Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David.
35 Ang mga salungat at laban sa akin, O Yahweh, sila ay iyo ngang digmain!
2 Ang iyong kalasag at sandatang laan,
kunin mo at ako po ay iyong tulungan.
3 Dalhin mo ang iyong palakol at sibat,
at sila'y tugisin hanggang sa mautas.
Sabihin mong ikaw ang Tagapagligtas ng abang lingkod mo, O Diyos na marilag!
4 Silang nagnanasang ako ay patayin
ay iyong igupo at iyong hiyain;
at ang nagtatangkang lumaban sa akin,
hadlangan mo sila at iyong lituhin.
5 Gawing parang ipa na tangay ng hangin,
habang tinutugis ng sinugong anghel.
6 Hayaang magdilim, dumulas ang landas,
ang anghel ni Yahweh, sa kanila'y wawasak.
7 Ni walang dahilan, ang hangad sa akin
ako ay ihulog sa balong malalim, na ginawa nila upang ako'y dakpin.
8 Hindi nila alam sila'y mawawasak,
sila'y mahuhulog sa sariling bitag;
sa hinukay nilang balon, sila'y lalagpak.
9 Dahilan kay Yahweh, ako'y magagalak;
sa habag sa akin ako'y iniligtas.
10 Buhat sa puso ko'y aking ihahayag,
“Tunay ikaw, Yahweh, ay walang katulad!
Iniingatan mo laban sa malakas, ang mga mahihina't taong mahihirap,
at sa nang-aapi, sila'y ililigtas.”
Ipinatawag ni Balac si Balaam
22 Nagpatuloy ng paglalakbay ang mga Israelita at nagkampo sila sa kapatagan ng Moab, sa gawing silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico. 2 Ang lahat ng ginawa ng mga Israelita sa mga Amoreo ay hindi lingid kay Haring Balac na anak ni Zippor. Ngunit hindi siya makakilos laban sa mga Israelita sapagkat napakarami ng mga ito. 3 Natakot sa mga Israelita ang mga Moabita sapagkat lubhang napakarami ng mga Israelita. 4 Kaya sinabi nila sa pinuno ng Midian, “Uubusin ng mga taong ito ang mga bayan sa paligid natin, tulad ng pag-ubos ng baka sa sariwang damo.” 5 At nagsugo si Haring Balac kay Balaam na anak ni Beor, sa bayan ng Petor, sa may Ilog Eufrates sa lupain ng mga Amaw. Ganito ang kanyang ipinasabi: “May isang sambayanang dumating buhat sa Egipto. Nasakop na nila ang mga bansa sa paligid namin. Malapit na sila ngayon sa aking lupain. 6 Napakarami nila. Magpunta ka agad dito at sumpain mo sila. Siguro malulupig ko sila pagkatapos mong sumpain sapagkat alam kong pinagpapala ang binabasbasan mo at minamalas naman ang mga isinusumpa mo.”
7 Nagpunta ang mga pinuno ng Moab at ng Midian kay Balaam na dala ang pambayad para sumpain nito ang Israel. Sinabi nila ang ipinapasabi ni Balac. 8 Ito ang tugon ni Balaam: “Dito na kayo matulog ngayong gabi para masabi ko agad sa inyo ang anumang sasabihin sa akin ni Yahweh.” At doon nga sila natulog.
9 Itinanong ng Diyos kay Balaam, “Sino ba 'yang mga taong kasama mo?”
10 Sumagot si Balaam, “Mga sugo po ni Haring Balac ng Moab na anak ni Zippor. 11 Gusto niyang sumpain ko ang sambayanang galing sa Egipto sapagkat nasakop na ng mga ito ang halos lahat ng lupain sa paligid. Baka raw po sa ganoong paraan niya maitaboy sa malayo ang mga iyon.”
12 Sinabi ng Diyos kay Balaam, “Hindi ka dapat sumama sa mga taong iyan. Huwag mong sumpain ang mga taong tinutukoy nila sapagkat pinagpala ko ang mga iyon.”
13 Kinaumagahan, sinabi ni Balaam sa mga panauhin niya, “Umuwi na kayo. Ayaw akong pasamahin ni Yahweh sa inyo.” 14 Umuwi nga ang mga pinuno at sinabi kay Haring Balac na ayaw sumama sa kanila ni Balaam.
15 Kaya't nagsugong muli si Balac ng mas marami at kagalang-galang na mga pinuno kay Balaam. 16 Pagdating doon, sinabi nila, “Ipinapasabi ni Balac na huwag kang mag-atubili sa pagpunta sa kanya. 17 Pagdating mo raw doon, pararangalan ka niyang mabuti at ibibigay sa iyo ang anumang magustuhan mo, sumpain mo lamang ang mga Israelita.”
18 Ang sagot ni Balaam, “Ibigay man sa akin ni Balac ang lahat ng ginto't pilak sa kanyang palasyo, kahit kaunti'y hindi ko maaaring suwayin ang utos sa akin ni Yahweh na aking Diyos. 19 Gayunman, dito na kayo magpalipas ng gabi para malaman natin kung ano pa ang sasabihin sa akin ni Yahweh.”
20 Kinagabihan, lumapit ang Diyos kay Balaam at sinabi sa kanya, “Sumama ka sa kanila ngunit ang ipinapasabi ko lamang sa iyo ang sasabihin mo.”
Ang Anghel at ang Asno ni Balaam
21 Kinabukasan ng umaga, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ni Balac,
Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago
17 Pagdating sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, kami nina Pablo'y nakipagkita kay Santiago; naroon din ang mga matatandang pinuno ng iglesya. 19 Binati ni Pablo ang mga naroon at isa-isa niyang isinalaysay ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod.
20 Nang marinig nila ito, sila'y nagpuri sa Diyos at kanilang sinabi kay Pablo, “Alam mo, kapatid, may ilang libo na ang mga Judiong nananalig kay Jesus, at silang lahat ay masigasig sa pagtupad ng Kautusan. 21 May nakapagbalita sa kanila na itinuturo mo raw sa lahat ng Judiong naninirahan sa mga bansang Hentil na tumalikod sa katuruan ni Moises. At sinasabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sundin ang kaugalian ng mga Judio. 22 Ano ngayon ang nararapat nating gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23 Ito(A) ang gawin mo. Mayroon ditong apat na lalaking may panata, 24 isama mo sila at tuparin ninyo ang paglilinis ayon sa Kautusan. Ikaw na ang bahala sa magagastos, at nang sa gayon ay mapaahitan na nila ang kanilang ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na hindi totoo ang balita tungkol sa iyo, kundi sumusunod ka pa rin sa Kautusan ni Moises. 25 Tungkol(B) naman sa mga mananampalatayang Hentil, nagpadala na kami ng liham sa kanila kung saan sinabi namin ang aming pasya. Sinabi naming huwag silang kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag kakain ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag makikiapid.”
26 Kinabukasan, isinama nga ni Pablo ang mga lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, siya'y pumasok sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang takdang panahon ng paglilinis upang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.