Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagliligtas na Dulot ng Kautusan ni Yahweh
(Samek)
113 Ako'y galit sa sinumang sa iyo ay hindi tapat,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas.
114 Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang,
ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
115 Kaya kayong masasama, ako'y inyo nang lubayan,
pagkat ang utos ng Diyos, hindi ko tatalikuran.
116 Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay,
ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam.
117 Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos,
ang pansin ko'y itutuon sa bigay mong mga utos.
118 Ang lumabag sa utos mo ay lubos mong itatakwil,
ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin.
119 Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin,
kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin.
120 Dahil sa iyo, ang damdam ko'y para akong natatakot,
sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos.
Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh
(Ayin)
121 Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan,
sa kamay ng kaaway ko, huwag mo akong pabayaan.
122 Aming Diyos, mangako kang iingatan ang iyong lingkod,
at hindi mo babayaang guluhin ng mga hambog.
123 Malamlam na ang mata ko, sa tagal ng paghihintay,
sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan.
124 Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin,
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin.
125 Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong
abang lingkod,
upang aking maunawa ang aral mo't mga utos.
126 Panahon na, O Yahweh, upang ikaw ay kumilos,
nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos.
127 Mahal ko ang iyong utos nang higit pa kaysa ginto,
kaysa gintong dinalisay, utos mo'y isinapuso.
128 Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,
pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot.
Nainggit si Saul kay David
6 Matapos mapatay ni David si Goliat, nagbalik na si Haring Saul at ang kanyang mga tauhan. Sa bawat bayang madaanan nila, sinasalubong sila ng mga kababaihang umaawit at sumasayaw sa saliw ng mga tamburin at alpa. 7 Ganito(A) ang kanilang awit:
“Pumatay si Saul ng libu-libo,
si David nama'y sampu-sampung libo.”
8 Hindi nagustuhan ni Saul ang sinasabi sa awit. Labis niya itong ikinagalit at sinabi niya, “Kung sinasabi nilang sampu-sampung libo ang pinatay ni David at ako'y libu-libo lang, kulang na lamang na siya'y kilalanin nilang hari.” 9 At mula noon ay naging masama ang kanyang pagtingin kay David.
10 Kinabukasan, si Saul ay muling ginambala ng masamang espiritu at naging parang baliw. Kaya, tinugtog ni David ang kanyang alpa, tulad ng ginagawa niya araw-araw. Hawak noon ni Saul ang kanyang sibat at 11 dalawang beses niyang sinibat si David sapagkat gusto niya itong patayin, ngunit parehong nailagan iyon ni David.
12 Si Saul ay natakot kay David sapagkat si David na ang pinapatnubayan ni Yahweh at hindi na siya. 13 Kaya, para mapalayo ito sa kanya, ginawa niya itong pinuno ng sanlibong kawal. Pinangunahan ni David ang kanyang mga tauhan 14 at anuman ang kanyang gawin ay nagtatagumpay siya sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh. 15 Dahil dito, lalong natakot sa kanya si Saul. 16 Sa kabilang dako, si David ay lalong napamahal sa buong Israel at Juda dahil sa kanyang matagumpay na pamumuno.
Napangasawa ni David ang Anak ni Saul
17 Minsa'y sinabi ni Saul kay David, “Ipakakasal ko sa iyo ang anak kong si Merab kung maglilingkod ka sa akin nang tapat at buong giting mong ipagtatanggol ang bayan ng Diyos.” Ngunit ang talagang nais niya ay mapatay ng mga Filisteo si David upang mawala na ito sa kanyang landas.
18 Sumagot si David, “Sino ang aking mga magulang at sino ako upang maging manugang ng hari?” 19 Ngunit nang dumating ang araw na dapat tuparin ni Saul ang pangako niya kay David, ipinakasal niya si Merab kay Adriel na taga-Meholat.
20 Si Saul ay may isa pang anak na babae, si Mical. Umiibig siya kay David at natuwa si Saul nang malaman ito. 21 Sa loob-loob niya, “Si Mical ang gagamitin ko upang maipapatay ko si David sa mga Filisteo.” Kaya't muli niyang sinabi kay David, “Ngayo'y talagang magiging manugang na kita.” 22 Kinausap pa ni Saul ang kanyang mga tauhan sa palasyo upang hikayatin si David. Ipinasabi niya, “Gustung-gusto ka ng hari, pati ng kanyang mga tauhan, kaya pumayag ka nang maging manugang niya.”
23 Nang marinig ito ni David, sumagot siya, “Maaari ba akong maging manugang ng hari gayong ako'y mahirap lamang at walang maipagmamalaki?”
24 Sinabi nila kay Saul ang sagot ni David. 25 Ipinasabi naman uli ni Saul, “Sabihin ninyo na wala akong hihinging dote kundi sandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa kaaway.” Iniisip ni Saul na ito na ang pagkakataong mapatay ng mga Filisteo si David. 26 Nang marinig niya ito, natuwa siya sapagkat kung magawâ niya ito ay maaari na siyang maging manugang ng hari. At bago dumating ang takdang araw, 27 nilusob niya at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo at nakapatay sila ng dalawandaan. Ang mga balat na pinagtulian ng mga ito'y dinala niya sa hari. Dahil dito, ipinakasal sa kanya si Mical.
28 Lalong naniwala si Saul na si David ay pinapatnubayan ni Yahweh at nakita niya kung gaano ito kamahal ng anak niyang si Mical. 29 Kaya't lalong natakot si Saul kay David. Mula noon, itinuring na niya itong kaaway.
30 Si David ay nagtatagumpay tuwing makikipaglaban sa mga Filisteo. At sa lahat ng tauhan ni Saul, siya ang nagkamit ng pinakamaraming tagumpay. Kaya, lalo siyang napatanyag.
Ang Bagyo sa Dagat
13 Umihip nang marahan ang hangin buhat sa timog kaya't inakala nilang maaari na silang umalis. Isinampa nila ang angkla at sila'y namaybay sa Creta. 14 Ngunit di nagtagal, bumugso mula sa pulo ang isang malakas na hangin na tinatawag na Hanging Hilagang-silangan. 15 Hinampas nito ang barko, at dahil hindi kami makasalungat, nagpatangay na lamang kami sa hangin. 16 Nang makakubli kami sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, naisampa namin ang bangka ng barko, ngunit nahirapan kami bago nagawa iyon. 17 Nang maisampa na ito, tinalian nila ng malalaking lubid ang barko. Ngunit natakot silang sumadsad sa buhanginan ng Sirte, kaya't ibinabâ nila ang layag at kami'y nagpaanod na lamang. 18 Patuloy na lumakas ang bagyo; kaya't kinabukasa'y sinimulan nilang itapon sa dagat ang mga kargamento. 19 At nang sumunod na araw, itinapon din nila ang mga kagamitan ng barko. 20 Matagal naming di nakita ang araw at ang mga bituin, at hindi rin humuhupa ang napakalakas na bagyo, kaya't nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa.
21 Dahil matagal nang hindi kumakain ang mga nasa barko, tumayo si Pablo at nagsalita, “Mga kasama, kung nakinig lamang kayo sa akin at di tayo umalis sa Creta, hindi sana natin inabot ang ganitong pinsala. 22 Ito ngayon ang payo ko, lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang mamamatay isa man sa inyo! Kaya nga lamang, mawawasak ang barko. 23 Nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel ng Diyos, ang Diyos na nagmamay-ari sa akin at siya kong pinaglilingkuran. 24 Sinabi niya sa akin, ‘Huwag kang matakot, Pablo! Dapat kang humarap sa Emperador. Alang-alang sa iyo'y ililigtas ng Diyos ang lahat ng mga kasama mong naglalakbay.’ 25 Kaya, tibayan ninyo ang inyong loob, mga kasama! Nananalig ako sa Diyos na mangyayari ang lahat ayon sa sinabi niya sa akin. 26 Kaya lamang, mapapadpad tayo sa isang pulo.”
27 Ikalabing-apat na gabi na noon na kami'y napapadpad sa gitna ng Dagat Mediteraneo. Nang maghahatinggabi na, napuna ng mga mandaragat na nalalapit na kami sa pampang. 28 Gamit ang isang panaling may pabigat sa dulo, sinukat nila ang lalim ng tubig at nakitang may apatnapung metro ito. Pagsulong pa nila nang bahagya ay muli nilang sinukat, at nakitang may tatlumpung metro na lamang. 29 Sa takot na sumadsad kami sa batuhan, inihulog nila ang apat na angkla sa hulihan ng barko at ipinanalanging mag-umaga na sana. 30 Tinangka ng mga mandaragat na tumakas mula sa barko kaya't ibinabâ nila sa tubig ang bangka, at kunwari'y maghuhulog ng angkla sa unahan ng barko. 31 Ngunit sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kapag hindi nanatili sa barko ang mga taong iyan, hindi kayo makakaligtas.” 32 Kaya't nilagot ng mga kawal ang lubid ng bangka at hinayaan itong mahulog.
33 Nang mag-uumaga na, silang lahat ay hinimok ni Pablo upang kumain. “Labing-apat na araw na ngayong kayo'y hindi kumakain dahil sa pagkabalisa at paghihintay. 34 Kumain na kayo! Kailangan ninyo ito upang kayo'y makaligtas. Hindi mapapahamak ang sinuman sa inyo!” 35 At pagkasabi nito, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ang tinapay at kumain. 36 Lumakas ang loob ng lahat at sila'y kumain din. 37 Kaming lahat ay dalawang daan at pitumpu't anim[a] na katao. 38 Nang mabusog sila, itinapon nila sa dagat ang kargang trigo upang gumaan ang barko.
by