Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Diyos ay Sumasaatin
Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot[a]
46 Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
at handang saklolo kung may kaguluhan.
2 Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
kahit na sa dagat ang bundok matangay;
3 kahit na magngalit yaong karagatan,
at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)[b]
4 May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
5 Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
mula sa umaga ay kanyang alaga.
6 Nangingilabot din bansa't kaharian,
sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.
7 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)[c]
8 Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
9 Maging pagbabaka ay napatitigil,
sibat at palaso'y madaling sirain;
baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
kataas-taasan sa lahat ng bansa,
sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)[d]
Papuri sa Karunungan
8 Hindi(A) mo ba naririnig ang tawag ng karunungan,
at ang tinig ng unawa'y hindi pa ba napakinggan?
2 Nasa dako siyang mataas,
sa tagpuan ng mga landas;
3 nasa mga pintuan siya, sa may harap nitong bayan,
nakatindig sa pagpasok at ito ang kanyang sigaw:
4 “Kayo'y tinatawagan ko, tao ng sandaigdigan,
para nga sa lahat itong aking panawagan.
5 Kayong walang nalalaman ay mag-aral na maingat,
at kayong mga mangmang, pang-unawa ay ibukas.
6 Salita ko ay pakinggan pagkat ito'y mahalaga,
bumubukal sa labi ko ay salitang magaganda.
7 Pawang katotohanan itong aking bibigkasin,
at ako ay nasusuklam sa lahat ng sinungaling.
8 Itong sasabihin ko ay pawang matuwid,
lahat ay totoo, wala akong pinilipit.
9 Ito ay maliwanag sa kanya na may unawa,
at sa marurunong ito ay pawang tama.
10 Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak,
at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas.
11 “Pagkat(B) akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas,
anumang kayamanan ay hindi maitutumbas.
12 Ako ay nagbibigay ng talas ng kaisipan,
itinuturo ko ang landas ng hinaho't karunungan.
13 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay naglalayo sa kasamaan.
Ako ay namumuhi sa lahat ng kalikuan,
sa salitang baluktot, at sa diwang kayabangan.
14 Mayroon akong lakas at taglay na kakayahan,
ganoon din naman, unawa't kapangyarihan.
15 Dahil sa akin, ang hari'y nakapamamahala,
nagagawa ng mga pinuno ang utos na siyang tama.
16 Talino ng punong-bayan ay sa akin nagmumula,
at ako rin ang dahilan, dangal nila't pagdakila.
17 Mahal ko silang lahat na sa aki'y nagmamahal,
kapag hinanap ako nang masikap, tiyak na masusumpungan.
18 Ang yaman at karangalan ay aking tinataglay,
kayamanang walang maliw, kasaganaan sa buhay.
19 Ang bunga ko ay higit pa sa gintong dinalisay,
mataas pa kaysa pilak ang halagang tinataglay.
20 Ang landas kong dinaraanan, ay daan ng katuwiran,
ang aking tinatahak, ay landas ng katarungan.
21 Ang sa aki'y nagmamahal binibigyan ko ng yaman,
aking pinupuno ang kanilang mga sisidlan.
Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawang Apostol(A)
13 Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa bundok at tinawag ang mga taong pinili niya, at lumapit sila sa kanya. 14 Pumili siya ng labindalawa [na tinawag niyang mga apostol].[a] Hinirang niya ang mga ito upang makasama niya at isugo upang mangaral. 15 Sila ay binigyan din niya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 [Ito ang labindalawang hinirang niya:][b] si Simon, na pinangalanan niyang Pedro; 17 ang magkapatid na sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo (sila'y tinawag niyang Boanerges, na ang kahulugan ay “mga anak ng kulog”); 18 sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Makabayan, 19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.