Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 69:1-5

Panalangin Upang Tulungan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.

69 O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
    sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
lumulubog ako sa burak at putik,
    at sa malalaking along nagngangalit.
Ako ay malat na sa aking pagtawag,
    ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
    sa paghihintay ko sa iyong paglingap.

Silang(A) napopoot nang walang dahilan,
    higit na marami sa buhok kong taglay;
mga sinungaling na nagpaparatang,
    ang hangad sa akin, ako ay mapatay.
Ang pag-aari kong di naman ninakaw,
    nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,
    ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo.

Mga Awit 69:30-36

30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
    dadakilain ko't pasasalamatan.
31 Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,
    higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32 Kung makita ito nitong mga dukha,
    sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
    lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.

34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
    maging karagata't naroong nilikha!
35 Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
    bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36     Magmamana nito'y yaong lahi nila,
    may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.

Isaias 41:14-20

14 Sinabi pa ni Yahweh,
“Israel, mahina ka man at maliit,
    huwag kang matakot, sapagkat tutulungan kita.
Ako ang iyong tagapagligtas, ang banal na Diyos ng Israel.
15 Gagawin kitang tulad ng panggiik,
    na may bago at matatalim na ngipin.
Iyong gigiikin ang mga bundok at burol,
    at dudurugin hanggang maging alabok.
16 Ihahagis mo sila at tatangayin ng hangin;
    pagdating ng bagyo ay pakakalatin.
Magdiriwang kayo sa pangalan ni Yahweh,
    at pararangalan ang Banal na Diyos ng Israel.

17 “Kapag inabot ng matinding uhaw ang aking bayan,
    na halos matuyo ang kanilang lalamunan,
akong si Yahweh ang gagawa ng paraan;
    akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya.
18 Magkakaroon ng ilog sa tigang na burol,
    aagos ang masaganang tubig sa mga libis;
gagawin kong lawa ang disyerto,
    may mga batis na bubukal sa tuyong lupain.
19 Ang mga disyerto'y pupunuin ko ng akasya't sedar,
    kahoy na olibo at saka ng mirto;
    kahoy na sipres, alerses at pino.
20 At kung magkagayon,
    makikita nila at mauunawaan
na akong si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,
    ang gumawa at lumikha nito.”

Juan 1:29-34

Ang Kordero ng Diyos

29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak. 31 Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”

32 Ganito ang patotoo ni Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. 33 Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siyang nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makitang bumabâ at manatili ang Espiritu, siya ang magbabautismo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’ 34 Ngayon ay nakita ko siya, at pinapatotohanan kong siya ang Anak ng Diyos.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.