Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Tagumpay ni David(A)
Upang awitin ng Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ni Yahweh: inawit niya ito nang siya'y iligtas ni Yahweh mula sa kanyang mga kaaway at kay Saul.
18 O Yahweh, ika'y aking minamahal,
ikaw ang aking kalakasan!
2 Si Yahweh ang aking batong tanggulan,
ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan,
tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
3 Kay Yahweh ako'y tumatawag,
sa aking mga kaaway ako'y inililigtas.
Karapat-dapat purihin si Yahweh!
4 Ginapos ako ng tali ng kamatayan;
tinabunan ako ng alon ng kapahamakan.
5 Nakapaligid sa akin ang panganib ng kamatayan,
nakaumang sa akin ang bitag ng libingan.
6 Kaya't si Yahweh ay aking tinawag;
sa aking paghihirap, humingi ng habag.
Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig,
pinakinggan niya ang aking paghibik.
43 Sa mapanghimagsik na bayan ako'y iniligtas mo,
sa maraming bansa'y ginawa mo akong pangulo.
Ang aking nasasakupan ngayo'y marami na,
kahit na nga sila ay hindi ko kilala.
44 Sa bawat utos ko, sila'y sumusunod,
maging mga dayuhan, sa aki'y yumuyukod.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
nanginginig papalabas sa kanilang muog.
46 Buháy si Yahweh, Diyos ko't Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat!
Ang kanyang kadakilaa'y ating ipahayag!
47 Pinagtatagumpay niya ako sa mga kaaway,
mga bansa'y ipinapailalim niya sa aking paanan;
48 at inililigtas niya ako sa aking mga kalaban.
Laban sa mararahas, ako'y pinagtatagumpay,
sa aking kaaway, ika'y aking kalasag at patnubay.
49 Sa(A) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
ang karangalan mo'y aking aawitin,
ang iyong pangalan, aking sasambahin.
50 Dakilang tagumpay ibinibigay ng Diyos sa kanyang hari;
tapat na pag-ibig ipinadarama niya sa kanyang pinili,
kay David at sa lahat ng kanyang salinlahi.
Si David sa Ilang
14 Si David ay nagtago sa ilang at maburol na lugar ng Zif. Araw-araw, hinahanap siya ni Saul, ngunit hindi itinulot ng Diyos na makita siya nito.
15 Nanatili ang pangamba ni David sapagkat alam niyang siya'y talagang gustong patayin ni Saul. Nang siya'y nasa Hores sa ilang ng Zif, 16 pinuntahan siya ni Jonatan at pinalakas ang kanyang loob sa pangalan ni Yahweh. 17 Sinabi nito, “David, huwag kang matakot at hindi ka mapapatay ng aking ama. Ikaw ay magiging hari ng Israel, magiging kanang kamay mo naman ako; alam na ito ng aking ama.” 18 At(A) ang kanilang pagiging magkaibigan ay muli nilang pinagtibay sa harapan ni Yahweh. Pagkatapos, umuwi na si Jonatan at naiwan naman sa Hores si David.
Si Tito at ang Kanyang mga Kasama
16 Salamat sa Diyos dahil inilagay niya sa puso ni Tito ang gayunding pagmamalasakit. 17 Hindi lamang niya pinaunlakan ang aming pakiusap, kundi sa kagustuhang makatulong sa inyo, nagprisinta pang siya ang pupunta riyan. 18 Pinasama namin sa kanya ang kapatid na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng Magandang Balita. 19 Hindi lamang iyan! Siya'y pinili ng mga iglesya upang maglakbay kasama namin at tulungan kami sa pangangasiwa sa gawaing ito. Ang ganitong pagkakawanggawa ay para sa ikaluluwalhati ng Panginoon at upang maipakita ang aming hangaring makatulong.
20 Nag-iingat kami upang walang masabi ang sinuman tungkol sa pangangasiwa namin sa masaganang kaloob na ito. 21 Ang(A) layunin namin ay gawin kung ano ang marangal, hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng mga tao.
22 Kaya isinusugo naming kasama nila ang isa pa nating kapatid na subok na namin sa maraming pagkakataon, at lalong masigasig sa pagtulong ngayon dahil sa malaking tiwala niya sa inyo. 23 Tungkol kay Tito, siya ang kasama ko at kamanggagawa sa pagtulong sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila'y mga kinatawan ng mga iglesya sa ikararangal ni Cristo. 24 Kaya't ipadama ninyo sa kanila ang matapat ninyong pag-ibig upang makita ng mga iglesya na hindi kami nagkamali sa pagmamalaki tungkol sa inyo.
by