Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
9 Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan,
matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.
10 Nananalig sa iyo, Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan,
dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.
11 Kay Yahweh na hari ng Zion ay umawit tayo ng papuri,
sa lahat ng bansa ang ginawa niya'y ipagbunyi!
12 Inaalala ng Diyos ang mga nahihirapan,
mga karaingan nila'y di niya nakakalimutan.
13 O(A) Yahweh, ako sana'y iyong kahabagan,
masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway!
Iligtas mo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang sa harapan ng Lunsod ng Zion, aking isalaysay.
Dahil sa iyong pagliligtas, papuri ko'y ibibigay.
15 Nahulog ang mga bansa, sa patibong na gawa nila;
sa bitag para sa akin, ang nahuli ay sila!
16 Sa matuwid niyang hatol si Yahweh ay nagpakilala,
at ang masasama'y nahuhuli sa mga bitag na gawa nila. (Higgaion,[a] Selah[b])
17 Sa daigdig ng mga patay doon sila matatapos,
pati ang lahat ng bansang nagtakwil sa Diyos.
18 Hindi habang panahong pababayaan ang dukha;
hindi na rin mawawala, pag-asa ng maralita.
19 Huwag mong tulutan, Yahweh, na labanan ka ng mga tao!
Tipunin mong lahat ang mga bansa at sila'y hatulan mo.
20 Takutin mo, O Yahweh, ang lahat ng bayan,
at iyong ipabatid na sila'y tao lamang. (Selah)[c]
Iniharap si David kay Saul
55 Nakita ni Saul nang sinusugod ni David si Goliat. Itinanong niya sa pinuno ng kanyang hukbo, “Abner, kaninong anak ang batang iyon?”
“Hindi ko po alam, Kamahalan,” sagot ni Abner.
56 “Kung gayo'y ipagtanong mo kung sino ang kanyang ama,” utos ng hari.
57 Nang magbalik si David, sinalubong siya ni Abner at sinamahan sa hari, dala pa rin ang ulo ni Goliat. 58 At tinanong siya ni Saul, “Kanino kang anak, binata?”
Sumagot si David, “Anak po ako ni Jesse na taga-Bethlehem.”
Si David at si Jonatan
18 Matapos mag-usap sina Saul at David, ang kalooban ni Jonatan na anak ni Saul ay napalapit kay David. Napamahal si David kay Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa kanyang sarili. 2 Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David. 3 Dahil sa pagmamahal ni Jonatan kay David, isinumpa niya na sila'y magiging magkaibigan habang buhay. 4 Ibinigay niya kay David ang kanyang balabal at kagamitang pandigma, pati ang kanyang tabak, pana at sinturon. 5 Nagtatagumpay si David kahit saang labanan siya ipadala ni Saul, kaya siya'y ginawa nitong pinuno ng mga kawal. Ang pagkataas niya sa tungkulin ay ikinagalak ng buong Israel, mula sa pangkaraniwang mamamayan hanggang sa mga opisyal sa palasyo.
Ang Pagpunta ni Pablo sa Jerusalem
21 Pagkatapos naming magpaalam sa kanila, kami'y naglakbay papuntang Cos. Kinabukasan, dumating kami sa Rodas at mula roo'y nagpatuloy kami sa Patara. 2 Dinatnan namin doon ang isang barkong papuntang Fenicia, kaya't lumipat kami sa nasabing sasakyan. 3 Dumaan kami sa tapat ng Cyprus na natatanaw sa gawing kaliwa. Nagpatuloy kami papuntang Siria, ngunit huminto muna sa Tiro ang barko sapagkat magbababâ roon ng kargamento. 4 Hinanap namin ang mga alagad na naroon at nakituloy kami sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa patnubay ng Espiritu, sinabi nila kay Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. 5 Nang dumating ang araw ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Kami ay inihatid nilang lahat, kasama ang kanilang mga asawa't mga anak, hanggang sa labas ng lungsod. Pagdating sa tabing-dagat, lumuhod kaming lahat at nanalangin. 6 Pagkatapos naming magpaalam, sumakay na kami sa barko, at sila'y nagsiuwi na.
7 Mula sa Tiro, nagpatuloy kami ng paglalakbay at nakarating kami sa Tolemaida. Kinumusta namin ang mga kapatid at tumigil kami doon nang isang araw. 8 Kinabukasan,(A) tumuloy kami sa Cesarea sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong lalaking hinirang noong una sa Jerusalem. 9 Siya'y may apat na anak na dalaga na pawang mga propeta. 10 Makalipas(B) ang ilang araw, dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangala'y Agabo. 11 Pinuntahan niya kami, kinuha ang pamigkis ni Pablo at ginapos ang sariling paa at kamay. Sabi niya, “Ito ang sabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’”
12 Pagkarinig nito, kami naman at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot siya, “Ano ang ginagawa ninyo? Sa pag-iyak ninyong iyan ay dinudurog ninyo ang aking puso. Handa ako, hindi lamang magpagapos, kundi kahit mamatay doon sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.”
14 Tumigil na kami nang hindi namin siya mapigilan. Nasabi na lamang namin, “Masunod ang kalooban ng Panginoon.”
15 Makalipas ang ilang araw, gumayak kami at umalis papuntang Jerusalem. 16 Sumama sa amin ang ilan sa mga alagad na taga-Cesarea at dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus, kung saan kami makikituloy. Si Mnason ay matagal nang mananampalataya.
by