Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Diyos ay Magpapadala ng Propeta
15 “Mula(A) sa inyo, si Yahweh na inyong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang[a] katulad ko. Dapat kayong makinig sa kanya.[b] 16 Ito ang kasagutan sa hiling ninyo kay Yahweh nang kayo'y nagkakatipon sa Sinai.[c] Ang sabi ninyo, ‘Huwag mo nang iparinig pang muli sa amin ang tinig ni Yahweh ni ipakita ang kakila-kilabot na apoy na ito sapagkat tiyak na mamamatay kami.’ 17 Sinabi naman niya sa akin, ‘Tama ang sabi nila, 18 kaya mula sa kanila, pipili ako para sa kanila ng isang propetang[d] katulad mo. Sasabihin ko sa kanya[e] ang aking kalooban, at siya[f] ang magsasabi nito sa mga tao. 19 Sinumang(B) hindi makinig sa kanya na nagsasalita para sa akin ay mananagot sa akin. 20 Ngunit ang sinumang propetang magsalita para sa ibang diyos o kaya'y magkunwaring nagsasalita para sa akin subalit hindi ko naman inatasan, ang propetang tulad niyon ay dapat patayin.’
Awit ng Pagpupuri sa Kadakilaan ni Yahweh
111 Purihin si Yahweh!
Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan kasama ng mga lingkod na hinirang.
2 Ang mga gawa ni Yahweh, tunay napakadakila,
mga nalulugod sa kanya, lagi itong inaalala;
3 lahat niyang gawa'y dakila at wagas,
katuwiran niya'y hindi magwawakas.
4 Hindi maaalis sa ating gunita,
si Yahweh ay mabuti't mahabaging lubha.
5 Ang sa kanya'y gumagalang pagkain ay sagana;
pangako ni Yahweh ay di nasisira.
6 Ipinadama niya sa mga hinirang, ang kapangyarihan niyang tinataglay,
nang ibigay niya lupa ng dayuhan.
7 Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
at maaasahan lahat niyang batas.
8 Ito ay lalagi at di magwawakas,
pagkat ang saliga'y totoo't matapat.
9 Kaligtasa'y dulot sa mga hinirang,
may ipinangakong walang hanggang tipan;
Banal at dakila ang kanyang pangalan!
10 Ang(A) pagsunod at paggalang kay Yahweh'y simula ng karunungan.
Taong masunurin, pupurihing lubos.
Purihin ang Diyos magpakailanman!
Tungkol sa Pagkaing Inihandog sa Diyus-diyosan
8 Ngayon, ipaliliwanag ko naman sa inyo ang tungkol sa mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. Alam nating “may kaalaman tayong lahat,” gaya ng sabi ng iba. Ang kaalamang ito ay nagtutulak sa tao na maging mapagmataas, subalit ang pag-ibig ay nakakapagpatatag. 2 Ang nag-aakalang may nalalaman siya ay hindi pa nakakaalam ng dapat niyang malaman. 3 Ngunit ang umiibig sa Diyos ay kilala ng Diyos.
4 Kaya nga, tungkol sa pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, alam nating ang mga diyus-diyosan ay larawan ng mga bagay na di-totoo, at alam nating iisa lamang ang Diyos. 5 Kahit na may tinatawag na “mga diyos” sa langit at sa lupa, at ang mga tinatawag na “mga diyos” at “mga panginoon” ay marami, 6 subalit para sa atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo'y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Jesu-Cristo, at sa pamamagitan niya'y nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya'y nabubuhay tayo.
7 Subalit hindi lahat ay nakakaalam nito. May mga taong nasanay na sa pagsamba sa mga diyus-diyosan noong una, kaya't hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng ganoong pagkain, inaakala pa rin nila na iyon ay handog sa diyus-diyosan. Dahil mahina ang kanilang budhi, ang akala nila'y nagkakasala sila kapag kumain sila niyon. 8 Ang pagkain ay walang kinalaman sa katayuan natin sa harap ng Diyos. Walang mawawala sa atin kung hindi tayo kumain ng ganoong pagkain, at wala ring kabutihang maidudulot sa atin kung kumain man tayo niyan.
9 Ngunit mag-ingat kayo, baka ang paggamit ninyo ng kalayaang kumain ng anumang pagkain ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina sa kanyang paniniwala. 10 Kung ikaw na may sapat na kaalaman ay kumakain sa loob ng templo ng mga diyus-diyosan, at makita ka ng kapatid na mahina ang budhi, hindi kaya siya mabuyong kumain niyon kahit inihandog sa diyus-diyosan? 11 Dahil sa inaakala mong “kaalaman” ay napapahamak ang iyong mahinang kapatid na tinubos din ng kamatayan ni Cristo. 12 Sa ganoong paraan, nagkakasala kayo sa inyong mga kapatid kaya't nagkakasala kayo kay Cristo dahil sinugatan ninyo ang kanilang budhi. 13 Kaya nga, kung dahil sa pagkain ay itinutulak ko sa pagkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain ng karne upang hindi siya magkasala.
Pinagaling ang Sinasapian ng Masamang Espiritu(A)
21 Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. 22 Namangha(B) ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
23 Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, 24 “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita! Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”
25 Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!”
26 Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. 27 Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya.”
28 Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.