Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kasunduan ng Diyos kay David(A)
7 Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang palasyo. Sa tulong ni Yahweh, hindi na siya ginambala ng kanyang mga kaaway. 2 Tinawag niya si Natan at sinabi, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Diyos.”
3 Sumagot si Natan, “Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat si Yahweh ay sumasaiyo.” 4 Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, 5 “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mo, ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? 6 Mula nang ilabas ko sa Egipto ang Israel, wala pa akong bahay na masasabing akin. Hanggang ngayo'y tolda pa ang aking tahanan. 7 Kahit lagi akong kasama ng Israel, wala akong sinabing anuman sa sinumang pinuno tungkol sa tahanang sedar na dapat kong tirhan, gayong ako ang pumili sa kanila upang mamahala sa aking kawan.’ 8 Sabihin mo rin sa lingkod kong si David ang salitang ito ni Yahweh: ‘Kinuha kita mula sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. 9 Kasama mo ako saan ka man magtungo at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. 10 Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko papatirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon; wala nang taong mararahas na aalipin sa kanila tulad noong una, 11 buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong si Yahweh ay nagsasabi sa iyo, papatatagin ko ang iyong sambahayan. 12 Pagkamatay(B) mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at papatatagin ko ang kanyang kaharian. 13 Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. 14 Ako'y(C) kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Kung siya'y magkasala, paparusahan ko siya tulad ng pagpaparusa ng ama sa nagkakasalang anak.
20 Ang(A) piniling lingkod na ito'y si David,
aking binuhusan ng banal na langis.
21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
ang mga masama'y di magtatagumpay.
23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
silang namumuhi na mga kaaway.
24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
dagat na malawak at malaking ilog.
26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
tagapagsanggalang niya't manunubos.
27 Gagawin(B) ko siyang panganay at hari,
pinakamataas sa lahat ng hari!
28 Ang aking pangako sa kanya'y iiral
at mananatili sa aming kasunduan.
29 Laging maghahari ang isa niyang angkan,
sintatag ng langit yaong kaharian.
30 “Kung ang mga anak niya ay susuway,
at ang aking utos ay di igagalang,
31 kung ang aking aral ay di papakinggan
at ang kautusa'y hindi iingatan,
32 kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila,
sila'y hahampasin sa ginawang sala.
33 Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David,
ay di magbabago, hindi mapapatid.
34 Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain,
ni isang pangako'y di ko babawiin.
35 “Sa aking kabanalan, ipinangako ko,
kay David ay hindi magsisinungaling.
36 Lahi't trono niya'y hindi magwawakas,
hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat;
37 katulad ng buwan na hindi lilipas,
matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah)[a]
Pinag-isa kay Cristo
11 Kaya't alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo'y ipinanganak na mga Hentil, at “di-tuli” ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga “tuli” dahil sa ginagawa sa kanilang katawan. 12 Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos. 13 Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati'y malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga Hentil. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, giniba niya ang pader ng alitan na naghihiwalay sa atin. 15 Pinawalang-bisa(A) niya ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga alituntunin nito upang mula sa dalawang lahi ay makalikha siya ng isang bagong bayan na nakipag-isa sa kanya at sa gayon ay magkaroon ng kapayapaan. 16 Sa(B) pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. 17 Naparito(C) nga si Cristo at ipinangaral niya sa lahat ang Magandang Balita ng kapayapaan, sa inyong mga Hentil na noo'y malalayo, at sa mga Judio na malalapit. 18 Dahil kay Cristo, tayong lahat ay nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu.
19 Samakatuwid, hindi na kayo mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi mga kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. 20 Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta,[a] na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon. 22 Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Ang Pagpapakain sa Limanlibo(A)
30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Magpunta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga kayo nang kaunti.” 32 Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang liblib na lugar.
33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sina Jesus. 34 Pagbaba(B) ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay.
Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(A)
53 Tumawid sila sa ibayo at pagdating sa Genesaret ay dumaong sila sa pampang. 54 Pagbabang-pagbaba nila, nakilala agad siya ng mga tao. 55 Kaya't nagmadaling nagpuntahan ang mga tao sa mga karatig-pook. Saanman nila mabalitaang naroon si Jesus, dinadala nila ang mga maysakit na nakaratay sa higaan. 56 At saan man siya pumunta, sa nayon, sa lungsod, o sa kabukiran, agad na inilalapit sa kanya ang mga may karamdaman at ipinapakiusap sa kanya na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak dito ay gumagaling.
by