Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
Ang Pangitain ni Samuel
3 Sa pamamahala ni Eli, si Samuel ay patuloy na naglingkod kay Yahweh. Nang panahong iyon, bihira nang magpahayag si Yahweh at bihira na rin ang mga pangitaing galing sa kanya. 2 Malabo na noon ang mata ni Eli. Minsan, natutulog siya sa kanyang silid. 3 Si Samuel ay natutulog naman sa santuwaryo, kung saan naroroon din ang Kaban ng Tipan. Bago magmadaling-araw at may sindi pa ang ilawan sa santuwaryo, 4 siya'y tinawag ni Yahweh, “Samuel, Samuel!”
“Narito po ako,” sagot niya. 5 Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?”
Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Matulog ka na uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan.
6 Subalit tinawag siyang muli ni Yahweh, “Samuel!” Bumangon siya, lumapit muli kay Eli at nagtanong, “Tinatawag po ba ninyo ako?”
Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Matulog ka na.” 7 Hindi pa kilala noon ni Samuel si Yahweh sapagkat hindi pa ito nagpahayag sa kanya.
8 Sa ikatlong pagtawag ni Yahweh, muling lumapit si Samuel kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinawag ninyo ako.”
Sa pagkakataong iyon, naunawaan ni Eli na si Yahweh ang tumatawag sa bata, 9 kaya sinabi niya, “Mahiga kang muli at kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Yahweh. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muli ngang nahiga si Samuel. 10 Si Yahweh ay lumapit kay Samuel at muli itong tinawag, “Samuel, Samuel!”
Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod.”
11 Sinabi ni Yahweh, “Hindi magtatagal at may gagawin akong kakila-kilabot na bagay sa Israel. Lahat ng makakabalita nito'y mabibigla. 12 Pagdating ng araw na iyon, gagawin ko ang lahat ng sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli, mula sa umpisa hanggang sa katapusan. 13 Sabihin mo sa kanya na habang panahon kong paparusahan ang kanyang sambahayan sapagkat hinayaan niyang lapastanganin ako ng kanyang mga anak. Ni hindi man lamang niya pinahinto ang mga ito. 14 Dahil dito, isinusumpa kong hindi mapapawi ng anumang handog ang kalapastanganang ginawa ng sambahayan ni Eli.”
15 Natulog muli si Samuel at kinaumagaha'y binuksan ang pintuan ng bahay ni Yahweh. Ngunit natatakot siyang sabihin kay Eli ang tungkol sa pangitain. 16 Subalit tinawag siya ni Eli, “Samuel, anak.”
“Ano po iyon?” sagot ni Samuel.
17 Sinabi ni Eli, “Anong sinabi sa iyo ni Yahweh? Huwag ka nang maglihim sa akin. Mabigat ang parusang ibibigay sa iyo ni Yahweh kapag hindi mo sinabi sa akin ang lahat ng sinabi niya sa iyo.” 18 Kaya't ipinagtapat ni Samuel ang lahat kay Eli; wala siyang inilihim dito. Pagkatapos, sinabi ni Eli, “Iyon ang kagustuhan ni Yahweh. Mangyari nawa ang ayon sa kanyang kalooban.”
19 Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ni Yahweh, at nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya. 20 Dahil dito, kinilala ng buong Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na si Samuel ay isang tunay na propeta ni Yahweh. 21 Patuloy na nagpapahayag si Yahweh sa Shilo, sapagkat siya'y nangungusap kay Samuel sa Shilo. Dinirinig ng buong Israel ang salitang ipinapahayag ni Samuel.
10 Sa Damasco ay may isang alagad na ang pangala'y Ananias. Tinawag siya ng Panginoon sa pamamagitan ng isang pangitain, “Ananias!”
“Ano po iyon, Panginoon,” tugon niya.
11 Sinabi ng Panginoon, “Pumunta ka sa kalyeng tinatawag na Tuwid, sa bahay ni Judas, at ipagtanong mo ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangala'y Saulo. Siya'y nananalangin ngayon. 12 [Sa isang pangitain],[a] nakita ka niyang pumasok sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay upang siya'y makakitang muli.”
13 Sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po akong nabalitaan tungkol sa taong ito at sa mga kasamaang ginawa niya sa inyong mga hinirang sa Jerusalem. 14 At naparito siya sa Damasco, taglay ang kapangyarihang galing sa mga punong pari ng mga Judio, upang dakpin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.”
15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka roon, sapagkat siya'y pinili ko upang ipakilala ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel. 16 Ipapakita ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.”
17 Pumunta nga si Ananias sa naturang bahay at pumasok dito. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, pinapunta ako rito ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan nang ikaw ay papunta rito. Isinugo niya ako upang muli kang makakita at upang mapuspos ka ng Espiritu Santo.” 18 Noon(A) di'y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo at nakakita siyang muli. Tumayo siya at nagpabautismo. 19 Kumain siya at nagbalik ang kanyang lakas.
Nangaral si Saulo sa Damasco
Si Saulo'y ilang araw na kasa-kasama ng mga alagad sa Damasco.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.