Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 24

Ang Dakilang Hari

Awit ni David.

24 Ang(A) buong daigdig at ang lahat ng naroon,
    ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.
Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
    inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.
Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
    Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?
Ang(B) taong malinis ang buhay pati ang isipan,
    hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
    at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
    ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.
Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
    silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)[a]

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
    si Yahweh, matagumpay sa labanan.

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.

10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)[b]

Mga Bilang 10:11-36

Ang Unang Yugto ng Paglalakbay ng mga Israelita

11 Nang ika-20 araw ng ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto, ang ulap ay pumaitaas mula sa ibabaw ng tabernakulo. 12 Dahil dito, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang ang ulap ay tumigil sa ilang ng Paran. 13 Ito ang una nilang paglalakbay mula nang ibigay ni Yahweh kay Moises ang mga tuntunin ukol dito.

14 Nauuna ang pangkat sa ilalim ng watawat ni Juda ayon sa kani-kanilang lipi at sa pamumuno ni Naason na anak ni Aminadab. 15 Si Nathanael naman na anak ni Zuar ang pinuno ng lipi ni Isacar 16 at si Eliab na anak ni Helon ang nangunguna sa lipi ni Zebulun.

17 Kapag nakalas na at naihanda na sa pag-alis ang tabernakulo, susunod ang mga anak ni Gershon at ni Merari, na siyang nagpapasan ng binaklas na tabernakulo.

18 Kasunod ang pangkat nina Ruben ayon sa kanya-kanyang angkan, at pinangungunahan ni Elizur na anak ni Sedeur. 19 Ang lipi naman ni Simeon ay pinangungunahan ni Selumiel na anak ni Zurisadai 20 at ni Eliasaf na anak ni Deuel naman sa lipi ni Gad.

21 Kasunod ng pangkat nina Ruben ang mga Levita mula sa angkan ni Kohat, dala ang mga sagradong bagay. Pagdating nila sa susunod na pagkakampuhan, muli nilang itatayo ang tabernakulo.

22 Kasunod naman ang pangkat ni Efraim ayon sa kani-kanilang angkan sa ilalim ng pamumuno ni Elisama na anak ni Amiud. 23 Ang lipi ni Manases ay pinamumunuan ni Gamaliel na anak ni Pedazur, 24 at ang lipi ni Benjamin ay pinangungunahan naman ni Abidan na anak ni Gideoni.

25 Ang pangkat nina Dan ang kahuli-hulihan at siyang nagsisilbing tanod na nasa huling hanay. Sila'y pangkat-pangkat din ayon sa angkan at pinangungunahan ni Ahiezer na anak ni Amisadai. 26 Ang pinuno ng lipi ni Asher ay si Pagiel na anak ni Ocran 27 at ang pinuno naman ng lipi ni Neftali ay si Ahira na anak ni Enan. 28 Ganito nga ang ayos ng buong Israel tuwing sila'y magpapatuloy sa paglalakbay.

29 Kinausap ni Moises si Hobab na anak ni Ruel na Midianita, isang kamag-anak ng asawa ni Moises. Ang sabi niya, “Sumama ka sa amin patungo sa dakong ibinibigay sa amin ni Yahweh at bibigyan ka namin ng kasaganaang ipinangako niya sa amin.”

30 “Hindi na ako sasama sa inyo sapagkat nais kong bumalik sa aking mga kamag-anak,” sagot niya.

31 “Sumama ka na sa amin sapagkat kabisado mo ang pasikut-sikot sa ilang. Maituturo mo sa amin kung saan kami maaaring magkampo. 32 Pagdating natin doon, babahaginan ka namin ng anumang pagpapalang ibibigay sa amin ni Yahweh,” sabi ni Moises.

33 At mula sa Bundok ni Yahweh, naglakbay sila nang tatlong araw. Ang Kaban ng Tipan ay iniuna sa kanila nang tatlong araw para ihanap sila ng lugar na pagkakampuhan. 34 Kung araw, nilililiman sila ng ulap ni Yahweh habang naglalakbay.

35 Tuwing(A) ilalakad ang Kaban ng Tipan, ito ang sinasabi ni Moises:

“Magbangon ka, Yahweh, kaaway ay pangalatin.
Itaboy mo ang iyong mga kaaway
    at magtatakbuhan sa takot ang lahat ng napopoot sa iyo.”

36 At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kaban ng Tipan, ito naman ang sinasabi niya:

“Manumbalik ka, Yahweh, sa libu-libong angkan ng Israel.”[a]

Lucas 1:57-80

Isinilang si Juan na Tagapagbautismo

57 Dumating ang oras ng panganganak ni Elizabeth at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. 58 Nang mabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya'y labis na pinagpala ng Panginoon, nakigalak sila sa kanya.

59 Makalipas(A) ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama, 60 ngunit sinabi ni Elizabeth, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.”

61 “Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol.

63 Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, “Juan ang pangalan niya.” Namangha ang lahat. 64 Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at siya'y nagpuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon. 66 Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon.

Ang Awit ni Zacarias

67 Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos:

68 “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
    Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.
69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
    mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.
70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,
71     na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,
    mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,
    at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
73 Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
74     na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
    upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.
76 Ikaw,(B) anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,
77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,
    ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.
Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.
79     Tatanglawan(C) niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
    at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.”

80 Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na nakilala siya ng bansang Israel.