Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 89:20-37

20 Ang(A) piniling lingkod na ito'y si David,
    aking binuhusan ng banal na langis.
21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
    at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
    ang mga masama'y di magtatagumpay.
23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
    silang namumuhi na mga kaaway.
24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
    at magtatagumpay siya oras-oras.
25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
    dagat na malawak at malaking ilog.
26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
    tagapagsanggalang niya't manunubos.
27 Gagawin(B) ko siyang panganay at hari,
    pinakamataas sa lahat ng hari!
28 Ang aking pangako sa kanya'y iiral
    at mananatili sa aming kasunduan.
29 Laging maghahari ang isa niyang angkan,
    sintatag ng langit yaong kaharian.

30 “Kung ang mga anak niya ay susuway,
    at ang aking utos ay di igagalang,
31 kung ang aking aral ay di papakinggan
    at ang kautusa'y hindi iingatan,
32 kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila,
    sila'y hahampasin sa ginawang sala.
33 Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David,
    ay di magbabago, hindi mapapatid.
34 Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain,
    ni isang pangako'y di ko babawiin.

35 “Sa aking kabanalan, ipinangako ko,
    kay David ay hindi magsisinungaling.
36 Lahi't trono niya'y hindi magwawakas,
    hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat;
37 katulad ng buwan na hindi lilipas,
    matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah)[a]

1 Cronica 11:15-19

15 Minsan, nang ang mga Filisteo'y nagkakampo sa kapatagan ng Higante, tatlo sa tatlumpung mga pinuno ng Israel ang bumabâ sa kampo ni David, malapit sa yungib ng Adullam. 16 Noo'y nasa isang kuta si David; nasakop naman ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Bethlehem. 17 Minsa'y buong pananabik na nasabi ni David, “May magbigay sana ng tubig sa akin mula sa balon sa tabi ng pintuang papasok sa Bethlehem!” 18 Nang marinig ito, sumugod agad ang tatlong magigiting na kawal, lumusot sa hanay ng mga Filisteo at kumuha nga ng tubig. Ngunit hindi ito ininom ni David. Sa halip, ibinuhos niya ito bilang handog kay Yahweh. 19 Sinabi niya, “Hindi ko maiinom ito sapagkat para nang dugo nila ang aking ininom. Buhay ang itinaya nila sa pagkuha nito!” Ito ang isa sa mga kagitingang ginawa ng Tatlo.

Colosas 1:15-23

Ang Likas at Gawain ni Cristo

15 Si(A) Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. 18 Siya(B) ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na binuhay mula sa kamatayan, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. 19 Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, 20 at(C) sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa ay ipagkasundo sa kanya. Nakamtan ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak na inialay sa krus.[a]

21 Dati, kayo'y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama. 22 Ngunit naging tao ang Anak ng Diyos at sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay ay ipinagkasundo kayo sa Diyos. Nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. 23 Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging lingkod para sa Magandang Balitang ito na ipinangaral sa lahat ng tao sa buong daigdig.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.