Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 53

Ang Kasamaan ng Tao(A)

Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[a]

53 Sinabi(B) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.

Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.

Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”

Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.

Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!

1 Samuel 15:24-31

24 Sinabi ni Saul kay Samuel, “Nagkasala ako! Sinuway ko nga ang utos ni Yahweh at ang bilin mo sa akin. Nagawa ko ito sapagkat natakot ako sa aking mga tauhan, kaya't pinagbigyan ko ang kanilang kagustuhan. 25 Ngayon ay nakikiusap ako sa iyo na patawarin mo na ang aking kasalanan at samahan mo ako sa pag-uwi upang ako'y makasamba kay Yahweh.”

26 Sinabi ni Samuel, “Hindi kita masasamahan sapagkat sinuway mo ang utos ni Yahweh. Itinakwil ka na niya bilang hari ng Israel.”

27 Tumalikod(A) si Samuel upang umalis, ngunit hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit nito at napunit ang kapiraso nito. 28 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Sa araw na ito, tinanggal na sa iyo ni Yahweh ang pagiging hari ng Israel, at ibinigay na ito sa isang taong mas mabuti kaysa iyo. 29 Ang maluwalhating Diyos ng Israel ay hindi nagsisinungaling at hindi nagbabago ng pag-iisip. Hindi siya tulad ng tao na nagbabago ng pag-iisip.”

30 Sumagot si Saul, “Nagkasala nga ako ngunit sa pagkakataong ito'y ipinapakiusap sa iyo, bigyan mo ako kahit kaunting karangalan sa harapan ng matatandang pinuno at ng buong bayang Israel. Samahan mo na akong bumalik upang sumamba kay Yahweh na iyong Diyos.” 31 Sumama si Samuel at si Saul nama'y sumamba kay Yahweh.

Lucas 6:43-45

Sa Bunga Makikilala ang Puno(A)

43 “Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at wala ring masamang puno na namumunga ng mabuti. 44 Nakikilala(B) ang bawat puno sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakakapitas ng igos sa matitinik na halaman o ng ubas sa mga dawag. 45 Ang(C) mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong puno ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.