Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Panalangin ni David.
86 Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,
tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;
ako'y mahina na't wala nang tumingin.
2 Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan,
lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman.
3 Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,
sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
4 Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak,
pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag.
5 Mapagpatawad ka at napakabuti;
sa dumadalangin at sa nagsisisi,
ang iyong pag-ibig ay mananatili.
6 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,
tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin.
7 Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag,
iyong tinutugon ang aking pagtawag.
8 Sa sinumang diyos wala kang kawangis,
sa iyong gawai'y walang makaparis.
9 Ang(A) lahat ng bansa na iyong nilalang,
lalapit sa iyo't magbibigay galang;
sila'y magpupuri sa iyong pangalan.
10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila
na anumang gawin ay kahanga-hanga!
11 Ang kalooban mo'y ituro sa akin,
at tapat ang puso ko na ito'y susundin;
turuang maglingkod nang buong taimtim.
12 O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman
at ihahayag ko, iyong kadakilaan.
13 O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas, dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas;
di hinayaang masadlak sa daigdig ng mga patay.
14 Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin,
taong mararahas, na ang adhikain
ay labanan ako't ang buhay ay kitlin.
15 Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait,
wagas ang pag-ibig, di madaling magalit,
lubhang mahabagi't banayad magalit.
16 Pansinin mo ako, iyong kahabagan,
iligtas mo ako't bigyang kalakasan,
pagkat ako'y lingkod mo rin tulad ng aking nanay.
17 Pagtulong sa aki'y iyong patunayan;
upang mapahiya ang aking kaaway,
kung makita nilang mayroong katibayan na ako'y inaliw mo at tinulungan!
Itinakwil si Saul Bilang Hari
10 Sinabi ni Yahweh kay Samuel, 11 “Nanghihinayang ako sa pagkapili ko kay Saul bilang hari sapagkat tinalikuran niya ako at sinuway ang aking mga utos.” Nagalit si Samuel, at magdamag siyang nanalangin kay Yahweh. 12 Kinabukasan, maaga siyang bumangon upang makipagkita kay Saul. Ngunit may nagsabi sa kanya na nagpunta ito sa Carmelo upang magpatayo ng sariling monumento, at pagkatapos ay nagtuloy sa Gilgal. 13 Sumunod siya roon at nang makita siya ni Saul ay binati siya, “Pagpalain ka ni Yahweh. Sinunod kong lahat ang utos niya.”
14 Itinanong ni Samuel, “Ano itong naririnig kong iyakan ng mga tupa at unga ng mga baka?”
15 Sumagot si Saul, “Kinuha iyan ng mga tauhan ko sa Amalek. Kinuha nila ang pinakamainam na tupa at baka upang ihandog kay Yahweh. Ang mga walang halaga ay pinatay namin.”
16 Sinabi ni Samuel, “Tumigil ka! Pakinggan mo ang sinabi sa akin ni Yahweh kagabi.”
“Ano iyon?” tanong ni Saul.
17 Sinabi ni Samuel, “Noong una, napakaliit pa ng tingin mo sa iyong sarili. Ngayon, ikaw ang namumuno sa Israel sapagkat pinili ka ni Yahweh at binuhusan ng langis upang maging hari. 18 Inutusan ka niyang lusubin ang masamang bayan ng Amalek at mahigpit na ipinagbiling puksain ang mga ito. 19 Bakit mo sinuway ang utos ni Yahweh? Bakit mo pinag-imbutan ang mga ito? Hindi mo ba alam na ang ginawa mo'y malaking kasalanan kay Yahweh?”
20 Sumagot si Saul, “Sinunod ko si Yahweh. Pumunta ako sa pinapuntahan niya sa akin. Binihag ko si Agag na hari ng Amalek at nilipol ang mga Amalekita. 21 Ngunit pinili ng mga tao ang pinakamaiinam sa mga tupa at baka at hindi namin pinatay kasama ng iba, sa halip ay iniuwi namin sa Gilgal upang ihandog kay Yahweh.”
22 Sinabi ni Samuel, “Akala mo ba'y higit na magugustuhan ni Yahweh ang handog at hain kaysa ang pagsunod sa kanya? Mas mabuti ang pagsunod kay Yahweh kaysa paghahandog, at ang pakikinig ay higit sa haing taba ng tupa. 23 Ang pagsuway sa kanya ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo'y tulad ng pagsamba sa diyus-diyosan. Sapagkat itinakwil mo ang salita ni Yahweh, itinakwil ka rin niya bilang hari.”
24 Sinabi ni Saul kay Samuel, “Nagkasala ako! Sinuway ko nga ang utos ni Yahweh at ang bilin mo sa akin. Nagawa ko ito sapagkat natakot ako sa aking mga tauhan, kaya't pinagbigyan ko ang kanilang kagustuhan. 25 Ngayon ay nakikiusap ako sa iyo na patawarin mo na ang aking kasalanan at samahan mo ako sa pag-uwi upang ako'y makasamba kay Yahweh.”
26 Sinabi ni Samuel, “Hindi kita masasamahan sapagkat sinuway mo ang utos ni Yahweh. Itinakwil ka na niya bilang hari ng Israel.”
27 Tumalikod(A) si Samuel upang umalis, ngunit hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit nito at napunit ang kapiraso nito. 28 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Sa araw na ito, tinanggal na sa iyo ni Yahweh ang pagiging hari ng Israel, at ibinigay na ito sa isang taong mas mabuti kaysa iyo. 29 Ang maluwalhating Diyos ng Israel ay hindi nagsisinungaling at hindi nagbabago ng pag-iisip. Hindi siya tulad ng tao na nagbabago ng pag-iisip.”
30 Sumagot si Saul, “Nagkasala nga ako ngunit sa pagkakataong ito'y ipinapakiusap sa iyo, bigyan mo ako kahit kaunting karangalan sa harapan ng matatandang pinuno at ng buong bayang Israel. Samahan mo na akong bumalik upang sumamba kay Yahweh na iyong Diyos.” 31 Sumama si Samuel at si Saul nama'y sumamba kay Yahweh.
Si Ananias at si Safira
5 Subalit mayroong mag-asawa na nagbenta ng kanilang ari-arian; Ananias ang pangalan ng lalaki at Safira naman ang babae. 2 Hindi ibinigay ni Ananias sa mga apostol ang buong pinagbilhan na sinang-ayunan naman ng kanyang asawa. Isang bahagi lamang ang kanyang ipinagkatiwala sa mga apostol. 3 Kaya't sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang pinagbilhan mo ng lupa? 4 Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.”
5 Nang(A) marinig ito ni Ananias, siya'y nalagutan ng hininga at bumagsak, at lahat ng nakabalita sa pangyayaring iyon ay pinagharian ng matinding takot. 6 Lumapit ang ilang binata, binalot ang bangkay, at siya'y inilibing.
7 Pagkaraan ng may tatlong oras, dumating naman ang kanyang asawa na walang kamalay-malay sa nangyari. 8 Kinausap siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito nga ba lamang ang kabuuang halagang pinagbilhan ninyo ng inyong lupa?”
“Opo, iyan lamang,” sagot ng babae.
9 Kaya't sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkaisa kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Hayan! Kadarating pa lamang ng mga naglibing sa iyong asawa, at ikaw naman ngayon ang isusunod nila!”
10 Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na siya kaya't inilibing siya sa tabi ng kanyang asawa. 11 Nakadama ng matinding takot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.