Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 37:12-22

12 Ang taong masama'y laban sa matuwid,
    napopoot siyang ngipi'y nagngangalit.
13 Si Yahweh'y natatawa lang sa masama,
    pagkat araw nila lahat ay bilang na.

14 Taglay ng masama'y pana at patalim,
    upang ang mahirap dustai't patayin,
    at ang mabubuti naman ay lipulin.
15 Ngunit sa sariling tabak mamamatay,
    pawang mawawasak pana nilang taglay.

16 Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti,
    kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y balewala.
17 Lakas ng masama ay aalisin,
    ngunit ang matuwid ay kakalingain.

18 Iingatan ni Yahweh ang taong masunurin,
    ang lupang minana'y di na babawiin.
19 Kahit na sumapit ang paghihikahos,
    di daranasin ang pagdarahop.
20 Ngunit ang masama'y pawang mamamatay;
    kalaban ni Yahweh, tiyak mapaparam, tulad ng bulaklak at mga halaman;
    para silang usok na paiilanlang.

21 Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa,
    ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa.
22 Lahat ng mga taong pinagpala ni Yahweh, lupang masagana, kanilang bahagi;
    ngunit ang sinuman na kanyang sumpain, sa lupaing iyon ay palalayasin.

2 Samuel 11:22-27

22 Lumakad ang sugo at nag-ulat kay David ayon sa sinabi ni Joab. 23 Sinabi niya sa hari, “Lumabas po ang maraming mga kaaway at nilusob kami, ngunit napaurong namin sila hanggang sa may pasukan ng lunsod. 24 Noon po nila kami tinudla mula sa pader at ilan sa inyong mga pinuno ang napatay. Napatay rin po si Urias.”

25 Sumagot si David, “Kung gayon, sabihin mo kay Joab na huwag ikalungkot ang nangyari, sapagkat talagang ganyan ang labanan, may napapatay. Ipagpatuloy ninyo ang paglusob hanggang sa mawasak ang lunsod. Sabihin mong huwag masisira ang kanyang loob.”

26 Nang mabalitaan ni Batsheba na napatay si Urias, siya'y nagluksa. Pagkatapos ng pagluluksa, 27 ipinatawag siya ni David at naging asawa nito. Nagkaanak siya ng isang lalaki, ngunit hindi nalugod si Yahweh sa ginawang ito ni David.

Roma 15:22-33

Ang Balak ni Pablong Dumalaw sa Roma

22 Iyan(A) ang dahilan kung bakit hindi ako matuluy-tuloy sa pagpunta sa inyo. 23 Ngunit ngayong tapos na ang gawain ko sa lupaing ito, at dahil matagal ko na ring gustong pumunta riyan, 24 inaasahan kong magkikita-kita tayo pagdaan ko riyan papuntang Espanya. Inaasahan ko ring ako'y tutulungan ninyong makarating doon matapos nating magkasama-sama nang sandaling panahon. 25 Ngunit(B) sa ngayon ay pupunta muna ako sa Jerusalem upang dalhin ang tulong sa mga kapatid roon. 26 Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at taga-Acaya na magpadala ng tulong para sa mga mahihirap na kapatid sa Jerusalem. 27 Malugod(C) nilang ginawa iyon, at talaga namang dapat nilang gawin. Dahil ang mga Hentil ay nakabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, marapat lamang na bahaginan nila ang mga Judio sa pamamagitan ng mga pagpapalang materyal. 28 Kaya't pagkabigay ko ng nasabing tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, daraan ako riyan pagpunta ko sa Espanya. 29 Naniniwala akong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo.

30 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na pananalangin para sa akin. 31 Idalangin ninyong maligtas ako mula sa mga taga-Judea na ayaw sumampalataya, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko para sa kanila. 32 Sa gayon, kung loloobin ng Diyos,[a] masaya akong makakarating diyan at muling pasiglahin sa inyong piling. 33 Sumainyo nawa ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan. Amen.