Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari
99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
kaya daigdig ay nayayanig.
2 Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
3 Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
si Yahweh ay banal!
4 Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
5 Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
Si Yahweh ay banal!
6 Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
7 Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.
8 O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
9 Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!
Si Eli at ang Kanyang mga Anak
22 Matanda na noon si Eli. Umabot na sa kanyang kaalaman ang kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Alam na rin niya ang pagsiping nila sa mga babaing naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan. 23 Kaya, pinangaralan niya ang mga ito, “Mga anak, nababalitaan ko ang kasamaang ginagawa ninyo sa mga tao. Bakit ninyo ginagawa iyon? 24 Tigilan na ninyo iyan. Napakapangit ng usap-usapang kumakalat tungkol sa inyo. 25 Kung ang isang tao'y magkasala sa kanyang kapwa, maaaring mamagitan sa kanila si Yahweh, ngunit sino ang mamamagitan kung kay Yahweh siya nagkasala?” Ngunit hindi siya pinakinggan ng kanyang mga anak sapagkat nais na silang parusahan ni Yahweh. 26 Si(A) Samuel nama'y patuloy na lumaking kalugud-lugod kay Yahweh at sa mga tao.
Ang Pahayag tungkol sa Pamilya ni Eli
27 Minsan, si Eli ay nilapitan ng isang propeta ng Diyos. Sinabi sa kanya, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Nangusap ako sa ninuno mong si Aaron nang sila'y alipin pa ng Faraon, ang hari ng Egipto. 28 Sa(B) mga lipi ni Israel ay siya ang pinili kong maging pari. Siya ang mangangasiwa sa altar, magsusunog ng insenso, magsusuot ng linong efod, at maglilingkod sa akin bilang kinatawan ng Israel. At lahat ng handog sa akin ng mga Israelita'y ibinibigay ko sa kanyang sambahayan. 29 Bakit ninyo pinagnanasaang maangkin ang mga alay at handog sa akin? Mas iginagalang mo pa yata ang iyong mga anak kaysa sa akin? Bakit mo sila pinababayaang magpasasa sa pinakapiling bahagi ng mga handog para sa akin? 30 Ipinangako ko noon na tanging ang sambahayan mo lamang ang makakalapit sa akin habang panahon. Ngunit hindi na ngayon. Pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit pababayaan ko ang nagtatakwil sa akin. 31 Darating ang araw na papatayin ko ang mga kabataan sa iyong sambahayan at sa iyong angkan. Paiikliin ko ang inyong buhay at maaga kayong mamamatay. 32 Maghihirap kayo at di ninyo matitikman ang kasaganaang ibibigay ko sa Israel. Paiikliin ko nga ang inyong buhay. 33 Hindi ko kayo aalising lahat sa paglilingkod sa altar, ngunit ang ititira ko'y daranas ng katakut-takot na paghihirap ng kalooban. Mamamatay sa tabak ang iyong buong pamilya. 34 Bilang(C) katunayan nito, sabay na mamamatay ang mga anak mong sina Hofni at Finehas. 35 Samantala, pipili ako ng isang paring magiging tapat sa akin at susunod sa aking kalooban. Bibigyan ko siya ng sambahayan na maglilingkod sa akin habang panahon sa harapan ng mga haring aking hihirangin. 36 Ngunit ang matitira sa iyong sambahayan ay mamamalimos sa kanya. Magmamakaawa siyang gawing katulong ng pari para lamang mabuhay.’”
Ang Pagpapagaling sa Bethzata
5 Pagkaraan nito'y dumating ang isang pista ng mga Judio, at pumunta si Jesus sa Jerusalem. 2 Sa lungsod na ito, malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking imbakan ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata.[a] 3 Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. [4 Sila'y naghihintay na gumalaw ang tubig, dahil may panahong ang isang anghel ng Panginoon ay bumababa at pinapagalaw ang tubig, at ang maunang lumusong sa tubig matapos na ito'y gumalaw ay gumagaling sa anumang karamdaman.][b]
5 May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. 6 Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?”
7 Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglulusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.”
8 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” 9 Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad.
Noo'y Araw ng Pamamahinga 10 kaya't(A) sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.”
11 Ngunit sumagot siya, “Ang nagpagaling po sa akin ang nagsabing buhatin ko ang aking higaan at lumakad ako.”
12 At siya'y tinanong nila, “Sino ang nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?” 13 Ngunit hindi alam ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat maraming tao sa lugar na iyon at nakaalis na si Jesus.
14 Pagkatapos nito, nakita ni Jesus sa loob ng Templo ang lalaki at sinabihan itong, “Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan at baka masahol pa riyan ang mangyari sa iyo.”
15 Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Dahil dito, si Jesus ay sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio, sapagkat ginawa niya ito sa Araw ng Pamamahinga.
17 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa kanyang gawain hanggang ngayon, at gayundin ako.” 18 Lalo(B) namang pinagsikapan ng mga Judio na ipapatay siya, sapagkat hindi lamang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang kanyang sarili sa Diyos.
by