Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 20

Panalangin Upang Magtagumpay

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

20 Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa!
    At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
Mula sa Templo, ikaw sana'y kanyang tulungan,
    at mula sa Zion, ikaw ay kanyang alalayan.
Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin,
    at pahalagahan niya ang lahat ng iyong haing susunugin. (Selah)[a]
Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin,
    at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi,
    magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang.
Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.

Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay!
    Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan,
    mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan.
Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma,
    at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala;
    ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
Sila'y manghihina at tuluyang babagsak,
    ngunit tayo'y tatayo at mananatiling matatag.

O Yahweh, ang hari'y iyong pagtagumpayin;
    ang aming panawagan, ay iyong sagutin.

1 Samuel 13:1-15

Ang Pakikidigma Laban sa mga Filisteo

13 Tatlumpung[a] taon si Saul nang siya'y maging hari ng Israel. Siya'y naghari sa loob ng dalawang taon.[b]

Pumili si Saul ng tatlong libong tauhan; ang dalawang libo ay isinama niya sa Micmas at sa kaburulan ng Bethel. Ang sanlibo naman ay pinasama niya kay Jonatan sa Gibea, sakop ng Benjamin. Ang iba'y pinauwi niya sa kani-kanilang tolda.

Nasakop na ni Jonatan ang kampo ng mga Filisteo sa Gibea at ito'y napabalita sa buong lupain ng mga Filisteo. Ipinabalita naman ni Saul sa buong Israel ang nangyari at tinawagan ang buong bayan na makidigma. Nang marinig ng mga Israelita na nasakop na ni Saul ang isang kampo ng mga Filisteo at malaman nilang napopoot sa kanila ang mga ito, nagkaisa silang sumama kay Saul sa Gilgal upang makipaglaban.

Nagtipun-tipon din ang mga Filisteo upang harapin ang mga Israelita. Ang karwahe nila ay 30,000, at 6,000 ang mga kawal na nakakabayo, at parang buhangin sa dagat ang dami ng mga kawal na naglalakad. Sila'y nagkampo sa Micmas, sa gawing silangan ng Beth-aven. Nakita ng mga Israelita ang malaking panganib na kanilang kakaharapin at natakot sila, kaya't nagkanya-kanya silang tago sa mga kuweba, hukay, libingan, malalaking bato, at mga punongkahoy. Ang iba nama'y tumawid sa Jordan papuntang Gad at Gilead.

Naiwan si Saul sa Gilgal at nanginginig sa takot ang mga naiwang kasama niya. Pitong(A) araw siyang naghintay roon, tulad ng sinabi sa kanya ni Samuel; ngunit hindi pa rin ito dumarating. Ang mga kasama niya'y isa-isa nang umaalis, kaya't nagpakuha si Saul ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan at siya na ang naghandog ng mga ito. 10 Katatapos lamang niyang maghandog nang dumating si Samuel. Sinalubong siya ni Saul at binati. 11 Tinanong siya ni Samuel, “Bakit mo ginawa iyan?”

Sumagot siya, “Ang mga kasama ko'y isa-isa nang nag-aalisan, nariyan na sa Micmas ang mga Filisteo, at ikaw nama'y hindi dumating sa oras na ating usapan. 12 Ako'y nangambang lusubin kami ng mga Filisteo rito sa Gilgal na hindi pa ako nakapaghahandog kay Yahweh, kaya napilitan akong maghandog.”

13 Sinabi sa kanya ni Samuel, “Malaking kasalanan 'yang ginawa mo. Kung sinunod mo ang iniuutos sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos, ang sambahayan mo sana ang maghahari sa buong Israel habang panahon. 14 Ngunit(B) dahil sa ginawa mo, hindi na matutuloy iyon. Si Yahweh ay pipili ng isang taong mula sa kanyang puso na maghahari sa Israel sapagkat hindi mo sinunod ang mga utos niya sa iyo.”

15 Pagkasabi nito'y umalis si Samuel at nagpunta sa Gibea, sa lupain ng Benjamin. Tinipon ni Saul ang natira niyang mga tauhan at umabot sa 600.

Marcos 4:1-20

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)

Muling(B) nagturo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At dahil nagkatipon sa paligid niya ang napakaraming tao, siya'y sumakay at umupo sa isang bangkang nasa tubig. Nanatili naman ang mga tao sa dalampasigan, at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya: “Makinig kayo! May isang magsasakang lumabas upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa batuhan. Bagama't kaunti lamang ang lupa roon, agad sumibol ang mga binhing iyon. Ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa'y hindi ito masyadong nag-ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may damuhang matinik; nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo, kaya't hindi nakapamunga ang mga binhi. At may mga binhi namang nalaglag sa matabang lupa. Ang mga ito ay tumubo, lumago, at namunga nang marami, may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisandaan.” Sinabi pa ni Jesus, “Makinig ang may pandinig.”

Ang Layunin ng Talinghaga(C)

10 Nang nag-iisa na si Jesus, ang ilan sa mga nakikinig ay lumapit sa kanya kasama ang Labindalawa. Hiniling nilang ipaliwanag niya ang talinghaga. 11 Sinabi niya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba na nasa labas, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga. 12 Nang(D) sa gayon,

‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita,
at makinig man sila nang makinig ay hindi makakaunawa.
Kung hindi sila ganito, nagbalik-loob na sana sila sa Diyos
    at napatawad sila.’”

Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(E)

13 Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang mga talinghaga? 14 Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhing inihahasik ay ang Salita ng Diyos 15 at ang mga binhi namang nalaglag sa daan ay ang mga taong nakikinig sa Salita ng Diyos. Pagkarinig nila'y dumarating si Satanas at inaalis ang salitang inihasik sa kanila.[a]

16 “Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos at agad na tinatanggap ito nang may galak. 17 Subalit hindi ito tumitimo sa kanila kaya't hindi sila nagtatagal. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita ng Diyos, agad silang sumusuko.

18 “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa may matitinik na halaman. Sila ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos 19 ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang Salita ay nawawalan ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakakapamunga.

20 “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa matabang lupa. Sila ang mga taong nakikinig at tumatanggap sa Salita ng Diyos at namumunga nang masagana; may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu at may tig-iisandaan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.