Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 138

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David.

138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
    sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
    pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
    ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
    sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
    pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
    at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
    hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
    kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
    ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
    ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
    ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
    at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.

1 Samuel 6:1-18

Ibinalik ang Kaban ng Tipan

Makalipas ang pitong buwan mula nang dalhin sa lupain ng mga Filisteo ang Kaban ni Yahweh, sumangguni ang mga ito sa kanilang mga pari at mga salamangkero. Itinanong nila kung ano ang dapat gawin sa Kaban ng Tipan at kung ano ang kailangang isama sa pagsasauli niyon.

Ang sagot ng mga pari at mga salamangkero, “Kung ibabalik ninyo ang Kaban ng Diyos ng Israel, samahan ninyo ng handog na pambayad sa kasalanan. Sa ganitong paraan, patatawarin kayo ng Diyos at hindi na paparusahan.”

Itinanong nila, “Anong handog na pambayad sa kasalanan ang kailangan?”

Sumagot sila, “Sampung pirasong ginto—limang hugis bukol at limang hugis daga—isa para sa bawat haring Filisteo, sapagkat pare-pareho ang bukol na ipinadala sa inyo, hari man o hindi. Ang mga bukol at dagang ginto ay gawin nga ninyong kamukha ng mga bukol at dagang nagpahirap sa inyo. Parangalan ninyo ang Diyos ng Israel at baka sakaling tigilan na niya ang pagpaparusa sa inyo, sa inyong mga diyos at sa buong bayan. Huwag na ninyong gayahin ang pagmamatigas ng Faraon at ng mga Egipcio. Hindi ba't pinayagan na rin nilang umalis ang mga Israelita nang sila'y pahirapan ng Diyos ng Israel? Kaya't maghanda kayo ng isang bagong kariton, at dalawang gatasang baka na may bisiro at hindi pa napagtatrabaho kahit kailan. Ikulong ninyo ang mga guya, at ipahila ang kariton sa dalawang baka. Isakay ninyo sa kariton ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at itabi ninyo rito ang kahon ng mga bukol at dagang ginto. Pagkatapos, palakarin ninyo ang mga baka nang walang umaakay. Tingnan ninyo kung saan pupunta. Kapag dumiretso sa Beth-semes, si Yahweh nga ang nagparusa sa inyo. Kapag hindi nagtuloy sa Beth-semes, hindi siya ang may kagagawan ng nangyari sa atin, kundi nagkataon lamang.”

10 Kumuha nga sila ng dalawang babaing baka na may guya, ipinahila sa mga ito ang kariton, at ikinulong ang mga guya nito. 11 Isinakay nila sa kariton ang Kaban ng Tipan at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto. 12 Lumakad ang mga baka tuluy-tuloy sa Beth-semes, umuunga pa ang mga ito habang daan. Ang mga ito'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa. Ang mga pinunong Filisteo naman ay sumunod hanggang sa hangganan ng Beth-semes.

13 Nag-aani noon ng trigo ang mga taga-Beth-semes at napasigaw sila sa tuwa nang makita ang Kaban. 14 Ang kariton ay itinigil sa tabi ng isang malaking bato sa bukid ni Josue na taga-Beth-semes. Nilansag ng mga tagaroon ang kariton at sinindihan. Pagkatapos, pinatay nila ang dalawang baka at inialay bilang handog kay Yahweh. 15 Kinuha ng mga Levita ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto. Ipinatong nila ito sa malaking batong naroon. Nang araw ring iyon, ang mga taga-Beth-semes ay naghandog kay Yahweh. 16 Nang makita ng limang haring Filisteo ang nangyari, nagbalik na ang mga ito sa Ekron.

17 Ito ang mga bayang pinag-ukulan ng mga gintong bukol na inihandog ng mga Filisteo kay Yahweh bilang handog na pambayad sa kasalanan: Asdod, Gaza, Ashkelon, Gat at Ekron. 18 Ang limang dagang ginto naman ay para rin sa limang bayang ito at sa mga lupaing sakop ng limang haring Filisteo. At hanggang ngayon, naroroon pa sa bukid ni Josue sa Beth-semes ang malaking batong pinagpatungan ng Kaban ng Tipan ni Yahweh bilang saksi sa lahat ng nangyari.

Lucas 8:4-15

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)

Nagdatingan ang mga tao mula sa iba't ibang bayan at sila'y lumapit kay Jesus. Isinalaysay ni Jesus ang talinghagang ito:

“Isang magsasaka ang pumunta sa bukid upang maghasik. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan, natapakan ng mga tao at tinuka ng mga ibon. May binhi namang nalaglag sa batuhan at tumubo, ngunit agad na natuyo dahil sa kakulangan sa tubig. May nalaglag naman sa may damuhang matinik, at nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo roon. Mayroon namang binhing nalaglag sa matabang lupa. Ito'y sumibol, lumago at namunga ng tig-iisandaan.”

At pagkatapos ay sinabi niya nang malakas, “Makinig ang may pandinig!”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)

Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. 10 Sumagot(C) si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na maunawaan ang mga hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba'y sa pamamagitan ng talinghaga. Nang sa gayon,

‘Tumingin man sila'y hindi sila makakakita;
    at makinig man sila'y hindi sila makakaunawa.’”

Ang Paliwanag tungkol sa Talinghaga(D)

11 “Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos. 12 Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas. 13 Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't pagdating ng pagsubok, sila'y tumitiwalag. 14 Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga. 15 Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga.”