.

18 Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.