Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 130

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
    dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
    lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
    pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.

Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
    pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
    sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.

Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
    matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
    lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
    ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.

1 Samuel 19:18-24

18 Tumakas nga si David at nagpunta kay Samuel sa Rama. Sinabi niya rito ang lahat ng ginawa sa kanya ni Saul. Sumama siyang umuwi kay Samuel sa Nayot at doon nanirahan. 19 May nagsabi kay Saul, “Si David ay nasa Nayot sa Rama.” 20 Muling nagsugo ito ng mga tauhan upang hulihin si David. Ngunit nang makita ng mga sugo ni Saul ang mga propetang nagsisigawan at nagsasayawan sa pangunguna ni Samuel, nilukuban din sila ng Espiritu[a] ng Diyos at sila'y nagsipagsigawan at nagsipagsayawan na tulad din ng mga propeta. 21 Nang mabalitaan ito ni Saul, nagsugo siya ng isa pang pangkat ngunit natulad rin ito sa una. Nang magsugo naman siya ng pangatlong pangkat, ganoon din ang nangyari. 22 Nang magkagayon, siya na mismo ang nagpunta sa Rama. Pagdating niya sa may malaking balon sa Secu, ipinagtanong niya kung saan makikita sina Samuel at David. Sinabi ng napagtanungan na sila'y nasa Nayot ng Rama. 23 Kaya't nagpunta siya sa Rama. Subalit habang siya'y naglalakbay papuntang Nayot, nilukuban siya ng Espiritu[b] ng Diyos. At siya'y nagsasayaw at nagsisigaw na tulad ng propeta hanggang sa makarating ng Nayot. 24 Pagdating doon, hinubad niya ang kanyang kasuotan, nagsisigaw at nagsasayaw sa harapan ni Samuel. Dahil dito, nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?”

2 Corinto 7:2-16

Ang Kagalakan ni Pablo

Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong puso. Kailanma'y hindi namin kayo ginawan ng masama, itinulak na gumawa ng masama, o nilamangan ang sinuman sa inyo. Sinasabi ko ito hindi upang hatulan kayo sapagkat gaya ng sinabi ko, mahal na mahal namin kayo at kami'y kasama ninyo sa buhay at kamatayan. Lubos ang aking pagtitiwala sa inyo; lagi ko kayong ipinagmamalaki! Sa kabila ng lahat naming tinitiis, ang nadarama ko'y kaaliwan; nag-uumapaw sa puso ko ang kagalakan.

Nang(A) kami'y nasa Macedonia, hindi rin kami nakapagpahinga. Sa lahat ng pagkakataon ay naranasan namin ang matinding hirap, panunuligsa mula sa labas at pangamba naman na nasa aming kalooban. Subalit ang Diyos na umaaliw sa naghihinagpis ay nagbigay-aliw sa amin sa pagdating ni Tito. Hindi lamang ang pagdating niya ang nakaaliw sa amin. Maging ang pag-aliw ninyo sa kanya ay nakaaliw din sa amin. Ibinalita niya ang inyong pananabik na ako'y makita, ang inyong kalungkutan at pagmamalasakit sa akin, kaya't lalo akong nagalak.

Hindi ko pinagsisisihan ang pagkasulat ko sa inyo kahit na nalungkot kayo dahil dito. Nalungkot nga ako nang malaman kong nasaktan kayo nang kaunting panahon dahil sa aking sulat. Ngayon ay nagagalak na ako sapagkat ang kalungkutang iyon ang ginamit ng Diyos para akayin kayo na pagsisihan at talikuran ang inyong pagkakasala, kaya't hindi kayo napinsala dahil sa amin. 10 Sapagkat ang kalungkutang buhat sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi at pagbabago tungo sa kaligtasan. Ngunit ang kalungkutang dulot ng mundo ay humahantong sa kamatayan. 11 Tingnan ninyo ang ibinunga ng kalungkutang buhat sa Diyos: naging masikap kayo at masigasig na linisin ang inyong pangalan; nagalit kayo sa mali; nagkaroon kayo ng banal na pagkatakot; nanabik kayo sa aking pagdating; nagkaroon ng malasakit at hangaring maparusahan ang nagkasala! Ipinakita ninyo sa lahat ng paraan na kayo'y walang sala sa mga bagay na iyon.

12 Kaya nga, ang pagsulat ko sa inyo ay hindi dahil sa taong nagkasala o sa taong ginawan ng kasalanan, kundi upang sa harapan ng Diyos ay makita ninyo na kayo'y nagmamalasakit sa amin. 13 Kaya't ang ginawa ninyo ay nagdulot sa amin ng malaking kaaliwan.

At nalubos ang aming kagalakan dahil pinasigla ninyo ang kalooban ni Tito. 14 Ipinagmalaki ko kayo sa kanya, at hindi naman ako napahiya. Sapagkat kung paanong lahat ng sinasabi ko sa inyo ay totoo, napatunayang totoo rin ang lahat ng sinabi ko kay Tito tungkol sa inyo. 15 At lalo kayong napapamahal sa kanya habang naaalala niya ang pagkamasunurin ninyong lahat at ang inyong pagtanggap sa kanya nang may takot at paggalang. 16 Labis akong nagagalak dahil kayo'y lubos kong mapagkakatiwalaan.