Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David.
138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
2 Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
3 Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
4 Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
5 ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
6 Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
7 Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
8 O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Dinala ang Kaban sa Templo ni Dagon
5 Mula sa Ebenezer, ang Kaban ng Diyos ay dinala ng mga Filisteo sa Asdod. 2 Ipinasok nila ito sa templo ng kanilang diyos na si Dagon at inilagay sa tabi nito. 3 Kinaumagahan, nakita ng mga taga-Asdod na nakasubsob ang rebulto ni Dagon sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Kaya, binuhat nila ito at ibinalik sa dating lugar. 4 Nang magbalik sila kinabukasan, nakita nilang nakasubsob na naman si Dagon sa harap ng Kaban ng Tipan. Ang ulo at mga kamay nito ay putul-putol at nagkalat sa may pintuan; walang natirang buo kundi ang katawan. (5 Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, ang mga pari ni Dagon at ang lahat ng sumasamba sa Asdod ay hindi tumutuntong kahit sa may pintuan ng templo nito.)
Pinarusahan ang mga Filisteo
6 Pinarusahan ni Yahweh ang mga mamamayan ng Asdod at kanilang karatig-bayan. Sila'y natadtad ng bukol bilang parusa ni Yahweh. 7 Dahil dito'y sinabi nila, “Kailangang alisin natin dito ang Kaban ng Diyos ng mga Israelita sapagkat pinaparusahan niya tayo at ang diyos nating si Dagon.” 8 Kaya ipinatawag nila ang mga pinuno ng mga Filisteo at pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin sa Kaban ng Diyos ng Israel.
Nagkaisa silang dalhin iyon sa Lunsod ng Gat, at ganoon nga ang kanilang ginawa. 9 Ngunit ang lunsod na iyon ay pinarusahan din ni Yahweh. Nagulo ang buong bayan sapagkat natadtad rin ng bukol ang mga tagaroon, bata man o matanda. 10 Dahil dito, dinala nila sa Ekron ang Kaban, ngunit tumutol ang mga tagaroon. Sinabi nila, “Dinala nila rito ang Kabang ito para tayo naman ang ipapatay sa Diyos ng Israel.” 11 Kaya, nakipagpulong sila sa mga Filisteo at kanilang sinabi, “Alisin ninyo rito ang Kaban ng Diyos ng Israel. Ibalik ninyo ito sa pinanggalingan bago tayo mamatay lahat.” Gulung-gulo ang lahat dahil sa takot sa parusa ng Diyos. 12 Ang mga natirang buháy ay natadtad ng bukol. Abot hanggang langit ang paghingi nila ng saklolo.
5 Alam(A) naming kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, kami'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao. 2 Dumaraing kami habang kami'y nasa toldang ito, at labis na nananabik sa aming tahanang makalangit, 3 upang kung mabihisan[a] na kami nito ay hindi kami matagpuang hubad. 4 Habang nakatira pa kami sa toldang ito, kami'y naghihinagpis at dumaraing, hindi dahil nais na naming iwaksi ang katawang panlupa, kundi dahil nais na naming mabihisan ng katawang panlangit. Sa gayon, ang buhay na may katapusan ay mapapalitan ng buhay na walang hanggan. 5 Ang Diyos mismo ang naghanda sa amin para sa ganitong pagbabago, at ibinigay niya sa amin ang Espiritu bilang katibayan na ito'y matutupad.
by