Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 11:1-15

Si David at Batsheba

11 Nang(A) sumapit ang tagsibol, panahon na karaniwang nakikipagdigma ang mga hari, pinalabas ni David ang buong hukbo ng Israel. Sa pangunguna ni Joab at ng iba pang mga pinuno, pinuksa nila ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Subalit si David ay nagpaiwan sa Jerusalem.

Isang hapon, pagkagising ni David, umakyat siya sa bubungan ng palasyo at naglakad-lakad. Mula roon, may natanaw siyang isang babaing naliligo. Napakaganda ng babae. Ipinagtanong niya kung sino iyon. Sinabi sa kanya na iyo'y si Batsheba, anak ni Eliam at asawa ni Urias na isang Heteo. Ipinakuha niya si Batsheba na noo'y katatapos pa lamang ng kanyang paglilinis ayon sa tuntunin para sa mga babaing nireregla. Sinipingan siya ni David, at pinauwi pagkatapos. Dahil sa nangyaring ito, si Batsheba'y nabuntis, at ipinasabi niya ito kay David.

Inutusan agad ni David si Joab na papuntahin sa kanya si Urias na Heteo. Iyon nga ang ginawa ni Joab. Nang dumating ito, tinanong siya ni David, “Kumusta si Joab at ang hukbo? Ano ang lagay ng labanan?” Sinabi pa niya kay Urias, “Umuwi ka na at sipingan ang iyong asawa sapagkat nanggaling ka pa sa malayong paglalakbay.” Lumakad nga si Urias. Ang hari ay nagpadala pa ng regalo para sa tahanan nito. Ngunit hindi pala ito nagtuloy sa kanila. Sa halip, doon siya natulog sa may tarangkahan ng palasyo, kasama ng mga bantay. 10 Nalaman ito ni David at sinabi niya kay Urias, “Hindi ba't kararating mo lang buhat sa isang mahabang paglalakbay? Bakit hindi ka umuwi?”

11 Sumagot siya, “Ang Kaban ng Tipan at ang mga kawal ng Israel at Juda ay nasa mga tolda lamang, at sa labas naman natutulog ang aking pinunong si Joab at ang inyong mga punong-kawal. Sa ganitong kalagayan, hindi po maaatim ng aking kaloobang ako'y umuwi upang magpakaligaya sa piling ng aking asawa. Sa harapan ng Diyos, hindi ko po magagawa iyon.”

12 Sinabi ni David kay Urias, “Dumito ka muna ng isa pang araw at bukas ka na umalis.” Kaya nanatili siya sa Jerusalem nang araw na iyon. 13 Kinabukasan, inanyayahan ni David sa pagkain si Urias at ito'y kanyang nilasing. Hindi rin ito umuwi nang gabing iyon, bagkus natulog na kasama rin ng mga bantay.

14 Kinabukasan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias. 15 Ganito ang nilalaman: “Ilagay mo si Urias sa unahan kung saan mainit ang labanan. Pagkatapos, iwan mo siya roon at bayaan mo siyang mapatay.”

Mga Awit 14

Ang Kasamaan ng Tao(A)

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

14 “Wala(B) namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.
    Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;
    walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!

Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;
    tinitingnan kung may taong marunong pa,
    na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.
Silang lahat ay naligaw ng landas,
    at naging masasama silang lahat;
walang gumagawa sa kanila ng tama,
    wala ni isa man, wala nga, wala!

Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,
    itong masasama, lahat na ba'y mangmang?
Itong aking baya'y pinagnanakawan
    at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”

Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.
Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,
    ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.

Ang aking hinihiling nawa ay dumating,
    mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.
Labis na magagalak ang bayang Israel,
    kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.

Efeso 3:14-21

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Dahil dito, ako'y lumuluhod sa harapan ng Ama, 15 na mula sa kanya'y nagkakaroon ng pangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Idinadalangin kong sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan. 17 Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig. Dalangin ko na ang pag-ibig ang maging ugat at pundasyon sa lahat ng inyong gawain 18 upang(A) inyong lubusang maunawaan, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, kahaba, kataas, at kalalim ang kanyang pag-ibig. 19 At nawa'y maunawaan ninyo ang pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip at sa gayo'y mapuspos kayo ng buong katangian ng Diyos.

20 Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin; 21 sa kanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi magpakailanman! Amen.

Juan 6:1-21

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(A)

Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. Umakyat si Jesus sa bundok kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Noon ay malapit na ang Paskwa ng mga Judio. Tumanaw si Jesus at nang makita niyang dumarating ang napakaraming tao, tinanong niya si Felipe, “Saan kaya tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya iyon upang subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin.

Sumagot naman si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang salaping pilak[a] ng tinapay ay di sasapat para makakain sila nang tigkakaunti.”

Sinabi ni Andres na isa sa kanyang mga alagad at kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?” 10 “Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang mga tao; sa kanila'y may humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki. 11 Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga taong nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda. Nakakain ang lahat at nabusog. 12 Nang makakain na ang mga tao, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Ipunin ninyo ang lumabis nang di masayang.” 13 Ganoon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang kaing mula sa limang tinapay na sebada.

14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang darating sa sanlibutan!” 15 Napansin ni Jesus na lalapitan siya ng mga tao at pipilitin siyang gawing hari, kaya't umalis siyang muli at mag-isang umakyat sa bundok.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)

16 Nang magtatakipsilim na, ang mga alagad ay pumunta sa tabi ng lawa. 17 Sumakay sila sa bangka at naglayag papuntang Capernaum. Madilim na'y wala pa si Jesus. 18 Lumakas ang hangin at lumaki ang alon. 19 Nang makasagwan na sila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa bangka, at sila'y natakot. 20 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito!” 21 Tuwang-tuwa nilang pinasakay si Jesus; at kaagad na nakarating ang bangka sa kanilang pupuntahan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.