Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Papuri at Panalangin ng Tagumpay(A)
Awit ni David.
108 Nahahanda ako ngayon, O Diyos, ako ay handa na,
na magpuri at umawit ng awiting masisigla!
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka at magsaya!
2 O magsigising na nga kayo, mga lira at alpa;
tumugtog na at hintayin ang liwayway ng umaga.
3 Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan,
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
4 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
5 Sa ibabaw ng mga langit, ikaw ay itatanghal,
at dito naman sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
6 Sa taglay mong kalakasan kami sana ay iligtas,
upang kaming iyong lingkod ay hindi na mapahamak;
dinggin mo ang dalangin ko kapag ako'y tumatawag.
7 Sinabi nga nitong Diyos mula sa tronong luklukan,
“Hahatiin ko ang Shekem, bilang tanda ng tagumpay,
paghahati-hatiin ko ang Sucot na kapatagan, matapos na gawin ito'y ibibigay sa hinirang.
8 Ang Gilead at Manases, dal'wang dakong ito'y akin,
magsisilbing helmet ko itong lugar ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
9 Ang Moab ay isang lugar na gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
doon naman sa Filistia, tagumpay ko'y isisigaw.”
10 Sino kaya ang sasama sa lakad ko, Panginoon? Sa lunsod na mayroong kuta, sino'ng maghahatid ngayon?
Sino kaya'ng magdadala sa akin sa lupang Edom?
11 Dahil kami'y itinakwil, hindi mo na pinapansin.
Kung ikaw ay di kasama, paano ang hukbo namin?
12 O Diyos, kami'y tulungan mo sa paglaban sa kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
Nagkita sina Saul at Samuel
9 Sa lipi ni Benjamin ay may isang mayamang lalaki. Siya'y si Kish na anak ni Abiel at apo ni Zeror, mula sa sambahayan ni Becorat at sa angkan ni Afia. 2 Si Kish ang ama ni Saul na siya namang pinakamakisig at pinakamatangkad na lalaki sa buong Israel.
3 Minsan, nawala ang mga asno ni Kish. Kaya, inutusan niya si Saul na magsama ng isang katulong at hanapin ang mga asno. 4 Naghanap sila sa buong kaburulan ng Efraim at sa lupain ng Salisa ngunit wala silang nakita ni isa man. Nagtuloy sila sa Saalim ngunit wala rin doon. Nagtuloy sila sa Benjamin at wala rin silang natagpuan doon. 5 Nakarating sila sa Zuf ngunit wala pa rin silang nakita, kaya't nagyaya nang umuwi si Saul. Sinabi niya sa kanyang kasamang lingkod, “Umuwi na tayo at baka tayo naman ang inaalala ng aking ama.”
6 Sumagot ang kanyang kasama, “Sandali lang. Sa lunsod na ito ay may isang lingkod ng Diyos. Iginagalang siya ng mga tao sapagkat nagkakatotoo ang anumang sabihin niya. Pumunta tayo sa kanya, baka sakaling maituro niya sa atin ang ating hinahanap.”
7 Sinabi ni Saul, “Anong maibibigay natin kung pupunta tayo sa kanya? Ubos na ang baon nating pagkain.”
8 Sumagot ang katulong, “Mayroon pa akong tatlong gramong pilak. Ibibigay ko na ito sa kanya para ituro sa atin ang ating hinahanap.”
9 Noong panahong iyon, ugali ng mga Israelita na lumapit sa isang manghuhula kung may isasangguni sa Diyos. Manghuhula ang dati nilang tawag sa propeta.
10 Sinabi ni Saul, “Sige, tayo na. Pumunta tayo sa sinasabi mong lingkod ng Diyos.” At nagpunta nga sila sa lunsod na kinaroroonan ng nabanggit na lingkod ng Diyos. 11 Sa daan, nakasalubong sila ng mga dalagang sasalok ng tubig. “Narito kaya ang manghuhula?” tanong ni Saul sa mga dalaga.
12 Sumagot ang mga dalaga, “Opo. Kararaan lang niya papunta sa altar sa burol sapagkat maghahandog doon ang mga tao. Lumakad na kayo at pagpasok ninyo ng lunsod 13 ay makikita ninyo siya. Magmadali kayo upang maabutan ninyo siya bago makaakyat sa altar para kumain. Hindi kakain ang mga taong naroon hangga't hindi siya dumarating sapagkat kailangan munang basbasan ang mga handog. Pagkabasbas, saka kakain ang mga panauhin.”
14 At nagtuloy nga sila sa lunsod. Papasok na sila nang makita nila si Samuel na papunta naman sa altar na paghahandugan.
Si Jesus at si Beelzebul(A)
14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang demonyo mula sa isang lalaking pipi. Nang nakapagsalita ito, ang mga tao ay humanga kay Jesus. 15 Subalit(B) sinabi naman ng ilan sa mga naroon, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.”
16 May(C) mga nagnanais na siya'y subukin kaya't patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himala mula sa langit. 17 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. 18 Kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. 19 Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. 20 Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 “Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.
23 “Ang(D) hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat.”
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(E)
24 “Kapag lumabas sa tao ang isang masamang espiritu, nagpapagala-gala ito sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kapag wala siyang makita, sasabihin niya sa sarili, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’ 25 Sa pagbabalik niya ay madadatnan niyang malinis at maayos ang bahay. 26 Kaya't lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung mas masasama kaysa kanya. Papasok sila at maninirahan doon, kaya't mas masama pa kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon.”
Ang Tunay na Pinagpala
27 Habang nagsasalita si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan, “Pinagpala ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo.”
28 Ngunit sumagot siya, “Higit na pinagpala ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.