Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagkamatay ni Saul
1 Nang magbalik si David buhat sa matagumpay na pakikidigma laban sa mga Amalekita, tumigil siya ng dalawang araw sa Ziklag.
Dinamdam ni David ang Pagkamatay ng Mag-ama
17 Dahil dito, kumanta si David ng isang awit ng pagluluksa bilang alaala kina Saul at sa anak nitong si Jonatan. (18 Iniutos(A) niyang ituro ito sa lahat ng mamamayan ng Juda. Nakasulat ito sa Aklat ni Jaser.)
19 “Karangalan ng Israel sa burol ay niyurakan,
nang mabuwal ang magigiting mong kawal!
20 Dapat itong ilihim, hindi dapat ipaalam,
lalo sa Gat, at Ashkelon, sa liwasan at lansangan;
kung ito ay mababatid, tiyak na magdiriwang,
ang mga Filisteong mga Hentil ang magulang.
21 “Ang lupain ng Gilboa, ang iyong mga bundok, hindi na dapat ulanin, ni bigyan kahit hamog,
mga bukid mo'y hindi na makapaghandog.
Pagkat sandata ni Saul ay sa iyo nadungisan,
na dati-rating makintab, ngayo'y balot ng kalawang.
22 “Ang pana ni Jonatan noo'y hindi nabibigo.
Ang kay Saul na sandata ay hindi naigugupo.
23 “Si Saul at si Jonatan ay ulirang mag-ama,
sa buhay at kamatayan ay palaging magkasama.
Bilis nila'y higit pa sa agila, higit pa kaysa leon ang lakas na taglay nila.
24 “Mga kababaihan ng Israel, kayo'y magsitangis,
sa pagpanaw ni Saul na sa inyo'y nagparamit
ng magandang kasuotang may hiyas na nakakabit.
25 “Ang magigiting na kawal ay nabuwal sa labanan,
ganyan napansin sa burol, nang bumagsak si Jonatan.
26 “Sa pagpanaw mo, kapatid kong Jonatan, ngayon ako'y nagluluksa,
pagkat ikaw ay mahal ko at sa iyo'y humahanga.
Ang pag-ibig na ukol mo sa akin ay pambihira,
mahigit pa sa pag-ibig ng babaing minumutya.
27 “Ang magigiting na kawal sa labana'y nabuwal,
ang kanilang mga sandata ay wala na ngayong kabuluhan.”
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
2 Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
3 Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
4 Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.
5 Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
6 Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.
7 Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
8 Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
7 Masagana kayo sa lahat ng bagay: sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin.[a] Sikapin ninyong maging masagana rin sa pagkakawanggawang ito.
8 Hindi sa inuutusan ko kayo. Sinasabi ko lamang sa inyo ang pagsisikap ng iba upang masubok ang katapatan ng inyong pag-ibig. 9 Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman ay naging dukha upang maging mayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging dukha.
10 Kaya ito ang payo ko: mas mabuting ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-iipon ng kaloob na sinimulan ninyo noon pang isang taon. Kayo ang nanguna, hindi lamang sa pagsasagawa nito kundi maging sa paghahangad. 11 Kaya't tapusin na ninyo ito! Ang sigasig ninyo noon sa paghahangad ay tumbasan ninyo ng sigasig na tapusin ang bagay na ito. Magbigay kayo ayon sa inyong makakaya. 12 Sapagkat kung may hangaring magbigay, tatanggapin ng Diyos ang inyong kaloob ayon sa inyong makakaya at hindi ayon sa hindi ninyo kaya.
13 Hindi sa ibig kong guminhawa ang iba at mabigatan naman kayo. 14 Ang ibig ko ay matulungan ninyo ang isa't isa. Masagana kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila'y sumagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ninyo. 15 Tulad(A) ng nasusulat,
“Ang kumuha ng marami ay hindi lumabis,
at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang.”
Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Dinudugo(A)
21 Si Jesus ay sumakay sa bangka[a] at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. 22 Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito 23 at nagmakaawa, “Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!”
24 Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya't halos maipit na siya.
25 Kasama rin doon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. 26 Hirap(B) na hirap na siya sa sakit na iyon, at marami nang doktor ang sumuri sa kanya. Naubos na ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Sa halip, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. 27 Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya't nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito, 28 sapagkat iniisip niyang: “mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako.” 29 Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya.
30 Naramdaman agad ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa aking damit?”
31 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong napakaraming nagsisiksikan sa paligid ninyo, bakit pa ninyo itinatanong kung sino ang humipo sa damit ninyo?”
32 Subalit lumingun-lingon si Jesus upang tingnan kung sino ang humipo sa damit niya. 33 Palibhasa'y alam ng babae ang nangyari, siya'y nanginginig sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na.”
35 Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro,” sabi nila.
36 Ngunit nang marinig ito ni Jesus,[b] sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”
37 At hindi pinayagan ni Jesus na sumama sa kanya ang mga tao maliban kina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang.”
40 Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao. Subalit pinalabas niya ang lahat maliban sa tatlong alagad at sa mga magulang ng bata, at pumasok sila sa kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihi'y “Ineng, bumangon ka!”
42 Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taong gulang na. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng makakain ang bata.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.