Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 69:1-5

Panalangin Upang Tulungan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.

69 O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
    sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
lumulubog ako sa burak at putik,
    at sa malalaking along nagngangalit.
Ako ay malat na sa aking pagtawag,
    ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
    sa paghihintay ko sa iyong paglingap.

Silang(A) napopoot nang walang dahilan,
    higit na marami sa buhok kong taglay;
mga sinungaling na nagpaparatang,
    ang hangad sa akin, ako ay mapatay.
Ang pag-aari kong di naman ninakaw,
    nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,
    ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo.

Mga Awit 69:30-36

30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
    dadakilain ko't pasasalamatan.
31 Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,
    higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32 Kung makita ito nitong mga dukha,
    sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
    lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.

34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
    maging karagata't naroong nilikha!
35 Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
    bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36     Magmamana nito'y yaong lahi nila,
    may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.

Exodo 30:22-38

Ang Langis na Pampahid at ang Insenso

22 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, 23 “Pumili ka ng pinakamainam na pabango: 6 na kilong mira, 3 kilong kanela at 3 kilong mabangong tubó 24 at 6 na kilong kasia ayon sa sukatang gamit sa templo. Pagkatapos, kumuha ka ng 4 na litrong langis ng olibo. 25 Paghalu-haluin mo ito tulad ng ginagawa ng mahuhusay na manggagawa ng pabango at gagamitin mo itong pampahid upang 26 maging sagrado ang Toldang Tipanan at ang Kaban ng Tipan, 27 ganoon din ang mesa at lahat ng kagamitan nito, ang ilawan at mga kasangkapang kaugnay nito at ang altar na sunugan ng insenso. 28 Pahiran mo rin ang altar na sunugan ng mga handog at mga kasangkapan nito, ang palangganang hugasan at ang patungan nito. 29 Ganyan ang gagawin mo sa mga kasangkapang nabanggit upang ang mga ito'y maging ganap na sagrado; magiging sagrado rin ang lahat ng maisagi rito.

30 “Pagkatapos, si Aaron naman at ang kanyang mga anak ang bubuhusan ng langis na ito upang lubos silang maitalaga bilang mga pari. 31 Sabihin mo sa mga Israelita na ang langis na ito'y banal at siya ninyong gagamitin habang panahon. 32 Huwag ninyo itong gagamitin sa karaniwang tao at huwag gagayahin ang paggawa nito. Ito'y banal at dapat igalang. 33 Ititiwalag ang sinumang gumaya nito at ang sinumang gumamit nito sa dayuhan.”

Ang Insenso

34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Kumuha ka ng magkakasindaming pabango ng estacte, onise, galbano at purong insenso. 35 Paghalu-haluin mo ito at gawing insenso tulad ng ginagawa ng mahusay na manggagawa ng pabangong inasinan, malinis, at banal. 36 Dikdikin mo nang pino ang kaunti nito at ilagay sa harap ng Kaban ng Tipan, sa Toldang Tipanan. Ituring mo itong ganap na sagrado. 37 Huwag ninyong gagayahin ito kung gagawa kayo ng insenso na pansariling gamit. Aariin ninyong ito'y bukod-tangi para kay Yahweh. 38 Ititiwalag ang sinumang gumamit nito bilang pabango.”

Mga Gawa 22:2-16

Nang siya'y marinig nilang nagsasalita sa wikang Hebreo, lalo silang tumahimik. Kaya't nagpatuloy si Pablo,

“Ako'y(A) isang Judiong ipinanganak sa Tarso, sa lalawigan ng Cilicia, ngunit lumaki rito sa Jerusalem. Ang aking guro ay si Gamaliel at buong higpit niya akong tinuruan sa Kautusan ng ating mga ninuno. Ako'y masugid na naglilingkod sa Diyos tulad ninyong lahat na naririto ngayon. Inusig(B) ko at ipinapatay ang mga sumusunod sa Daang ito. Ipinagapos ko sila't ipinabilanggo, maging lalaki o maging babae. Makakapagpatotoo tungkol dito ang pinakapunong pari at ang buong kapulungan ng mga matatandang pinuno ng bayan. Binigyan pa nga nila ako ng mga sulat para sa mga Judio sa Damasco, kaya't pumunta ako roon upang dakpin ang mga kaanib ng Daang ito at dalhin sila dito sa Jerusalem nang nakagapos upang parusahan.”

Isinalaysay ni Pablo Kung Paano Siya Sumampalataya(C)

“Nang malapit na ako sa Damasco, magtatanghaling-tapat noon, may biglang kumislap sa aking paligid na isang matinding liwanag mula sa langit. Bumagsak ako sa lupa at narinig ko ang isang tinig na nagsalita sa akin, ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?’ Ako'y sumagot, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ ‘Ako ang iyong pinag-uusig na si Jesus na taga-Nazaret,’ tugon ng tinig. Nakita ng mga kasama ko ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig na nagsasalita sa akin. 10 ‘Ano po ang gagawin ko, Panginoon?’ tanong ko. At tumugon ang Panginoon, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng itinakda na dapat mong gawin.’ 11 Nabulag ako dahil sa matinding liwanag na iyon, kaya't ako'y inakay na lamang ng mga kasama ko at dinala sa Damasco.

12 “Doon ay nakatira si Ananias. Siya ay tapat na sumusunod sa Kautusan at iginagalang ng mga Judiong naninirahan doon. 13 Pinuntahan niya ako, tumayo sa tabi ko at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, makakita kang muli.’ Noon di'y nakakita akong muli at tumingin ako sa kanya, 14 at sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Matuwid na Lingkod at marinig ang kanyang tinig. 15 Sapagkat ikaw ay magiging saksi niya upang patotohanan sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. 16 At ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na, magpabautismo at tumawag ka sa kanyang pangalan upang mapatawad ka sa iyong mga kasalanan.’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.