Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 99

Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari

99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
    mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
    kaya daigdig ay nayayanig.
Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
    si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
    si Yahweh ay banal!

Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
    ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
    ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
    sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
    Si Yahweh ay banal!

Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
    at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
    nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
    sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.

O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
    at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
    ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
    sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!

1 Samuel 2:11-17

11 Si Elkana at ang buo niyang sambahayan ay umuwi sa Rama. Ngunit iniwan nila si Samuel upang maglingkod kay Yahweh sa pangangasiwa ng paring si Eli.

Ang Kasalanan ng mga Anak ni Eli

12 Ang dalawang anak ni Eli ay parehong lapastangan at walang takot kay Yahweh. 13 Wala rin silang galang sa regulasyon ng pagkapari. Tuwing may maghahandog, pinapapunta nila ang kanilang mga katulong habang pinapakuluan pa lang ang karne. May dala silang malaking tinidor na may tatlong ngipin 14 at itinutusok sa loob ng malaking kaldero o palayok. Lahat ng matusok o sumama sa tinidor ay itinuturing na nilang para sa pari. Ginagawa nila ito tuwing maghahandog sa Shilo ang mga Israelita. 15 Hindi lamang iyon. Bago pa maihandog ang taba ng karne, nilalapitan na ng mga katulong ang mga naghahandog at sinasabi, “Hilaw na karne ang ibibigay ninyo sa pari. Hindi niya kukunin kapag luto na ang ibibigay ninyo. Hilaw ang gusto niya upang maiihaw niya ito.”

16 Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maialay ang taba bago sila kumuha hanggang gusto nila, ganito ang kanilang sinasabi: “Hindi maaari! Bigyan na ninyo kami. Kung hindi'y aagawin namin 'yan sa inyo.”

17 Malaking pagkakasala ang ginagawa nilang ito sapagkat ito'y paglapastangan sa handog para kay Yahweh.

Roma 9:19-29

Ang Poot at Habag ng Diyos

19 Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Tao(A) ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” 21 Wala(B) bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik?

22 Kaya,(C) kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. 23 Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. 24 Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil. 25 Ganito(D) ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas,

“Ang dating hindi ko bayan
    ay tatawaging ‘Bayan ko,’
at ang dating hindi ko mahal
    ay tatawaging ‘Mahal ko.’
26 At(E) sa lugar kung saan sinabing ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
    sila'y tatawaging mga anak ng Diyos na buháy.”

27 Ito(F) naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang ang matitira sa kanila na maliligtas. 28 Sapagkat mahigpit at mabilis na hahatulan ng Panginoon ang daigdig.” 29 Si(G) Isaias din ang nagsabi, “Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y naging katulad ng Sodoma at Gomorra.”