Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 9:9-20

Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan,
    matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.
10 Nananalig sa iyo, Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan,
    dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.

11 Kay Yahweh na hari ng Zion ay umawit tayo ng papuri,
    sa lahat ng bansa ang ginawa niya'y ipagbunyi!
12 Inaalala ng Diyos ang mga nahihirapan,
    mga karaingan nila'y di niya nakakalimutan.

13 O(A) Yahweh, ako sana'y iyong kahabagan,
    masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway!
Iligtas mo ako sa bingit ng kamatayan,
14     upang sa harapan ng Lunsod ng Zion, aking isalaysay.
Dahil sa iyong pagliligtas, papuri ko'y ibibigay.

15 Nahulog ang mga bansa, sa patibong na gawa nila;
    sa bitag para sa akin, ang nahuli ay sila!
16 Sa matuwid niyang hatol si Yahweh ay nagpakilala,
    at ang masasama'y nahuhuli sa mga bitag na gawa nila. (Higgaion,[a] Selah[b])

17 Sa daigdig ng mga patay doon sila matatapos,
    pati ang lahat ng bansang nagtakwil sa Diyos.
18 Hindi habang panahong pababayaan ang dukha;
    hindi na rin mawawala, pag-asa ng maralita.

19 Huwag mong tulutan, Yahweh, na labanan ka ng mga tao!
    Tipunin mong lahat ang mga bansa at sila'y hatulan mo.
20 Takutin mo, O Yahweh, ang lahat ng bayan,
    at iyong ipabatid na sila'y tao lamang. (Selah)[c]

1 Samuel 16:14-23

Naglingkod si David kay Saul

14 Samantala, ang Espiritu[a] ni Yahweh ay umalis na kay Saul at sa pahintulot ni Yahweh, isang masamang espiritu naman ang nagpahirap kay Saul. 15 Sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “Pinahihirapan kayo ng isang masamang espiritu galing sa Diyos. 16 Kung gusto po ninyo, ihahanap namin kayo ng isang taong mahusay tumugtog ng alpa. Kapag pinahihirapan kayo ng masamang espiritu, patugtugin ninyo siya upang maaliw kayo.”

17 Sinabi ni Saul, “Sige, ihanap ninyo ako.”

18 Isa sa mga lingkod na naroon ang nagsabi, “Si Jesse na isang taga-Bethlehem ay may isang anak na magaling tumugtog. Siya po ay matapang na mandirigma, mahusay magsalita at magandang lalaki. Nasa kanya si Yahweh.”

19 Kaya't nagpadala ng mga sugo si Saul kay Jesse at ipinasabi, “Papuntahin mo sa akin ang anak mong si David, ang pastol ng iyong mga tupa.” 20 Ganoon nga ang ginawa ni Jesse. Pinagdala pa niya si David ng isang sisidlang puno ng alak, isang batang kambing at isang asnong may kargang tinapay upang ibigay kay Saul. 21 Naglingkod si David kay Saul at nagustuhan naman niya ito, kaya ito'y ginawa niyang tagapagdala ng kanyang sandata. 22 Ipinasabi ni Saul kay Jesse, “Bayaan mong maglingkod sa akin si David sapagkat napamahal na siya sa akin.” 23 At tuwing dumarating kay Saul ang masamang espiritu mula sa Diyos, kinukuha ni David ang alpa at tinutugtugan niya ang hari. Si Saul naman ay naaaliw; umaalis sa kanya ang masamang espiritu at siya'y gumagaling.

Mga Gawa 20:1-16

Ang Pagpunta sa Macedonia at Grecia

20 Nang tumigil na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pinalakas ang kanilang loob. Pagkatapos, nagpaalam siya at nagpunta sa Macedonia. Dinalaw niya ang mga bayan-bayan doon at pinalakas ang loob ng mga alagad sa pamamagitan ng kanyang pangangaral. Nagpatuloy siya hanggang sa dumating siya sa Grecia at nanatili doon sa loob ng tatlong buwan. Aalis na sana siya papuntang Siria ngunit nabalitaan niyang may tangka ang mga Judio laban sa kanya, kaya't ipinasya niyang sa Macedonia na uli magdaan sa kanyang pagbabalik. Sumama sa kanya ang taga-Bereang si Sopater na anak ni Pirro, gayundin sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, si Gaius na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asia. Nauna sila at naghintay sa amin doon sa Troas. Kami naman ay sumakay sa barko mula sa Filipos pagkaraan ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at dumating kami sa Troas nang ikalimang araw. Nanatili kami roon nang pitong araw.

Huling Dalaw ni Pablo sa Troas

Nang unang araw ng sanlinggo, kami'y nagkatipon upang magpira-piraso ng tinapay. Si Pablo'y nangaral sa kanila hanggang hatinggabi, sapagkat aalis na siya kinabukasan. Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtitipunan namin. Nakaupo sa bintana ang isang binata na ang pangala'y Eutico. Dahil sa kahabaan ng pagsasalita ni Pablo, si Eutico ay inantok at nakatulog nang mahimbing. Nahulog siya mula sa ikatlong palapag na kanyang kinaroroonan, kaya't patay na siya nang buhatin. 10 Nanaog si Pablo at niyakap ang binata. Sinabi niya, “Huwag kayong mabahala, buháy siya!” 11 Muling pumanhik si Pablo, nagpira-piraso ng tinapay at kumain. Pagkatapos, nakipag-usap pa siya sa kanila nang matagal hanggang mag-uumaga, at saka umalis. 12 Ang binata naman ay buháy na iniuwi, at ito'y nagdulot sa kanila ng malaking kaaliwan.

Mula sa Troas Hanggang sa Mileto

13 Sumakay kami sa barkong papuntang Asos. Doon kami magkikita ni Pablo ayon sa bilin niya sa amin, sapagkat nais niyang sa lupa magdaan papunta roon at hindi sa dagat. 14 Nang magkita kami sa Asos, sumakay siya sa barkong sinasakyan namin at sama-sama kaming pumunta sa Mitilene. 15 Mula roon, patuloy kaming naglakbay at kinabukasa'y dumating kami sa tapat ng Quio. Nang sumunod na araw, dumaan kami sa Samos, at makaraan ang isa pang araw ay dumating kami sa Mileto. 16 Ipinasya ni Pablong lampasan ang Efeso upang huwag siyang maantala sa Asia,[a] sapagkat ibig niyang nasa Jerusalem na siya sa araw ng Pentecostes.