Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 53

Ang Kasamaan ng Tao(A)

Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[a]

53 Sinabi(B) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.

Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.

Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”

Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.

Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!

1 Samuel 15:10-23

Itinakwil si Saul Bilang Hari

10 Sinabi ni Yahweh kay Samuel, 11 “Nanghihinayang ako sa pagkapili ko kay Saul bilang hari sapagkat tinalikuran niya ako at sinuway ang aking mga utos.” Nagalit si Samuel, at magdamag siyang nanalangin kay Yahweh. 12 Kinabukasan, maaga siyang bumangon upang makipagkita kay Saul. Ngunit may nagsabi sa kanya na nagpunta ito sa Carmelo upang magpatayo ng sariling monumento, at pagkatapos ay nagtuloy sa Gilgal. 13 Sumunod siya roon at nang makita siya ni Saul ay binati siya, “Pagpalain ka ni Yahweh. Sinunod kong lahat ang utos niya.”

14 Itinanong ni Samuel, “Ano itong naririnig kong iyakan ng mga tupa at unga ng mga baka?”

15 Sumagot si Saul, “Kinuha iyan ng mga tauhan ko sa Amalek. Kinuha nila ang pinakamainam na tupa at baka upang ihandog kay Yahweh. Ang mga walang halaga ay pinatay namin.”

16 Sinabi ni Samuel, “Tumigil ka! Pakinggan mo ang sinabi sa akin ni Yahweh kagabi.”

“Ano iyon?” tanong ni Saul.

17 Sinabi ni Samuel, “Noong una, napakaliit pa ng tingin mo sa iyong sarili. Ngayon, ikaw ang namumuno sa Israel sapagkat pinili ka ni Yahweh at binuhusan ng langis upang maging hari. 18 Inutusan ka niyang lusubin ang masamang bayan ng Amalek at mahigpit na ipinagbiling puksain ang mga ito. 19 Bakit mo sinuway ang utos ni Yahweh? Bakit mo pinag-imbutan ang mga ito? Hindi mo ba alam na ang ginawa mo'y malaking kasalanan kay Yahweh?”

20 Sumagot si Saul, “Sinunod ko si Yahweh. Pumunta ako sa pinapuntahan niya sa akin. Binihag ko si Agag na hari ng Amalek at nilipol ang mga Amalekita. 21 Ngunit pinili ng mga tao ang pinakamaiinam sa mga tupa at baka at hindi namin pinatay kasama ng iba, sa halip ay iniuwi namin sa Gilgal upang ihandog kay Yahweh.”

22 Sinabi ni Samuel, “Akala mo ba'y higit na magugustuhan ni Yahweh ang handog at hain kaysa ang pagsunod sa kanya? Mas mabuti ang pagsunod kay Yahweh kaysa paghahandog, at ang pakikinig ay higit sa haing taba ng tupa. 23 Ang pagsuway sa kanya ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo'y tulad ng pagsamba sa diyus-diyosan. Sapagkat itinakwil mo ang salita ni Yahweh, itinakwil ka rin niya bilang hari.”

Pahayag 21:22-22:5

22 Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi(A) na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lungsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon at ang Kordero ang siyang ilawan. 24 Sa(B) liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. 25 Hindi isasara ang mga pinto ng lungsod sa buong maghapon, at hindi na sasapit doon ang gabi. 26 Dadalhin sa lungsod ang yaman at dangal ng mga bansa, 27 ngunit(C) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, ni ang mga gumagawa ng kasuklam-suklam, ni ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang makakapasok sa lungsod.

22 Ipinakita(D) rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, at(E) umaagos sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay ang punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ito'y namumunga ng labindalawang (12) uri ng bunga, isang uri sa bawat buwan. Nakapagpapagaling sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito. Wala(F) roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos.

Makikita sa lungsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. Doo'y(G) wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilawan o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging liwanag nila, at maghahari sila magpakailanman.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.