Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kasamaan ng Tao(A)
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
14 “Wala(B) namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.
Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;
walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!
2 Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;
tinitingnan kung may taong marunong pa,
na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.
3 Silang lahat ay naligaw ng landas,
at naging masasama silang lahat;
walang gumagawa sa kanila ng tama,
wala ni isa man, wala nga, wala!
4 Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,
itong masasama, lahat na ba'y mangmang?
Itong aking baya'y pinagnanakawan
at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”
5 Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.
6 Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,
ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.
7 Ang aking hinihiling nawa ay dumating,
mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.
Labis na magagalak ang bayang Israel,
kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.
6 Nang malaman ng mga Ammonita na ito'y ikinagalit ni David, umupa sila ng 20,000 kawal mula sa Aram buhat sa Beth-rehob at Soba. Umupa rin sila ng 1,000 tauhan sa pangunguna ng hari ng Maaca, at 12,000 pang taga-Tob. 7 Nalaman ito ni David, kaya't pinalabas niya si Joab kasama ang lahat niyang mandirigma. 8 Dumating naman ang mga Ammonita at humanay sa pintuan ng lunsod. Samantala, sa labas ng kapatagan naman humanay ang mga kawal ng Aram, kasama ang mga tauhan nina Tob at Maaca.
9 Nang makita ni Joab ang mga kaaway sa kanilang harapan at likuran, itinapat niya sa mga kawal ng Aram ang pinakamahuhusay na kawal Israelita. 10 Ang iba niyang kawal ay ipinailalim niya sa pamumuno ni Abisai na kanyang kapatid, at iniharap naman sa mga Ammonita. 11 Sinabi ni Joab kay Abisai, “Kung hindi namin makakaya ang mga kawal ng Aram, tulungan ninyo kami. Kung hindi naman ninyo kaya ang mga Ammonita, kayo ang tutulungan namin. 12 Magpakatapang kayo! Lakasan ninyo ang loob sa paglaban alang-alang sa bayan at sa mga lunsod ng ating Diyos, at mangyari nawa ang kalooban ni Yahweh.”
12 Kaya(A) nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. 13 Magpasensiya(B) kayo sa isa't isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.[a] 14 At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi. 16 Ang(C) salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. 17 At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
by