Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 14

Ang Kasamaan ng Tao(A)

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

14 “Wala(B) namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.
    Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;
    walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!

Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;
    tinitingnan kung may taong marunong pa,
    na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.
Silang lahat ay naligaw ng landas,
    at naging masasama silang lahat;
walang gumagawa sa kanila ng tama,
    wala ni isa man, wala nga, wala!

Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,
    itong masasama, lahat na ba'y mangmang?
Itong aking baya'y pinagnanakawan
    at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”

Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.
Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,
    ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.

Ang aking hinihiling nawa ay dumating,
    mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.
Labis na magagalak ang bayang Israel,
    kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.

2 Samuel 10:1-5

Nalupig ang Ammon at Aram(A)

10 Hindi nagtagal at namatay ang hari ng mga Ammonita. Ang pumalit dito ay ang anak niyang si Hanun. Sinabi ni David, “Kakaibiganin ko si Hanun, ang anak ni Nahas, sapagkat kaibigan kong matalik ang kanyang ama.” Kaya't nagsugo siya ng mga kinatawan upang makiramay sa kanya.

Ngunit nang dumating ang mga ito, sinabi ng mga pinunong Ammonita kay Hanun, “Nakakatiyak ba kayo na talagang pinaparangalan ni David ang inyong ama sa kanyang pakikiramay sa inyo? Hindi kaya lihim na nagmamanman lamang ang mga sugong ito para masakop ang lunsod?”

Kaya't ipinahuli ni Hanun ang mga sugo ni David, inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at ginupit ang kanilang kasuotan hanggang sa balakang, saka ipinagtabuyan. Nang mabalitaan ni David ang ginawang paghamak na ito, ipinasalubong niya ang kanyang mga sugo sapagkat sila'y nahihiyang magbalik. Inutusan niyang doon na muna sila sa Jerico, hanggang hindi tumutubong muli ang kanilang balbas.

Colosas 1:9-14

Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu. 10 Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos. 11 Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay. 12 Lagi kayong magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo[a] sa mga pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag. 13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 Sa(A) pamamagitan niya ay napalaya tayo, samakatuwid ay pinatawad ang ating mga kasalanan [sa pamamagitan ng kanyang dugo].[b]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.