Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 139:1-6

Lubos ang Kaalaman at Paglingap ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

139 Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
    ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
    kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
    ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y
    alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
    ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,
    di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.

Mga Awit 139:13-18

13 Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha,
    sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
14 Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
    ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
    sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15 Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
    sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
16     Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
    pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
    matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
17 Tunay,(A) Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip,
    ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
18 kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,
    sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.

Mga Hukom 2:16-23

16 Dahil dito, ang Israel ay binigyan ni Yahweh ng mga hukom na siyang magliligtas sa kanila sa kamay ng mga mananakop. 17 Ngunit hindi rin nila sinunod ang mga hukom na ito. Tinalikuran ng mga Israelita si Yahweh. Ang katapatan ng kanilang mga ninuno kay Yahweh ay hindi nila pinamarisan. 18 Lahat naman ng hukom na isinugo ni Yahweh ay pinatnubayan niya at iniligtas niya ang Israel sa mga kaaway habang nabubuhay ang hukom. Kinaawaan sila ni Yahweh dahil sa kanilang mga daing bunga ng hirap na dinaranas nila. 19 Ngunit pagkamatay ng hukom, muli na namang sumasamba sa mga diyus-diyosan ang mga Israelita. Higit pa sa kasamaan ng kanilang mga ninuno ang kanilang ginagawa; hindi nila maiwan ang kanilang masasamang gawain at katigasan ng ulo. 20 Kaya, lalong nagalit si Yahweh sa kanila. Sinabi niya, “Sumira ang mga Israelita sa kasunduang ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Dahil sa pagsuway nila sa akin, 21 hindi ko na palalayasin ang natitira pang Cananeo sa lupaing iniwan sa kanila ni Josue nang siya'y namatay. 22 Sa pamamagitan ng mga bansang ito, masusubok ko kung ang Israel ay susunod sa aking mga utos, tulad ng kanilang mga ninuno.” 23 Kaya, hindi agad pinaalis ni Yahweh ang mga tao sa mga lupaing hindi nasakop ng mga Israelita noong buháy pa si Josue.

Mga Gawa 13:16-25

16 Kaya't tumayo si Pablo at sinenyasan silang tumahimik,

“Mga Israelita, at kayong lahat na may takot sa Diyos, makinig kayo! 17 Ang(A) Diyos ng ating bansang Israel ang pumili sa ating mga ninuno. Sila'y ginawa niyang isang malaking bansa habang naninirahan pa sila sa lupain ng Egipto, at sila'y inilabas niya doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan. 18 Sa(B) loob ng apatnapung taon, sila ay pinagtiisan[a] niya sa ilang. 19 Nilipol(C) niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan at ibinigay sa mga Israelita ang lupain bilang pamana. 20 Naganap ang lahat ng ito sa(D) loob ng halos apatnaraan at limampung taon.

“Pagkatapos, sila'y binigyan niya ng mga hukom, hanggang sa panahon ng propetang si Samuel. 21 Nang(E) humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Diyos si Saul na anak ni Cis, isang lalaking mula sa lipi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng apatnapung taon. 22 At(F) nang siya'y alisin ng Diyos, si David naman ang pinili ng Diyos upang maghari sa kanila. Sinabi ng Diyos tungkol sa kanya, ‘Si David, na anak ni Jesse, ay isang lalaking aking kinalulugdan, na handang sumunod sa lahat ng nais ko.’

23 “Sa angkan ng lalaking ito nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Diyos sa Israel. 24 Bago(G) siya dumating, nangaral si Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisihan at talikuran ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo. 25 Nang(H) matatapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Cristo. Ngunit siya'y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.’

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.