Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
2 Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
3 Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
4 Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.
5 Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
6 Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.
7 Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
8 Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
27 Ngunit kinabukasan, wala pa rin si David kaya tinanong niya si Jonatan, “Bakit mula kahapon ay hindi natin nakakasalo si David?”
28 Sumagot si Jonatan, “Nagpaalam po siya sa akin kahapon at uuwi raw sa Bethlehem. 29 May taunang paghahandog daw ang kanilang sambahayan at pinapauwi siya ng kanyang mga kapatid. Kung maaari raw ay payagan ko siya para makita ang kanyang mga kamag-anak. Kaya po hindi natin siya kasalo ngayon.”
30 Nang marinig ang sinabi ni Jonatan, galit na galit niyang sinabi, “Isa kang suwail na anak! Ngayon ko natiyak na kampi ka kay David. Hindi mo ba alam na inilalagay mo sa kahihiyan ang iyong sarili, pati na rin ang iyong ina? 31 Dapat mong malamang hangga't buháy ang David na iyan ay hindi mapapasaiyo ang kahariang ito? Lumakad ka ngayon, ipahuli mo siya at iharap sa akin para mapatay ko.”
32 Sumagot si Jonatan, “Ano po ba ang kasalanan niya at dapat siyang patayin?”
33 Sa galit ni Saul, sinibat niya si Jonatan. Kaya't natiyak nitong talagang gustong patayin ni Saul si David. 34 Galit na umalis si Jonatan. Hindi siya kumain nang araw na iyon dahil sa sama ng loob sa ginawang paghamak ni Saul kay David. 35 Kinaumagahan, nagpunta siya sa bukid na pinag-usapan nila ni David, kasama ang isa niyang lingkod na batang lalaki. 36 Sinabi niya rito, “Hanapin mo itong pawawalan kong palaso.” Patakbong sumunod ang utusan at pinawalan ni Jonatan ang kanyang palaso sa unahan nito. 37 Pagdating sa lugar na binagsakan ng palaso, humiyaw si Jonatan, “Nasa gawi pa roon.” 38 Idinugtong pa niya, “Dalian mo, huwag ka nang magtagal diyan.” At nang makuha ng bata ang palaso, dali-dali itong nagbalik kay Jonatan. 39 Wala siyang kaalam-alam sa pangyayari ngunit nagkakaintindihan na sina David at Jonatan. 40 Pagkatapos, ang mga sandata ni Jonatan ay ipinauwi na niya sa kanyang batang lingkod.
41 Nang makaalis ito, lumabas si David sa kanyang pinagtataguan at tatlong beses na yumuko na ang mukha'y sayad sa lupa. Kapwa sila lumuluha at hinagkan ang isa't isa. Hindi na mapigil ni David ang sarili at siya'y humagulgol. 42 Pagkaraan ng ilang sandali, sinabi ni Jonatan, “Sige, lumakad ka na. Samahan ka nawa ng Diyos. Tulungan nawa tayo ni Yahweh na huwag masira ang ating pangako sa isa't isa, pati ang ating mga susunod na salinlahi magpakailanman.” At naghiwalay silang dalawa. Umalis na si David at umuwi naman sa lunsod si Jonatan.
Ang Lalaking Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)
31 Mula roon, si Jesus ay nagpunta sa Capernaum sa Galilea at nagturo sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga. 32 Namangha(B) sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang pananalita. 33 May isang lalaki noon sa sinagoga na sinasapian ng masamang espiritu. Sumigaw ito nang malakas, 34 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”
35 Subalit sinaway siya ni Jesus, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa taong iyan!” At nang mailugmok ang lalaki sa kanilang kalagitnaan, lumabas ang demonyo sa kanya nang hindi siya sinasaktan.
36 Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, “Ano ito? Makapangyarihan at mabisa ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at lumalayas naman sila!” 37 At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon.
by