Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Samuel 8:4-11

Dahil dito, ang pinuno ng Israel ay sama-samang nagsadya kay Samuel sa Rama at kanilang(A) sinabi, “Matanda na po kayo. Ang mga anak naman ninyo'y hindi sumusunod sa inyong mga yapak. Kaya't ipili ninyo kami ng isang haring mamumuno sa amin tulad ng ibang mga bansa.”

Nalungkot si Samuel dahil sa kahilingan ng mga tao, kaya't nanalangin siya kay Yahweh. Sinabi naman sa kanya ni Yahweh, “Sundin mong lahat ang sinasabi nila sapagkat hindi ikaw kundi ako ang itinatakwil nila bilang hari nila. Ang ginagawa nila sa iyo ngayon ay ginagawa na nila sa akin mula pa nang ilabas ko sila sa Egipto. Noon pa'y tumalikod na sila sa akin, at naglingkod sa mga diyus-diyosan. Sundin mo sila, ngunit bigyan mo sila ng babala at ipaliwanag mo sa kanila kung ano ang gagawin ng hari na nais nilang mamahala sa kanila.”

10 Lahat ng sinabi ni Yahweh kay Samuel ay sinabi nito sa mga Israelita. 11 Ito ang sabi niya, “Ganito ang gagawin sa inyo ng magiging hari ninyo: Kukunin niya ang mga anak ninyong lalaki upang gawing kanyang mga kawal; ang iba'y sasakay sa kanyang karwaheng pandigma, ang iba nama'y sa hukbong kabayuhan at ang iba nama'y maglalakad sa unahan ng mga karwahe.

1 Samuel 8:12-15

12 Ang iba'y gagawin niyang opisyal para sa libu-libo at sa lima-limampu. Ang iba'y pagtatrabahuhin niya sa kanyang bukirin at sa pagawaan ng mga sandata at sasakyang pandigma. 13 Ang inyong mga anak na babae naman ay gagawin niyang manggagawa ng pabango, mga tagapagluto at tagagawa ng tinapay. 14 Kukunin din niya ang pinakamagaganda ninyong bukirin, ubasan, taniman ng olibo at ibibigay sa kanyang mga opisyal. 15 Kukunin din niya ang ikasampung bahagi ng inyong ani sa bukid at ubasan para ibigay sa kanyang mga pinuno at mga opisyal sa palasyo.

1 Samuel 8:16-20

16 Kukunin niya pati ang inyong mga alila, babae't lalaki, ang pinakamagaganda ninyong baka, kabayo at asno upang magtrabaho para sa kanya. 17 Kukunin din ang ikasampung bahagi ng inyong kawan at kayo'y gagawin niyang alipin. 18 Pagdating ng araw na iyon, irereklamo ninyo kay Yahweh ang inyong hari na kayo mismo ang pumili ngunit hindi kayo papakinggan ni Yahweh.”

19 Hindi pinansin ng mga Israelita ang mga sinabi ni Samuel. Sa halip, sinabi nila, “Basta, gusto naming magkaroon ng hari 20 upang kami'y maging katulad ng ibang bansa, at upang ang aming hari ang siyang mamamahala at mangunguna sa amin sa digmaan laban sa aming mga kaaway.”

1 Samuel 11:14-15

14 At sinabi ni Samuel sa mga tao, “Magpunta tayo sa Gilgal at doo'y muli nating ipahayag na hari natin si Saul.” 15 Lahat ay sama-samang nagpunta sa Gilgal at kinilala si Saul bilang hari. Pagkatapos, naghandog sila kay Yahweh ng mga haing pangkapayapaan, at nagdiwang silang lahat.

Mga Awit 138

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David.

138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
    sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
    pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
    ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
    sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
    pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
    at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
    hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
    kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
    ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
    ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
    ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
    at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.

2 Corinto 4:13-5:1

13 Sinasabi(A) ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako'y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami'y sumasampalataya. 14 Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling. 15 Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng kagandahang-loob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat sa ikaluluwalhati niya.

Nabubuhay sa Pananampalataya

16 Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob. Kahit na humihina ang aming katawang-lupa, patuloy namang pinalalakas ang aming espiritu araw-araw. 17 Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. 18 Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.

Alam(B) naming kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, kami'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao.

Marcos 3:20-35

Si Jesus at si Beelzebul(A)

20 Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. 21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kamag-anak, pumunta sila roon upang kunin siya dahil maraming nagsasabi na siya'y nasisiraan ng bait.

22 Sinasabi(B) naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!”

23 Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinghaga. Sabi niya, “Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili? 24 Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, mawawasak ang kahariang iyon. 25 Kapag naglaban-laban ang mga kaanib ng isang sambahayan, magkakawatak-watak ang sambahayang iyon. 26 Gayundin naman, kapag kinalaban ni Satanas ang kanyang sarili at nagkabaha-bahagi ang kanyang mga kampon, hindi siya magtatagal at iyon na ang kanyang magiging wakas.

27 “Hindi maaaring pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang taong malakas, malibang gapusin muna siya. Kapag siya'y nakagapos na, saka pa lamang mapagnanakawan ang kanyang bahay. 28 Tandaan ninyo ito: maaaring patawarin ang tao sa lahat ng kanyang kasalanan at paglapastangan, 29 ngunit(C) ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran, sapagkat siya ay nagkasala ng walang hanggang kasalanan.” 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi ng mga tao na siya'y sinasapian ng masamang espiritu.

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(D)

31 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Tumayo sila sa labas ng bahay at ipinatawag siya. 32 Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid na lalaki [at mga kapatid na babae].[a]

33 “Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. 34 Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Sapagkat ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ang aking mga kapatid at aking ina.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.